3 - Kwaderno

622 33 0
                                    

“Bago ang lahat, magpapakilala muna kami. Kilala mo na ako. Itong katabi ko naman ay si…” Tinanguan niya ang babae bilang senyas.

“Grace,” wika ng babaeng may buhok na hanggang balikat lang. Tipid itong napangiti at nginitian din niya ito pabalik.

“Ako naman si John,” sabi ng matangkad na lalaking nakasuot ng eyeglasses na nakaupo sa armrest ng sopa.

Kumaway ang lalaking kasunod at kinindatan siya. “Stephen.”

“Mark,” tipid na wika ng lalaking napakaseryoso. Nang titigan niya ito ay napagtanto niya na siya yung lalaking nakita niyang lumabas kagabi.

“Alam kong marami kang tanong ngayon, Millie. Kaya narito kami para sa ‘yo…” sabi ni Cecilia.

“Anong nangyayari at nasaan tayo? Sino yung tumatawag sa ‘kin buong magdamag?” sunod-sunod niyang tanong. “At sino yung narinig kong sumigaw kagabi?”

“Gaya mo ay napadpad din kami rito isang gabi. Paglabas namin ng bahay ay narito na kami. Walang nakakaalam kung nasaan tayo, nilibot na namin itong buong lugar ngunit walang kahit na ni isang impormasyon ang magsasabi kung nasaan tayo. Tinawag na lang namin ang bayang ito na Desoro, mula sa lalaking nag-iwan nito,” paliwanag ni Cecilia. Kinuha nito ang backpack na itim mula sa likod at inilapag sa sahig. Binuksan niya ito at saka naglabas ng kuwaderno na lumang-luma, at saka inabot sa kaniya.

Tinanggap niya kaagad ito at tinignan ang pabalat. “Henry Desoro…”

“Siya ang nagsulat ng journal na ‘yan at laman niyan ang mga karanasan niya no’ng siya pa ay narito,” pahayag ni Cecilia. “Iiwan namin ‘yan sa ‘yo upang mabasa mo. Nagbabaka-sakali lang na may makukuha kang impormasyon na makakatulong sa ‘tin. Baka may mapansin kang hindi namin napansin noon. Pagkatapos ay ipasa mo rin ‘yan kay Mark.”

Napatango-tango lang siya. “Anong nangyari kay Henry?”

“Wala akong alam, hindi kumpleto ang journal. Maaaring nagbalik na siya sa pinagmulan niya o kaya ay isa rin siya sa hindi mapalad na nasawi rito.”

“At sino naman yung tumatawag sa ‘kin kagabi? Bakit kaboses sila ng mga magulang ko? At yung sumigaw?”

“Hindi ko alam kung ano sila. Hindi ko rin sinubukang alamin sa takot na baka mapaslang. Pero nagagawa nilang gayahin ang katauhan ng mahal natin sa buhay. Pilit nila tayong kukumbinsehin na buksan ang pinto.”

“Paano kung pagbubuksan ko ito?”

“Papaslangin ka ng mga nilalang at walang matitira sa ‘yong katawan.  At kinabukasan, ibang tao na naman ang lalabas sa bahay na ‘to.” Nanindig ang balahibo ni Millie sa kilabot. “Yung narinig mong sumigaw, biktima yun ng mga nilalang. Kasabay mo siya rito at hindi niya pinakinggan ang payo ko na manatili sa loob.”

“Kung gano’n...may bago na naman bang salta rito?”

“Meron...si Lito. Inimbitahan ko siya rito pero ayaw niya.”

“Anong taon na ba, Millie?” biglang singit na tanong ni Grace.

“2022.”

“Ano?” Hindi makapaniwala si Mark. “Magkasabay tayong dumating, ‘di ba? 2018 pa, Millie.”

“Hindi...2022 na. Tignan n’yo yun,” aniya sabay turo sa kalendaryong nakadikit sa tabi ng kanilang pintuan. “Ngayon ay pangalawang araw ng Nobyembre.”

“Iba ang takbo ng oras dito, Mark,” saad ni Cecilia na ikinatahimik ng lalaki.

“Gaano katagal na ba kayo rito?” tanong ni Millie.

Tumikhim si Cecilia. “Mag-iisang taon na ako rito. Si Grace naman ay magdadalawang linggo na. Si Stephen ay limang buwan nang narito. At si John ay  tatlong buwan.”

“Ga...Gano’n katagal? Papaano n’yo nakayanang magtagal rito? W...Wala bang paraan upang makauwi sa atin? Hindi na ba tayo makakauwi?”

“Hindi ko alam kung makakauwi pa ba tayo. Sa tagal ko rito ay unti-unti na akong nauubusan ng pag-asang makabalik pa. Kaya, hangga’t makakaya ay kailangan kong manatiling matatag at buhay, baka pagdating ng panahon, may taong darating dito na magtuturo sa ‘tin ng daan palabas. Sa ngayon, ‘yang journal lang ni Desoro ang bagay na nagtagal dito at maaaring hawak niyan ang impormasyong magpapalaya sa ‘tin.” Ramdam niya ang bigat ng pahayag ni Cecilia, tila isa itong impeksyon na unti-unting kinakain ang kaniyang pag-asa. “Millie...Mark, may hihingiin sana kaming pabor sa inyong dalawa.”

“Ano yun?”

“Ayos lang ba sa inyo kung titignan namin ang mga suplay ng pagkain at tubig na meron kayo? Dito kasi, nakasanayan namin na ihalo ang lahat mga pagkain at tubig at iba pang mga suplay para ma-budget natin at tumagal pa. Walang mga gulay at prutas sa bayang ito, ang pagkain at tubig ang tanging yaman dito,” pahayag nito. Nagkatinginan naman si Millie at Mark. “Naubusan na kami ng pagkain. At wala pa kaming kain magmula kahapon.”

“Gano’n ba? S...Sige. Ayos lang,” saad ni Millie. “Tara, gutom na rin ako. Magluluto tayo ng makakain.”

“Mukhang marami-rami rin ang pagkain ko roon. Sinong gusto sumama upang tulungan akong dalhin lahat yun dito?” alok ni Mark.

“Maraming salamat sa inyong dalawa,” naiiyak na wika ni Cecilia. Nabaling ang tingin niya sa dalawang lalaki. “John...Stephen, samahan n’yo si Mark. Mag-inventory kayo sa mga suplay niya at nang may listahan tayo. Sa ngayon, kay Millie muna ang pagsasaluhan.”

Punong-puno man ang kaniyang isipan ng mga samu’t saring problema at tanong, tumindig si Millie at inilapag ang kwaderno sa upuan. Nanguna siya at dinala si Cecilia sa kanilang kusina sa likurang bahagi ng bahay. Tinignan ni Millie ang mga pagkain sa kanilang mga lagayan at napansin niyang kakaunti lang ito. Iilang kilo lang ng bigas ang naroon, mabibilang lang din ang mga de-latang pagkain, at hindi na rin kagandahan ang kalagayan ng mga prutas at gulay. Kaya nga nitong tustusan ang pangangailangan nilang lahat, ngunit sa panandaliang panahon lang.

“Eto lang talaga ang pagkain namin. Sakto lang.”

“Millie, ayos lang kahit konti lulutuin mo. Kailangan nating magtipid.”

“Kasya kaya ‘tong isang de-lata lang?”

“Oo, ayos lang. Nasanay na kami rito na konti lang kinakain.”

Lumipas ang kalahating oras ay nakapagluto na rin sila ng agahan at bumalik na rin ang tatlong lalaki. Pinagkasya lang nila ang ulam. Kahit kaunti lang ito ay masaya pa rin sila at kuntento na, at bumawi na lang sa tubig upang pawiin ang gutom. Matapos silang mag-agahan ay nagpaalam na rin ang iba at nagsialisan nang mapagpasyahan nilang bisitahin ang lalaking nagngangalang Lito. Ang tanging natira na lang sa bahay ni Millie ay si Mark, ang binatang bagong salta rin sa bayan.

“Okay lang ba kung dito muna ako?” tanong ni Mark na naiwang nakaupo sa sopa.

Ang totoo ay hindi kumportable si Millie na may kasamang lalaki, lalo na’t isqng estranghero ito, pero dahil sa situwasyon nila ay napilitan siyang tumango. “Oo, okay lang,” aniya at nagbalak nang umakyat sa kaniyang kwarto.

Binalikan niya ang kwadernong iniwan niya sa upuan at pinulot ito. Akmang aalis na sana siya nang mapatigil siya sa tanong ng lalaki.

“Magbabasa ka na ba?”

“Oo, bakit?”

“Ayos lang ba kung sabay nating babasahin ‘yan? Hindi ko pa kasi kayang bumalik do’n sa bahay ko.” Sandaling natulala si Millie at napamura sa isipan. Wala pa siyang tiwala sa lalaki. “Pero kung hindi, hihintayin na lang kitang matapos diyan.”

Pero paano nga siya magtitiwala rito kung hindi niya susubukang kilalanin ito. Sa lahat ng binatilyo rito ay ito lang ang kasabay niya, gaya niya ay wala rin itong ideya at paniguradong takot din sa kanilang situwasyon. Kung kaya’t napagpasyahan niyang dinggin ang hiling nito.

“S...Sige. Mas maiging sabay nga nating babasahin ‘to.”

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon