2 - Bagong Buhay

613 31 0
                                    

“Anong ibig mong sabihin? Ano bang nangyayari, Cecilia? Gulong-gulo na ako.”

“Wala na tayong oras pa. Kailangan mong sundin ang utos ko. Huwag kang lumabas sa kuwarto mo at diyan ka magpalipas ng gabi. Kahit anong mangyari, huwag na huwag mong buksan ang iyong pinto o bintana. Tandaan mo, mag-isa ka lang diyan. Wala kang kasama. Kaya huwag na huwag mong pagbuksan ang kahit na sino.”

“A…Ano?”

“Takpan mo ang bintana at ikandado ang pinto.”

“Bakit?”

“Pakiusap, makinig ka sa ‘kin!” Biglang nag-iba ang tono ng pananalita nito. Ramd niya ang takot, galit, at pangamba sa bawat bigkas niya.

Dali dali niyang binitawan ang telepono at kinandado ang pintuan. Nabaling ang kaniyang tingin sa bintana at nakatabing naman ang kurtina roon. Ngunit hindi siya mapalagay, tinungo niya ito at sinigurong nakasara nang maigi at nakandado ang sliding glass window ng silid niya. Bumalik siya sa telepono, pinulot ito, at inilapit sa kaniyang tainga.

“Nakasara na.”

“Patayin mo ang ilaw.”

“Bakit?”

“Bilisan mo…”

“Bakit nga, Cecilia? Takot na takot na ako, tangina!” Hindi niya mapigilan ang panginginig ng kamay at panlalamig ng buong katawan.

“Kung ayaw mong mamatay, gawin mo ang lahat ng sinabi ko. Paparating na sila!”

Agaran niyang inabot ang switch at isang pindot lang ay sinakop ng kadiliman ang paligid. Namanhid na ang buo niyang katawan at kinakapos na rin siya ng hangin. Hindi niya maipaliwanag ang takot na nadarama lalo na’t humahalo ito sa labis niyang pag-aalala.

“Tapos na.”

“Bumalik ka na sa higaan mo at takpan mo ang iyong sarili ng kumot. Kahit anong mangyari, huwag kang gumawa ng ingay o kumilos masyado. Basta...huwag mong pagbuksan ang sinuman. Kung susundin mo ang payo ko, magiging maayos ka lang. Bukas, pagsikat ng araw, pupuntahan ka namin diyan at pangako…ipapaliwanag namin ang lahat.”

Ibinaba niya ang telepono at mabilis siyang bumalik sa sariling kama. Labis siyang nanlalamig at ang isip niya ay mistulang maputik na tubig dahil gulong-gulo na talaga siya. Sa takot niya ay sinunod niya pa rin ang payo ng estranghero. Binalot niya ang sarili ng kumot at hindi na gumalaw pa. Nanginginig ang kaniyang labi at kamay, at napakabigat ng kaniyang paghinga animo’y wala na siyang hangin pang masisinghap.

Dilat na dilat ang mga mata ni Millie at ni isang sandali ay hindi talaga siya tinamaan ng antok. Habang nakikiramdam siya sa paligid ay nanindig ang kaniyang balahibo nang marinig ang mga mabibigat na yapak sa labas ng kaniyang kwarto. Pabalik-balik na naglalakad ang sinumang nasa kabilang bahagi ng pinto at dingding. Ang salamin din ng kaniyang bintana ay panay na kinakatok, sa lakas ng bawat katok ay parang mababasag na ito.

Hindi siya mapakali, bawat ingay sa labas ay may hatid na kaba at takot sa kanyang sistema. Sa pangamba ay halos hindi na siya halos makagalaw, naririnig na niya ang kabog ng sariling puso at ang bigat ng kaniyang paghinga. Kahit na nakabalot ay hindi siya nakaramdam ng init, sa halip ay lubusang nilalamig ang kaniyang katawan. Hanggang sa lalong nanindig ang kaniyang balahibo nang marinig ang boses ng kaniyang ina at ama mula sa labas.

“Millie…”

“Millie…”

Paulit-ulit nitong inuusal ang kaniyang pangalan, bawat bigkas ay unti-unting nag-iiba ang tono nito. Tinakpan niya ang kaniyang bibig upamg pigilan ang hikbi na nais na kumawala sa kaniyang lalamunan, at hinayan lang ang kaniyang luha na umagos. Wala siyang ibang hiling sa sandaling ito kung hindi ang katahimikan at magising sa katotohanang isa itong masamang panaginip---na isang bangungot lang.

“Millie…papasukin mo ako, anak.”

“Millie, napakalamig dito. Gusto ko nang matulog.”

“Anak…”

“Millie, pakiusap. Papasukin mo ako.”

•••

LUMIPAS ANG ILANG oras at namalayan na lang niya ang unti-unting pagsibol ng liwanag na tumatagos sa bintana at kurtina. Hindi pa rin siya gumalaw o umalis sa higaan at nanatiling nakabalot ang sarili sa kumot. Ang mga pilik-mata niya ay napakabigat. Gusto niyang magpahinga ngunit ang takot niya ay hindi pa rin humuhupa. Kumikirot din ang kaniyang ulo at hindi pa rin mapirmi ang kaniyang paghinga.
Hanggang sa bigla siyang nanginig sa gulat nang mabasag ang katahimikan nang biglang tumunog ang telepono sa kaniyang silid.

Parang pinunit ang kaniyang puso nang mapagtantong nandiyan pa rin ang telepono, gising na gising siya at hindi nga ito isang panaginip. Nagdadalawang-isip man ay napagpasyahan niyang dinggin ang balita mula sa kabilang linya. Dahan-dahan niyang hinawi paalis ang kumot at hinayaang dumampi ang sinag ng araw sa kaniyang mukha at katawan. Umalis din siya ng higaan sa kagustuhang patigilin ang ingay ng telepono. Lumapit siya rito, hinila niya ang telepono at inilapit sa kaniyang tainga. Saglit niyang pinakiramdaman ang paligid nang hindi pa rin siya mapakali.

“Hello?”

“Cecilia?” bulong niya.

“Hindi mo na kailangan pang bumulong. Maliwanag na. Wala ka nang ipag-aalala,” ani nito. “Maaari ko bang malaman ang pangalan mo?”

“Millie....ako si Millie.”

“Okay, Millie. Kumalma ka na. Pupuntahan ka namin.”

“Cecelia, anong nangyayari rito? Pakiusap. Gulong-gulo at takot na takot na ako.”

“Hintayin mo kami. Sasabihin ko ang lahat.”

Nang marinig niyang ibinaba nito ang tawag ay ibinalik din niya ang itim na telepono. Muling sinakop ng katahimikan ang paligid at malakas siyang napasinghap ng hangin upang pakalmahin ang bigat na nadarama. Ngunit kahit anong gawin niya ay randam niya pa ring may kung anong bumibikig sa kaniyang lalamunan at sikmura na nagpapahina sa kaniyang loob. Ang pag-asa niya ay unti-unti nang nalulusaw.

“Millie?” sigaw ng babae mula sa labas na pinipindot ang kanilang doorbell. Batay sa tono ay agad niyang nakilala kung sino ito.

Habang umaalingawngaw ang tunog ng doorbell sa buong bahay ay pinihit niya ang busol ng pinto at hinila ito pabukas. Saglit niyang sinilip ang labas at nang makitang walang ibang tao sa pasilyo ay humakbang na rin siya at tinungo ang hagdanan. Ilang saglit pa ay narating na rin niya ang salas. Laking-pagtataka naman niya nang mapansing nakabukas ang lahat ng bintana. Dumako siya sa pintuan at binuksan ito, at bumungad sa kaniyang harapan ang mga estrangherong binatilyo.

“Ce…Cecilia?” tanong niya rito.

Napatango naman ang babaeng nasa gitna ng grupo na mayroong mahaba at kulot na buhok at may bitbit na backpack. Isa-isa niyang tinignan ang mga kasama nitong isa pang babae at tatlong lalaki, kinikilatis at hinuhusgahan base sa kanilang panlabas na anyo at sa kung paano siya tignan nito.

“Millie…maaari ba kaming pumasok?”

Napatango siya. “Pasok kayo…” aya niya.

Dinala niya ang mga ito sa sopa at hinayaan silang maupo roon. Ang tatlong lalaki ay nagsama-sama sa iisang sopa, samantalang sina Cecilia at isa pang babae ay inukupa naman ang isa pang bakanteng sopa na direktang kaharap ng sa mga lalaki. Samantalang siya naman ay mas piniling hilain ang maliit na upuan at pumuwesto sa gitna ng dalawang grupo. Saglit silang nagkatinginan hanggang sa tumikhim si Cecilia at napabuntong-hininga.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon