4 - Noon at Ngayon

650 34 1
                                    

Hinding-hindi ko malilimutan ang unang araw nang ako’y umapak sa bayang ito. No’ng ika-25 ng Setyembre, taong 1972, ako’y nagising sa kakapusan ng hininga at nakakapasong init. Laking-gimbal ko nang malamang umaapoy na ang kisame at sinasakal na ako ng makapal na usok. Sa kabutihang-palad, hindi pa gano’n kalaki ang apoy. Dali-dali kong tinungo ang pintuan at ang unang kumuha sa aking pansin ay ang kakaibang bagay na kumikinang sa pinto ng aking silid, bago ko ito hinila at tumakbo papalabas.

Hindi ko ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagtakbo nang kay bilis na nilamon ng apoy ang aming purong gawa sa kahoy na bahay. Hanggang sa ako’y dalhin ng aking mga paa sa labas. Ngunit ako’y lubos na nagtaka nang makitang hindi naman nasusunog ang aming bahay. Ako lang din ang lumabas sa ‘ming pamilya. Tinanong ko kaagad ang sarili kung ako ba ay naalimpungatan lang o kaya ay isang bangungot lang ang apoy.

Ngunit nang igala ko ang paningin sa paligid, kahit na purong mga lampara lang mula sa loob ng mga kabahayang na nakapaligid ang nagbibigay-liwanag, naaninag ko na hindi ‘yon ang mga bahay ng aming kamag-anak o kakilala. Unang akala ko ay namamalik-mata lang ako, ngunit hindi! Akala ko rin ay panaginip lang ang lahat, ngunit ako’y nagkakamali...

Saglit na itinigil ni Millie ang pagbabasa at nabaling ang tingin kay Mark. “Paano ka napunta rito?”

Napatikhim ang lalaki at umayos sa pagkakaupo sa sopa. “Akala ko may lindol…kaya dali-dali akong lumabas.”

“Ako rin…”

“Pero itong si Henry, sunog ang nagtulak sa kaniya na lumabas. Sa tingin mo, ano kaya ang nagtulak kila Cecilia na lumabas din sa bahay nila?” aniya ngunit napakibit-balikat lang si Mark. Napabuntong-hininga naman siya.  “May naisulat din siya rito tungkol sa kumikinang na bagay sa pinto. May naalala ka rin bang ganito? Kasi.,napansin ko rin ito sa ‘ming pinto.”

“Hindi ko alam…hindi ko maalala.”

Napatango na lang siya at nagpatuloy na sa pagbabasa.

May mga tao sa labas, pawang mga estrangherong kainlanman ay hindi ko naging kapit-bahay. Sila ay naglalakad sa kalsada, kumakatok sa mga pintuan, at tinatawag ang pangalan ng sinumang nasa loob ng mga bahay. Akmang magtatanong na sana ako, ngunit ako’y nagimbal nang biglang nagbago ang anyo ng dalawang estrangherong lumapit sa ‘kin at ginaya nila ang mukha at katawan ng mga magulang ko. Alam nila ang pangalan ko at may ngiti silang nakakakilabot. Sa takot ay kumaripas agad ako nang takbo, bumalik sa loob ng bahay, at saka kinandado ang pinto. Hinanap ko ang aking pamilya upang humingi ng saklolo ngunit wala sila sa kanilang silid. Ako lang ang mag-isa sa bahay!

Bumalik ako sa ‘king silid at sinigurong nakasara ang bintana at ang pintuan. Mula sa maliit na butas ng aking dingding, sumilip ako upang tignan ang mga kaguluhan. At do’n nasaksihan ko ang kahindik-hindik na mga pangyayaring hindi ko pa rin mabura sa ‘king isipan. Nakapasok ang mga estranghero sa nakabukas na pinto at bintana ng mga bahay na malapit lang din sa bahay namin, at kasunod nito ay ang mga tili at ungol na puno ng kilabot ng mga taong hindi ko maisip kung anong pinagdaanan.

Hindi ko maalis ang aking mga mata sa butas ng dingding at napanood ko kung paano kinaladkad ng mga tao ang duguang at nagkalasog-lasog na mga bangkay palabas ng bahay, saka sila ay naglaho sa dilim. Nang mapansin kong umaaligid na sa ‘ming bahay yung gumaya sa mukha ng magulang ko ay agad akong nagtago sa ilalim ng kama at do’n nagpalipas ng gabi.

