2 - Hapag-Kainan

1.9K 91 20
                                    


TUMIGIL ANG SASAKYAN sa gitna ng malawak na lupain ng purong niyog at mangga, sa harap ng nag-iisa at maliit na bahay na napakasimpleng tignan. Ang bubong ay gawa sa tinahi na mga dahon ng niyog na kayumanggi na. Ang haligi ay isang makapal na kawayan, pati na rin ang dingding ay purong biniyak na kawayan kung saan ang hangin labas-pasok lang. Sa kahel na liwanag na nagmumula sa loob ay kitang-kita niya ang mga anino ng panauhing gumagalaw.

"Tara na, Bal," aya ni Josephine nang humakbang ito palabas ng kotse matapos kunin sa backseat ang kaniyang backpack.

Sumunod kaagad siya at hinablot din ang sariling backpack sa likod. Pagtindig niya sa labas ay sinalubong kaagad siya ng kakaibang halimuyak na naghahalo-halo sa ere na ngayon lang niya naamoy. Saglit siyang natigilan at binalingan ng tingin ang babae.

"Ang sarap ng amoy! Ano'ng niluluto ng magulang mo?" tanong niya nang matukoy na isang ulam ang kumuha sa kaniyang atensyon.

"Sa tuwing umuuwi ako, hinahanda talaga ni Mama ang paborito kong sinigang," nakangiting sagot nito at lumapit sa kaniya sabay hawak sa kaniyang braso.

"Amoy pa lang nakakagutom na, paano na lang kaya kung kakain na tayo? Tataba talaga ako rito," nasasabik niyang turan at sinabayan ang babae nang tahakin nila ang daan patungo sa pinto.

"Oo nga pala, Bal." Napatigil sila iilang metro mula sa pintuan. "Uhm. Alam kong pinaplano mo na ngayon na tumulong sa pagluluto at ipatikim kila Mama ang adobo mo. Pero si Mama kasi...napakahigpit niya sa kusina. Gusto niya palagi na siya lang ang nagluluto at nagtatrabaho sa gawaing-bahay. Ayaw na ayaw niyang may gumagalaw sa kasangkapan kasi nagmula pa yun sa kanuno-nunuan ng aming pamilya. Ayos lang kahit hindi ka na tumulong kasi bisita ka naman namin."

"Ayos lang sa 'kin Bal. Pero hindi puwedeng hindi ako tutulong. Mahal kita. Gusto kong pakasalan kita rito sa bayan n'yo at sa lungsod, kaya kailangan kong ligawan din ang mga magulang mo," nakangiti niyang wika at hinalikan sa noo ang nobya.

"Sige, ayos lang na tumulong ka, maliban lang sa?"

"Kusina ni Mama."

Tumuloy na rin sila at sa loob ay naabutan niya ang maliit na espasyo. Sa gitna ay may mahabang mesa na gawa sa kawayan kung saan nakalapag ang isang maliit na lampara na nagbibigay ng kahel na liwanag sa paligid. Sa tabi nito ay isang mahabang upuang gawa rin sa kawayan at direktang karugtong ng dingding. Sa dulo ay may daan pakanan na batid niyang konektado na sa kusina. At mula roon ay lumitaw ang matandang babae na kapansin-pansin ang mga puting hibla ng buhok. Hindi ito gaanong matangkad, kulubot na ang balat, ngunit sa isang tingin lang ay mapupuna kaagad niya na napakaganda nito, at tiyak na rito nagmana ang kaniyang kasintahan.

Walang pagdadalawang-isip siyang sumalubong ina ng iniirog. "Mano po."

Nakangiting ibinigay naman nito ang kanang kamay. Tinanggap niya kaagad ito at saka idinikit sa kaniyang noo bilang pagrespeto. Nang bumitiw siya ay lumapit din si Josephine at gumalang sa kaniyang magulang.

"Ma, si Andres diay," ("Ma, si Andres nga pala,") pakilala sa kaniya ng babae at nakangiting napatango ang ina nito sa kaniya. "Asa si papa, ma?" ("Nasaan po si papa, ma?")

"Toa'g sentro, nakigtagbo sa iyang sakop sa purok. Sugdan na daw nila ugma ang pagpangandam sa pista," ("Nandoon sa sentro, nakipagkita siya sa miyembro ng ating purok. Sisimulan na raw nila bukas ang paghahanda para sa pista,") sagot nito.

"Muuli to siya 'ron, ma?" ("Uuwi ba siya ngayon, ma?")

"Wala ko kabalo, basig mudiritso na sad siya sa lawud. Sige na Ping, kabalo kong gikapoy mo sa byahe, isaka na inyong gamit sa taas kay maghukad nakog panihapon ninyo." (Hindi ko alam, baka didiretso na rin siya sa dagat. Sige na, Ping, alam kong pagod kayo sa byahe, i-akyat mo na 'yang mga gamit n'yo at maghahanda na rin ako para sa hapunan n'yo."

"Ikaw diay 'ma? Dungan lang ta'g kaon." ("Ikaw, 'ma? Sabay na lang tayong kumain.")

"Humana na nako, bag-o lang dyud. Sige na, arun kapahuway mo'g sayo." ("Kakatapos ko lang. Sige na...at nang makapagpahinga na rin kayo nang maaga.")

"Oo, Ma."

Umalis din ang ginang at silang dalawa na lang ang naiwan sa salas.

"Ang bait ng Mama mo, Bal. Nakakagaan ng loob. Anong sabi niya?"

"Ilagay raw natin itong gamit sa kuwarto, do'n sa pangalawang palapag at maghahanda na raw si Mama sa hapunan. Tara na, Bal."

•••

"NGAYON LANG AKO nakatikim ng sinigang na may kamyas. Ang sarap po nito, Aling Crisanta. Mas masarap pa sa mga karenderya at restawrant na napuntahan ko. Mukhang magiging paborito ko na rin ito," puri niya habang humihigop ng sabaw na napakaasim.

"Karun ra daw siya nakatilaw ug ing-ani, Ma. Lami daw," ("Ngayon lang daw siya nakatikim nang ganito kasarap, ma,") wika ni Josephine sa kaniyang ina nang malunok nito ang nginunguyang karne.

"Ingna nga ang sekreto ani kay naa sa karne," wika ng ginang habang masayang nakatingin sa magkasintahan na ganadong-ganado sa pagkain.

"Sabi ni Mama, ang sekreto raw nitong putahe niya ay nasa karne. Bago kasi niluluto ni Mama ang karne, binababad niya muna ito sa mga rekado nang ilang oras upang manuot talaga ang sarap."

"Pati rin itong karne...malinamnam," sabi niya habang hiniwa niya ang makapal at malambot na karne gamit ang kutsara at tinidor.

"Isa talaga ito sa pinagkaiba ng pagkain sa probinsya at syudad. Dito sa 'min sa probinsya, ang mga baboy ay pinapakain ng kangkong, saging, at mga gulay na pawang natural lang. Sa syudad, pagkain nila ay purong dumaan na sa proseso, bagay na nakakaapekto sa sarap ng karne," komento ni Josephine.

"Totoo 'yan," pagsang-ayon niya.

Matapos nilang maghapunan ay napagpasyahan ng magkasintahan na umakyat kaagad sa pangalawang palapag upang magpahinga. Sa loob ng nag-iisang kwarto ay naglatag ang ginang ng isang malaki at makapal na banig. Magkatabing natulog ang magkasintahan, at sa tabi ni Josephine pumuwesto ang kaniyang ina.

•••

Bandang alas dose ng gabi ay nagising si Andres nang makaramdam ng matinding lamig. Dahan-dahan niyang inalis ang braso ng kasintahan na nakayakap sa kaniyang at itinabi muna ito, saka dahan-dahang napaupo. At akmang kikilos na sana siya nang laking-gulat niya nang makita ang pares ng mata na nakatitig sa kaniya mula sa malaking siwang ng dingding. Hindi siya makapagsalita at nanigas na lang sa kinauupuan nang dali-daling umalis ang presensya ng estrangherong nagmamasid sa kaniya.

Hindi niya mapigilan ang panginginig. Ang malakas na kabog ng sariling puso ay binibingi ang kaniyang tainga. Sa takot niya ay dali-dali niyang ginapang ang sariling backpack sa paanan at binuksan ito. Hinablot niya palabas ang baon na kumot at saka ibinalot sa katawan nang isiksik niya ang sarili sa tabi ng kasintahan.




Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon