10 - Desoro

1K 34 17
                                    

NAGISING SI MILLIE. Nang idilat niya ang mga mata ay unang bumungad sa kaniya ang purong lupa o bato na kisame. Nang maging malinaw ang kaniyang paningin ay bumaha ang kaniyang alaala. Nilukob siya ng takot. Palinga-linga siya at natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa isang malapad na batong tadtad ng mga nakaukit na simbolo, sa gitna ng kadiliman at tanging isang gasera lang sa isang sulok ang nagbibigay-liwanag.

Hubo't hubad siya at ang katawan niya rin ay pinintahan ng mga simbolo gamit ang pulang likido---na batid niyang dugo na natuyo na. Akmang babangon na sana siya nang laking-gimbal niya nang malamang may nakatali pala sa kaniyang mga kamay at paa. Hindi niya magawang bumangon. Bawat galaw niya ay may hatid na kirot sa mga braso at binti dahil sa higpit ng pagkakatali ng lubid.

"Millie..."

Nanlamig siya at nanindig ang kaniyang balahibo nang marinig ang boses ni Cecilia. Nasundan ito ng mga hakbang ng babae na papalapit sa kaniya. Nabaling ang tingin niya sa kanang gawi at doon, sa liwanag ng gasera, nakita niya si Cecilia na may nakakakilabot na ngiti at titig sa kaniya.

"P...Pakiusap, Cecilia. Pakawalan mo 'ko."

"Gusto mo nang umuwi, 'di ba? Ito lang ang paraan."

Nagpumiglas siya. "Cecilia!"

Tinakikuran siya nito sa kabila ng kaniyang pagmamakaawa. Kinuha nito ang gasera at saka tinungo ang isang sulok ng kinalalagyan nila. Sa kahel na liwanag na hatid nito ay napuna niyang nasa loob sila ng kuweba. Niliwanagan nito ang isang bahagi kung saan sari-saring simbolo ang nakaukit sa batong dingding; may isang malaking bilugang simbolo sa gitna, at napaliligiran ng mga malilit pang simbolo. Hinaplos nito ang malaking simbolo at narinig niyang umusal ito ng mga salita.

"Cecilia! Pakawalan mo 'ko!"

Hindi pa rin siya pinakinggan nito. Umatras ang babae at saka buong-lakas na hinagis ang gasera sa pader. Sumiklab ang apoy at saka kumalat ito. Agad siyang napaiwas ng tingin at mariing napapikit dahil sa silaw nito. Nang muli niyang buksan ang mga mata at binalingan ng tingin si Cecilia ay nasindak siya sa tanawin ng apoy na gumuguhit sa simbolo. Hinarap siya ng babae. Mula sa bulsa ng pantalon ay hinugot nito ang patalim. At saka naglakad papalapit sa kaniyang kinalalagyan.

"Cecilia!"

Nang makalapit ay tumindig ang babae sa tabi ng kaniyang pinaglalagyan. Lubos siyang nagimbal at nanlamig nang ilapat ng babae ang malamig patalim sa kaniyang kanang braso. Marahas siyang nagpumiglas ngunit wala siyang lakas laban sa higpit at kapal ng lubid na nakabalot sa kaniyang mga kamay at paa. At humiyaw na lang siya nang malakas matapos maramdaman ang dahan-dahang pagdaan ng patalim sa kaniyang braso. Marahas na siyang nagpupumiglas. Mariin din siyang napapikit habang ininda ang 'di mawaring sakit. Napunit ang kaniyang balat at laman. Ramdam niya ang pag-agos ng dugo rito na kumalat sa kinahihigaan niya.

"Maawa ka, Cecilia! Tama na!"

Tumigil na rin sa paghiwa si Cecilia. Idinilat niya ang mga mata at nang tignan niya ang sariling sugat ay ramdam niyang parang babaliktad ang kaniyang sikmura sa laki ng hiwa at sa rami ng dugong umaagos. Ngunit lubos siyang nagimbal nang lumipat sa kabilang bahagi ang babae. At doon, walang pag-aalinlangan nitong hiniwa ang kaniyang kaliwang braso. Umagos ang dugo niya at kumalat sa kinahihigaang bato.

Iyak siya nang iyak. Nagmamakaawa sa gitna ng kaniyang mga hikbi. Sa tuloy-tuloy na pag-agos ng dugo ay unti-unti na rin siyang naubusan ng lakas. Nahihilo na siya. Nag-aagaw ang dilim at liwanag sa kaniyang paningin. Ngunit lumaban pa rin siya at pinanatiling gising ang diwa. At doon, sa 'di inaasahang pagkakataon, lumitaw sa dilim ang isang lalaki---si Lito!

Natulala siya at walang magawa kung hindi ang panoorin kung paano ito sumugod at inatake si Cecilia na gulat na gulat din. Binunggo niya ang babae at sabay silang bumagsak sa sahig. Sa higpit ng tali ay hindi niya magawang tignan ito. Bulag man sa kaganapan, dinig na dinig naman niya ang daing at iyak ni Cecilia; kalakip ang mga kalabog, at mga ungol ni Lito na mahahalatang nanggigigil na.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon