8 - Cecilia

564 36 2
                                    

“Tara na, kailangan nating matunton ang lagusan bago nila tayo maabutan,” aya ni Lito nang makaipon na sila ng lakas.

“Nasaan ba ang pusod ng bayan?”

“Malapit na tayo.”

Tumayo si Lito at nanguna na. Kahit sumasakit pa ang katawan niya, sa kagustuhang makauwi na rin ay tumayo siya at ininda lang ang pananakit ng iba’t ibang parte ng katawan. Sa pagkakataong ito, hindi maitatangging binabagabag siya sa mga nangyari. Ang dating tiwala niya sa lalaki ay dahan-dahang nawala nang malaman niya ang kakayahan nitong kumitil ng buhay. Tinimbang niya ang pangyayari, umaasang maliliwanagan siya sa kung anong gagawin. Hanggang sa makalipas ang ilang minuto, nakapagdesisyon na rin siya.

Habang tahimik nilang sinusuyod ang kagubatan, nang makakuha ng tamang pagkakataon, pinulot niya ang nadaanang bato na may kabigatan din. Bumuwelo siya at habang wala pang kamalay-malay ang lalaki ay buong-lakas niyang hinampas ang ulo nito. Sa bilis ng pangyayari ay narinig na lang niya itong dumaing nang malakas kasabay ang pagbagsak ng katawan nito sa lupa. Saglit siyang natulala sa ginawa. Napatitig siya sa ulo nitong dumudugo. Sa isang kurap lang ay nagulo ang isipan niya at hindi na niya matukoy kung tama ba ang kaniyang ginawa. Kinakain siya ng konsensya. Ngunit sa puntong ‘yon, isa lang ang alam niya---paniguradong gaganti ang lalaki.

Sa paglukob ng takot sa kaniyang sistema, agad na kumilos ang kaniyang mga paa. Kumaripas siya nang takbo, hindi na lumingon pa. Kahit walang kasiguraduhan kung saan man siyang direksyon patungo, ang nasa isip niya lang ay makalayo. Kung saan-saan na siya dinala ng sariling mga paa. Napapaligiran pa rin siya ng puno at unti-unti na ring dumidilim ang paligid. Hanggang sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nasagi ng kaniyang paa ang isang nakausling ugat. Nawalan kaagad siya ng balanse. Sunod na lang niyang namalayan ay ang pagbagsak niya; nahampas ang kaniyang mukha sa matigas na lupa at sa puntong ito ay tuluyan na rin siyang nawalan ng malay.

•••

NAGISING SI MILLIE nang makarinig ng ingay sa paligid. Pagdilat ng mga mata niya ay bumaha ang kaniyang mga alaala. Binalot kaagad siya ng takot; nanlamig siya at agad na napaupo. Napadaing siya nang maramdaman ang pananakit ng ilong. Marahan niya itong hinawakan at naramdaman na lang niya ang tuyong dugo sa malambot at namamagang ilong. Iginala niya ang paningin sa paligid at lubos siyang nagimbal nang matagpuan ang sarili sa loob ng isang silid na walang kalaman-laman. At mula sa labas, sa kabilang bahagi ng pintuan ay narinig niyang pinagmumulan ng mga boses. Kahit malabo ay alam niya kung sino-sino ang mga panauhing ito.

Unang pumasok sa kaniyang isipan ang kagustuhang makatakas. Ngunit, lubos siyang nadismaya nang malamang walang mga bintana at wala ring aparador. Tanging ang daan lang papasok at palabas ng silid ay ang pintuan. Dahan-dahan siyang tumayo. Maingat siyang naglakad patungo sa pinto. Nang makalapit ay inilapat niya ang mga tainga sa kahoy na pinto at pinakinggan ang usapan sa labas.

“Kailangan niyang malaman ang totoo. Karapatan niya yun.”

“Gigisingin ko na siya.”

Nanlamig siya nang marinig ang mga hakbang na papalapit sa kaniyang kinalalagyan. Nataranta siya at agad na umatras, naghanap ng puwedeng pagtaguan o kaya ay bagay na puprotekta sa kaniya. Ngunit wala siyang mapulot at wala na rin siyang oras pa. Hinanda na lang niya ang sarili hanggang sa bumukas ang pinto at doon bumungad ang mukha ni Cecilia. Namumugto ang mga mata nito at namumula pa ang ilong, halatang galing ito sa pag-iyak.

“Papatayin mo na ba ako?”

“Sundan mo ‘ko at isisiwalat ko sa ‘yo ang lahat ng dapat mong malaman.”

Wala man siyang tiwala rito, kahit natatakot pa, ay naglakas-loob siyang sundan ang babae. Dinala siya nito sa kusina kung saan naroon sina Grace at Mark na bugbog-sarado ang mukha na nakaupo sa paligid ng mesa at nagkakape. Sumenyas naman si Grace na maupo siya sa kabilang dulo ng mahaba at parisukat na mesa nang pumuwesto rin si Cecilia sa kabila. May parte sa kaniyang isipan na gustong tumakbo, ngunit may nagsasabi naman sa kaniya na maupo at dinggin ang nais nilang sabihin.

“Oh, ayan.” Naglapag ng kutsilyo si Grace sa mesa at tinulak ito papalapit sa kaniya. “Proteksyon mo kung natatakot ka talaga sa ‘min.”

Wala siyang sinabi, sa halip ay pinulot niya ang patalim at umupo na rin.

“Bakit ka sumama kay Lito, Millie?” tanong ni Cecilia.

Tumikhim siya. “H...Hindi ko alam. Takot na takot ako no’ng inatake siya ni Mark at sabi niya papatayin n’yo raw ako. Marami siyang sinabi tungkol sa bayang ito at kung paano n’yo pinaslang ang mga napupunta rito...at anak siya ni Henry.”

Tipid na natawa si Cecilia.“Iyan ba talaga ang sinabi niya? Hindi ka namin masisisi. Hindi man namin hawak ang tiwala mo sa ngayon, pero gusto ko lang na sabihin na gaya mo, napunta rin kami rito noon na walang kaalam-alam sa mundong ito. Nakilala rin namin si Lito at nagpapanggap siya na tutulong sa ‘min at puprotektahan kami laban sa sinumang gustong pumaslang sa ‘min. Sa takot ay sinunod namin ang kaniyang gusto, hanggang sa nalaman na lang namin na pinapaslang niya ang mga napupunta rito. Hindi rin siya anak ni Henry na ipinadala rito upang iligtas kami. Ang totoo ay magkasama sila ni Henry na napunta rito at pinaslang niya rin ito. Sinubukan naming pigilan siya, ngunit masyado siyang mailap, alam na alam niya ang bayang ito at kontrolado niya rin ang mga nilalang.”

“Hindi ‘yan totoo...” Napailing siya. “Kung totoong mamamatay-tao siya, ba’t ‘di niya ako pinaslang no’ng nagsama kami?”

“Kasi ikaw lang ang mayroon siya at wala pa kayo sa pusod ng bayan.”

“A...Ano?”

“Balak ka niyang isakprisyo sa pusod ng bayan upang makapunta siya sa mundo ng mga tao. Ang kailangan ng lagusan ay ang dugo at katawan ng bagong dating na mga tao...at ikaw ‘yon.” Hindi siya makapagsalita. Gulong-gulo na ang isipan niya. “Kaya ka namin binigyan ng journal kasi gusto naming malaman mo ang katotohanan. Pero halatang hindi mo pa ito nabasa lahat kasi sumama ka talaga sa kaniya.”

“Kasi ang sabi n’yo ay bagong salta rin siya rito...”

“Ako ay humihingi sa ‘yo ng paumanhin dahil nagsinungaling ako sa ‘yo patungkol kay Lito.”

Napasinghal siya rito. Hindi siya makapaniwala sa dahilan. “Bakit ‘di n’yo mabasa ang isinulat ni Henry?” tanong niya nang maalala ito.

“Iba na ang paningin namin, Millie. ‘Yan ang nagagawa ng bayan sa paglipas ng panahon at mangyayari rin ito sa ‘yo kung magtatagal ka rito.” Napasinghap ng hangin ni Cecilia at tinitigan siya sa mata. “Gaya mo, noon ay binalak na rin ni Lito na isakripisyo ang mga buhay namin. Upang pigilan siya sa pagpunta sa ibang mundo ay nagtatago kami at nagtutulong-tulong upang walang ni isa ang makukuha niya. Hanggang sa magtatagal na kami rito at hindi na niya magagamit pa.”

“Alam n’yo pala na may lagusan palabas sa mundong ito, bakit hindi n’yo ito ginamit?”

“Kasi hindi kami mga mamamatay-tao. Hindi namin kayang bumalik sa mundo na may bahid ng dugo sa kamay.”

“Hindi mamamatay-tao?” natatawang tanong niya. “Sinubukan akong paslangin ni Stephen, Cecilia.”

“Ang utos namin sa kaniya ay dalhin ka rito nang buhay. Kung ano man ang ginawa ni Stephen ay alam kong dala lang ‘yon ng takot, lalo na’t nasabi sa ‘min ni Mark kung anong ginawa mo sa kaniya. Pero sa huli, sino ang naiwan sa daan na wala nang kabuhay-buhay?”

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon