5 - Samba

1.2K 64 6
                                    

simboryo - dome

paldiyas - brim

•••

SABIHIN MO SA ‘kin Bal kung handa ka na o hindi pa. Maiintindihan kita. Sasamahan muna kita rito sa labas,” wika ng babae habang hinahaplos ang kaliwang braso niya.

Alas sais na ng gabi at kasalukuyan silang nasa harap ng malaking estruktura kung saan nagsisimba ang mga taga-Arkanka. Sunod-sunod nang bumabaha ang mga tao na diretsong pumapasok sa loob at bawat isa ay napapatingin sa kaniya. Kung saan-saan napapadako ang kaniyang tingin nang obserbahan niya ang nga detalye ng kanilang simbahan.

“M...Maya-maya na tayo pumasok, Bal,” aniya na ikinatango nito.

“Dito mo lang makikita sa Arkanka ang ganitong uri ng simbahan, Bal. Ito lang ata ang simbahan na itinayo sa paligid ng napakalaking puno,” saad nito habang tinitingala ang dambuhalang puno na napakahaba ng sanga at napakakapal ng dahon na lumulukob sa kabuoan ng simbahan.

“Anong kahoy ‘yan, Bal? ‘Tsaka ilang taon na rin?”

“Ayon kay Senior Florencio, ito ay kahoy na Arkanka. Dito nagmula ang pangalan ng aming bayan dahil dito mo lang talaga makikita ang kahoy na ‘to. No’ng maliit pa ako, nandito na ‘to at ganito na kalaki. Sabi pa nga nila, sinaunang kahoy ito ng aming bayan na nabubuhay ng ilang daang libong taon. Napaka-espesyal din nito dahil kailanman, hindi nila nagawang paramihin ito. Walang bunga, pati ang mga sanga nito ay hindi nabubuhay nang itanim nila.”

“Gano’n ba, Bal? Kapansin-pansin nga ito kanina, no’ng dumating tayo. Kulay pula ba talaga ang balat niyan at ginto ang dahon?”

“Oo Bal, kaaya-aya ‘di ba? Dahil sa ganda ng punong ito ay naging malaki ang papel na ginampanan nito sa buhay ng mga Arkankar. Ito rin ang dahilan kung bakit mapangalaga si Senior Florencio sa likas na yaman, lalo na sa mga kahoy. Nangangamba siya na kung hahayaan niya ang mga tao na mamutol lang ng puno ay darating daw ang araw na ito naman ang mapuputol.”

“Tara na, Bal. Baka wala na tayong maupuan sa loob,” aya niya nang maging kumportable na rin at napagpasyahang handa na nga siya.

“Huwag kang mag-alala Bal, hindi tayo mauubusan ng upuan.”

Sabay silang naglakad papasok sa magarang entrada na hugis bilog. Ang paligid nito ay pinalamutian ng mga bulaklak na napakabango ng halimuyak. Dalawang sulo ang nakatarak sa magkabilang bahagi nito na nagbibigay ng kahel na kulay sa paligid. Pagpasok nila sa loob ay laking-mangha niya sa lawak ng paligid. Napakaraming tao nga ang pumuwesto kung saan-saan, pero marami pa ring bakanteng espasyo. Ang tanging  nagsisilbing upuan ay ang mga nakausling ugat ng puno na napakagandang tignan dahil nakahanay talaga ito. At sa gitna ng bilugang simbahan ay naroon ang napakalaking katawan ng puno na tinatayang kakailanganin pa ng limampung tao upang mayakap ito.

“Dito na tayo, Bal. Sakto, mamaya ‘pag uuwi na tayo ay mas mabilis tayong makakalabas,” bulong ng babae.

Sa pangunguna ng babae ay inukupa nila ang espasyo sa gitna ng mga kababaihang may edad na. Umupo sila sa nakausling pulang ugat at laking-mangha niya nang maramdamang hindi ito gaanong matigas gaya ng sa ibang mga kahoy, medyo malambot ito at kumportableng upuan. Nakakabingi naman ang katahimikan. Dinig na dinig niya ang sariling paghinga at pintig ng puso. Hindi naman mapirmi ang kaniyang mga mata nang pansinin niya nang maigi ang paligid ng mala-simboryong estruktura ng simbahan na purong gawa sa mga dahon ng niyog na tinahi, mga mahababang patpat, at iba pang tuyong dahon ng talahib.

Hindi niya mabilang ang mga taong nakatitig lang sa gitna o sa katawan ng puno na pinapaligiran ng mga sulo na siyang nagbibigay-liwanag sa buong simbahan. At ngayon lang niya napansin ang malaking biyak sa gilid ng katawan ng puno nang lumabas dito ang lalaking matanda na pamilyar sa kaniya at may bitbit na sulo na kulay luntian ang apoy. Suot-suot nito ang makapal at mahabang damit na balabal na may sari-saring kulay. Pumuwesto ito sa gitna, sa harap ng mahabang mesa. Maingat nitong inilagay ang apoy sa isang nakatindig kawayan upang manatiling tuwid at patuloy pa ring mag-aapoy. Sa lagablab ng mga apoy ay napatingin ang lalaki sa mga tao at ikinumpas ang kamay sa ere.

Agad namang nagsitayuan ang lahat. Sumabay naman siya rito at inangat din ang sariling magkabilang kamay. Pasimple niyang tinignan ang kasintahan sa tabi at napansin niyang nakapikit ito, gano’n na rin ang iba pa na nakapaligid sa kaniya. Pero mas pinili niyang manatiling nakadilat ang mga mata upang makialam. At ang mga sumunod na kaganapan nga ay nagpatindig sa kaniyang balahibo.

“Sa gahom sa atong ginoong Arkan. Atong ihalad kaniya karun ang atong kusog, dugo, ug kinabuhi,” (“Sa kapangyarihan ng ating panginoong Arkan, ating ialay sa kaniya ang ating lakas, dugo, at buhay,”) malakas na wika ng lalaking tumatayong pari. Sa tono ng boses nito ay napagtanto niya at nakumpirmang ito nga ang lalaking nasa palengke kanina, si Senior Florencio, “ania nasab kita sa pagsaulog sa semana sa pagkabuhi sa atong ginoo ug gahulat sa iyang pagbalik...Arkan.” (“nandito na naman tayo sa pagdiriwang sa linggo ng pagkabuhay ng ating panginoon at paghihintay sa kaniyang pagbabalik...Arkan.”)

“Arkan...” magkasabay na sagot ng lahat na umalingawngaw sa buong simbahan.

“Atong inumon ang duga sa Arkanka, isip pagpukaw sa atong mga mata sa gahom ni Arkan.” (Ating inumin ang dagta ng Arkanka bilang pagmulat ng ating mga mata sa kapangyarihan ni Arkan.”

Nagsiupo na rin silang lahat, maliban kay Senior Florencio na nanatiling nakatindig at mabilis na umuusal ng mga salitang hindi niya maintindihan. Kasabay nito ay abala rin ang mga kamay nitong may pinupulot na mga sangkap mula sa mga maliliit na mangkok na nakalatag, at hinahalo ito sa malaking mangkok na nasa gitna. Sa kabilang dako ay isang kilos naman mula sa madla ang kumuha sa kaniyang pansin.

Sinundan niya ng tingin ang mga lalaking may bitbit na mangkok na ipinapasa sa mga nadaraanang mga tao. Binalot kaagad siya ng pagtataka nang makitang iniinom nila ang laman nito.

“Ano yung iniinom nila, Bal? Iinom din ba tayo?” bulong na tanong niya sa katabi.

“Iyan ang sagradong dagta ng kahoy na Arkanka. Iniinom naming lahat ‘yan tuwing nagsisimba upang mamulat ang aming mga mata, Bal.”

“Iinom din ba ako, Bal?” nag-aalangan niyang bulong nang makaramdam ng kaba, “Ayos lang ba kung hindi?”

“Oo, Bal. Kailangang mamulat ng iyong mga mata, nang sa gayon ay magkakaroon ng katuturan ang iyong pagdalo sa misa.”

At hindi nagtagal, natagpuan na nga niya ang mangkok sa kaniyang harapan. Nagdadalawang-isip man ay tinanggap niya pa rin ito mula sa matandang babae at tinitigan ang itim na likido na may kakaibang amoy na nanunuot talaga sa kaniyang ilong. Muli na namang bumaliktad ang kaniyang sikmura at ramdam niya ang pangangasim ng lalamunan at bibig.

“Bal, bilisan mo, marami pang naghihintay. Isang higop lang, sapat na.”

Napatango siya at mariing napapikit. Pinigilan niya rin ang paghinga nang lumapat ang bibig niya sa gilid o paldiyas ng mangkok. Bumuka ang kaniyang bibig at nang iangat niya ang mangkok ay nalasahan kaagad niya ang mapait at maasim na likidong dumaloy papasok. Kumakapit ang hindi mawaring lasa sa kaniyang dila na diretsong gumuhit sa kaniyang lalamunan. Nilunok kaagad niya ang natitira at kagat-labing ipinasa sa kasintahan niya ang mangkok na agarang nilagok ng babae.

Lubos siyang pinagpapawisan at nanginginig. Gustong-gusto na niyang idura ang laway niyang kinakapitan ng lasa ng dagta ngunit hindi niya ito magawa sa takot na baka masuka pa. Mahigpit na nakayukom ang kaniyang kamao at bumabaon na sa kaniyang palad ang sariling kuko. Hanggang sa ‘di inaasahang pagkakataon ay bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Mariin niyang ipinikit ang sariling mata hanggang sa bahagyang humupa ang nadarama. Nang dumilat siya ay nakita niya si Senior Florencio na kinuha ang sulo na mayroong naglalagalab na luntiang apoy.

“Ug karun...atong ihalad ang atong kusog ug dugo kay Arkan.” (“At ngayon, i-alay natin ang ating lakas at dugo kay Arkan.”)

Gamit ang hawak-hawak na sulo ay sinilaban ng lalaki ang laman ng mangkok na nagdulot ng biglaang pagsiklab ng lilang apoy. Agad naman itong naapula at napalitan ng usok na napakakapal. Kumalat ito nang kumalat habang umaangat at dala-dala ang halimuyak na kay bango. At sa isang kurap lang, laking-gulat niya nang makitang nagliliwanag na ng matingkad na kulay pula ang mga ugat na inuupuan nila. May mga puting hibla naman ng liwanag ang gumuguhit at dumadaloy sa ugat. Sinundan niya ito ng tingin at napako ang mga mata niya sa katawan ng malaking puno na nagliliwanag ng kahel.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon