Hindi niya maipaliwanag ang galak na nadarama nang mapatingala siya at sinundan ang mga hibla ng puting liwanag na tumutungo sa mga kumikinang na mga gintong dahon. Nakakamangha. Ramdam niyang para siyang nakalutang sa alapaap. Hindi na niya dama pa ang sariling katawan at hindi niya mapigilan ang pagsilay ng ngiti sa kaniyang labi nang umapaw ang tuwa niya.
"Akong ginoo si Arkan...akong gihalad kaniya ang akong kusog ug dugo. Ug kitang tanan magkahiusa," ("Panginoong Arkan, inaalay ko ang aking lakas at dugo, at tayong lahat magkakaisa,") sabi ni Senior Florencio na hindi na niya matunton at batid niyang nasa isipan niya mismo itong nagsasalita.
At inusal din ito ng lahat, maliban sa kaniya,"akong ginoo si Arkan... akong gihalad kaniya ang akong kusog ug dugo, ug kitang tanan magkahiusa."
Isang kiliti mula sa kaniyang binti ang kumuha sa pansin niya at nagpagana ng pandama sa kaniyang buong katawan. Napangiti siya nang makita ang puti at nagliliwanag na manipis na hibla ng ugat na lumingkis sa kaniyang kanang binti. May isa pang ugat na lumitaw mula sa lupa na kumapit din sa kabilang binti niya. At magkasabay na umangat ang apat na ugat: ang dalawa ay direktang bumalot sa kaniyang braso, samantalang ang dalawa pa ay sa kaniyang magkabilang sentido.
Nagsimula nang umikot ang paligid sa kaniyang paningin, ngunit sa kabila nito ay kitang-kita pa rin niya kung paano dumaloy ang kaniyang dugo sa ugat animo'y hinihigop nito. Ang isipan niya ay sumisigaw ng pagtutol, ngunit hindi niya ito magawa nang walang salita ang lumabas sa kaniyang bibig at purong ngiti lang ang kaniyang nagagawa. Hindi na rin niya nakontrol pa ang sariling balanse at diretsong humiga sa lupa. At habang nakatitig siya sa ere ay may napansin niyang may puting liwanag na sumibol at palaki nang palaki.
Nakakasilaw itong tignan ngunit nanatili siyang dilat. Hanggang sa biglang bumaha ang kulay sa paligid. Nang mabilis siyang nakurap ay natagpuan niya ang sarili na nakatindig sa gitna ng malawak na lupaing nababalot ng damo. Napakapayapa, ramdam niya ang lamig ng simoy ng hangin na napakapreskong langhapin; at ang init ng araw na banayad lang sa kaniyang balat.
"Andres..."
Agad siyang napalingon sa pinagmulan ng boses. Ngunit laking-pagtataka niya nang hindi niya ito matunton. Kung saan-saan siya napapatingin sa paligid ngunit wala talaga. Isang kaluskos lang ay mabilis siyang umikot at lumingon. At laking-gimbal niya nang makita ang itim na panauhing nakatindig kay lapit sa kaniya. Mabilis siyang napakurap at mas lalo siyang nagulantang nang naging sariling repleksyon niya ito.
"Iisang isipan, iisang buhay," wika nito, "maligayang pagdating, Andres."
Hindi siya makagalaw at natulala na lang siya. Hinayaan niya lang na umangat ang kamay nito at itinutok ang hintuturong nakaturo sa kaniya. Nang lumapat ang daliri nito sa kaniyang noo at isang puwersa ang biglang humatak sa kaniyang katawan. Habang tinatangay siya ay namangha na lang siya kung paano maghalo-halo ang kulay sa paligid. Mas lalong lumaki ang kaniyang ngiti, hanggang sa natagpuan niya ang sarili na nakahiga at nakatitig sa bubong ng simbahan.
Nanlalanta siyang napabangon. Tinignan niya ang sariling braso at may bilugan at namamagang balat siyang napansin sa magkabilang bahagi. Nabaling ang tingin niya sa katabing kasintahan at nginitian siya nito.
"Isa ka nang ganap na Arkankar, Bal. Ako'y nagagalak na tinanggap ka ni Arkan na maging kasapi," sabi nito at niyakap siya nang mahigpit.
Niyakap din niya ito pabalik at hinalikan ang ulo ng babae. Bumuwag din sila sa pagkakayakap nang muling magsalita si Senior Florencio.
"Nahalad na ang kusog ug dugo. Karun, nagkahiusa na kitang tanan."
"Kitang tanan nagkahiusa," (Tayong lahat magkakaisa,") wika ng lahat, maliban kay Andres.
"Manindog kitang tanan alang sa ikatulong halad, ang halad sa kinabuhi. Ang mga ngalan nga masampit, muari sa atubangan sa atong balaang kahoy, Arkanka." (Magsitayo kayo para sa 'ting pangatlong alay, ang alay ng buhay. Ang mga pangalang aking sasambitin ay pumunta rito sa harapan sa 'ting banal na kahoy, Arkanka.")
Tahimik lang silang lahat habang pinapakinggan si Senior Florencio na tinatawag ang mga pangalan. Agad namang nagsitayo ang mga nabanggit at naglakad patungo sa paanan ng puno.
"Bal, anong nangyayari? Bakit pumupunta roon ang mga matatanda?"
"Sa unang misa ng Linggo ng Pagkabuhay, lahat ng Arkankar ay mag-aalay ng dugo at lakas sa panginoong Arkan, at ang panghuli ay ang buhay."
"Anong ibig mong sabihin? Iaalay ba ng mga matatanda ang buhay nila?"
"Oo, Bal. Lahat sila ay dumating na rin sa edad na pitumpu't lima. Responsibilidad nilang isauli ang kanilang buhay para kay paningoon at nang magamit din ito para sa mga isisilang na bata sa Septiyembre."
"At 'pag matanda ka na rin, isasauli mo rin ba ang buhay mo, Bal?"
"Oo naman, Bal. Walang pagdadalawang-isip. Nabubuhay ako ngayon dahil mayroong nagbigay ng sariling buhay noon."
Napangiti siya rito at hinagkan sa pisngi ang babae. "Akoy natutuwa para sa 'yo, Bal. Dahil magkaedad lang tayo, sabay nating isasauli ang ating buhay kay panginoong Arkan balang araw.
Naputol ang kanilang usapan nang matapos na rin si Senior Florecio sa pagtawag ng mga pangalan.
"Ania sa tiilan sa atong balaang Arkanka ang singkuwenta'y kwatro ka Arkankar nga andam muuli sa ilang kinabuhi ug muhalad sa umaabot na mga bata," ("Nandito sa paanan ng ating banal na Arkanka ang limampu't apat na Arkankar na handang magsauli ng kanilang buhay at ialay ito sa dararing na mga bata,") anunsyo nito.
"Ug ang kinabuhi mahalad ug mauli na," ("At ang buhay ay iaalay at isasauli na,") wika ng lahat.
Lahat ng mga matatanda ay pinanood nilang dumaan sa may biyak na nagsisilbing lagusan papasok sa malaking katawan ng puno. Isa-isa silang nagsipasok habang ang iba na nag-aabang ay nakapila.
"Nakapasok ka na ba sa loob niyan, Bal?" bulong na tanong niya sa katabi.
"Hindi pa, Bal. Tanging si Senior Florencio lang ang nakakapasok diyan at ang mga matatatandang magsasauli ng buhay. Pero minsan, may nagtangkang pumasok diyan na mga binatilyo. Sa simpleng katuwaan nilang patunayan kung anong laman niyan ay hindi na sila nakalabas pa. Maraming nagsabing binawi ni panginoong Arkan ang buhay nila. May usap-usapan din na napunta sila sa mundo ng panginoon. Hindi rin sinasabi ni Senior Florencio sa 'min ang totoo."
At nang makapasok ang lahat ng matatanda sa loob ay umalingawngaw ang masigabong palakpakan sa buong simbahan na sumasabay sa mga palahaw ay hiyawan mula sa loob ng puno.
BINABASA MO ANG
Masasayang Bayan
HorrorAng 𝗠𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 ay isang antolohiya ng mga kababalaghang istorya. Nilalaman nito ay ang sari-saring kuwento ng mga bayang pugad ng kasiyahan...at kasamaaan. #MasasayangBayan Nilalaman: i. Arkanka (July 30, 2021-August 7, 2021) ii...