“Tangina…” napamura si Mark sa kilabot na nadarama. “Totoo nga ang sinabi ni Cecilia. Siguro kung hindi ako nakinig, wala na ako ngayon.”

“Hindi pa rin kapani-paniwala itong nangyayari sa ‘tin. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin na baka panaginip lang ito…pero unti-unti ko na ring tinatanggap itong situwasyong kinakaharap natin. Sana lang at nakasulat dito kung paano tayo mananatiling ligtas o kaya ay turuan tayo paano bumalik sa ‘ting mundo.”

“Mundo?”

“Parang nasa ibang mundo tayo ngayon, Mark. Siguro, dumaan tayo sa portal kagabi at hinatid tayo rito.”

“Naniniwala ka sa mga ganiyan?” Natatawa ito.

“Eh paano mo ba maipapaliwanag ‘tong nangyari sa ‘tin?”

Saglit itong nag-isip. “Ewan ko…” Napakibit-balikat ito at napatingin sa kaniya. “Pero bakit? Bakit nangyayari sa ‘tin ‘to?”

“Hindi ko alam…baka nandito rin sa kuwaderno ang sagot.”

Kinabukasan, sa bago sumikat ang araw ay biglang nagsialisan ang mga estranghero at duguang nilalang. Hindi ko alam kung saan sila nagtungo; hindi rin ako nagtangkang sundin o alamin ang pugad nila. Nang masigurong wala na nga sila ay lumabas na ako. Umaga na at napagtanto ko na ang liwanag ng araw ang tanging proteksyon ko. Nakumpirma ko rin na hindi ako namamalik-mata kagabi, iba nga ang kabahayang nakapaligid sa aming bahay.

Naglibot ako at kumatok sa mga pinto ng bahay na nakasara pa rin. Doon ko nakilala sina Miguel, Julio, Maria, Filipe, Mina, at __________.

“Bakit?” tanong ni Mark nang mapansin siyang napatitig nang maigi sa pahina.

“Tinakpan ang huling ang pangalan…” aniya habang hinahaplos ang salitang paulit-ulit na sinulatan ng mga linya ng tinta.

“Patingin.” Lumapit si Mark at tinignan ang itinuro niyang bahagi. “Bakit kaya tinakpan ‘yan?”

Lumipat siya sa mga kasunod na pahina at napansin nilang marami-rami rin ang tinakpan doon. “Wala akong ideya, Mark...”

Magkasabay kaming nakarating sa lugar na ‘to at pawang wala kaming ideya kung nasaan kami o kung anong nangyayari. Nalaman ko rin nagmula kami sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nang magsimula kaming kilalanin ang isa’t isa, may nagsasabing namatay raw kami sa sunog at nasa impyerno na kami at pinaparusahan, at may isa naman na nagsasabing panaginip lang ito. Ngunit mas naniwala ang mas karamihan sa ideyang nasa impyerno kami at magbabayad kami sa aming mga kasalanan...maliban sa ‘kin.

Alam ko sa sarili na buhay ako. Buhay na buhay ako. Kung ano man itong nangyayari, kung saan man kami napunta…may paliwanag ang lahat. At hangad kong hanapin ang mga sagot sa misteryong ito. Hinding-hindi ako titigil hangga’t hindi ako nakauwi sa ‘min.

KAHIT MGA ESTRANGHERO ay nagkaisa kami, nagsama-sama sa planong hanapin ang daan palabas o pabalik sa ‘ming bayan, kahit na ang iba ay nawawalan ng pag-asa, takot, at tanggap na ang kapalaran. Sa pangunguna ko ay naglibot kami, naghanap ng sasakyan o kaya ay ibang mga taong may alam sa pangyayari. Ngunit wala. Purong mga sirang kabahayan at sasakyan ang naabutan namin, parang dinaanan ng malakas na bagyo ang lugar na ito at ang natira ay purong mga walang silbi na. Wala rin kaming nababasang mga karatula na magsasaad man lang kung nasaang bayan o lupalop ng bansa na kami, bagay na nakapagtataka. Kung kaya’t mas lalong tumindi ang hinala nila nasa impyerno nga kami.

Hindi naman gano’n kalaki ang bayang kinalalagyan namin. Ilang oras ang makalipas, nang sundan lang namin ang mga daan daan, ay narating din naming ang dulo o ang hangganan ng bayan kung saan natagpuan naming ang napakalawak at malalim na ilog na may rumaragasang tubig na paniguradong lulunod sa ‘min.

Masasayang BayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon