Chapter 8

7.2K 168 29
                                    

Hinawakan ko ang strap ng bag ko bago magsimulang maglakad papunta kay Lara. Pinapanood niya lamang ang alapaap habang nakatayo. Sa palagay ko ay mapapagalitan na naman niya ako! Mukhang kanina niya pa akong hinihintay!

Marahan ko siyang kinalabit. "Kanina ka pa?"

Hindi siya bumaling sa akin at umiling lamang. Nagsimula na siyang maglakad at sinundan ko siya. "Mukhang okupado ka kanina kaya naghintay na lang ako rito," sagot niya.

Sumikip ang dibdib ko. Ang ibig sabihin no'n ay nakita niya kaming dalawa ni Kenji kanina. Karaniwan lang naman sa amin ni Kenji na magkasama dahil malapit kami sa isa't isa, ngunit bakit nangangamba ako na para nawa nahuli niya akong gumawa ng krimen? "D-dapat tinawag mo ako!" bulalas ko.

Kumibit-balikat siya. "Mabuti nga na nagsasaya ka."

Kumunot ang noo ko. "Ano?"

"Napansin na kita noon kahit ngayon lamang tayo nasama sa parehong pangkat," tugon niya. "Mahilig kang maging mag-isa sa kabila ng masigla mong personalidad."

"H-huh?!" Nagitla ako dahil sa mga salitang binato niya. Hindi ko alam na pinagmamasdan niya na pala ako noon pa lamang! Hindi ko rin naman ito napapansin dahil nakatuon lang din naman ang atensyon ko sa sarili ko noong panahong hindi pa pumapasok dito si Kenji.

"Kay Kenji ka lang naging bukas. Mas masaya ka na ngayon dahil sa kaniya." Naningkit ang mga mata niya. "Paano kung nawala siya? Saan ka na kukuha ng kasiyahan?"

Hindi kami malapit ni Lara, ngunit nahawakan niya ang mga sensitibong bahagi ng dibdib ko ng ganoon kadali. Hindi siya nagsasalita upang tumingin ng mababa sa akin, bagkus ay pati siya ay nagtataka. Hindi kami malapit ni Lara, ngunit... para nawa kilala niya ang dilim na umaaligid sa bawat hakbang ko.

Hindi ko magawang sitahin siya dahil alam ko na wala siyang masamang intensyon. Dahil din sa sinabi niya ay ngayon ko lang din ito napagtanto. Mayroon nang kaginhawaan na tinanim si Kenji sa katawan ko na mahirap nang tanggalin ngayon dahil patuloy itong bumubunga araw-araw. Kung sakali man na lumisan siya, sino na ang magdidilig nito?

"Madali lang," wika ko. "Edi hindi ko siya hahayaang mawala."

Sinundan ko siya papasok sa isang apartment building. Ginamit namin ang hagdan upang umakyat dahil out of order ang elevator. Kinuha niya ang susi sa loob ng bulsa niya at binuksan ang pintuan sa isang unit. Nang mabuksan na ito ay sinara niya muli ang pintuan bago tanggalin ang sapatos niya.

"Tita, nakauwi na po ako." Nabawasan ng diin ang himig ng boses niya. "Nandito po si Blue. Mag-prapractice lang po kami."

"Magandang gabi po..." bati ko.

Nilapag ko ang mga sapatos ko sa gilid ng sapatos niya bago bumuntot sa likuran niya. Nakaaninag ako ng mas nakakatandang babaeng nakaupo lamang sa sopa at mukhang mayroong inaasikaso dahil nakatutok lamang siya sa laptop nang hindi pa siya tinatawag ni Lara.

"Magandang gabi!" Binigyan ako ng malaking ngiti ni Tita sabay kaway. Baliktad ang ugali niya kay Lara. Mas madali sa kaniyang ngumiti at maglabas ng emosyon. "Practice kayo ng mabuti!"

Sinundan ko si Lara papasok ng kwarto. Hindi ito ganoon kalawak, ngunit hindi rin ito puno kaya mayroon pa kaming pwesto na puwedeng galawan. Wala silang bed frame kaya tinulungan ko siyang itaas muna ang mattress sa gilid. Mas lumawak ang lapag nang malagay na namin ito sa gilid.

Pinanood ko muna sa telepono niya ang sayaw namin at ginaya ito habang siya naman ay lumabas ng saglit upang makapag-ayos. Nakatugon sa event ang sayaw at isa itong folk dance. Bumalik si Lara at nakababa na ang karaniwang bun niyang buhok. Naka t-shirt na ang pantaas niya ngunit nanatili ang palda.

Accumulate the Stars (High School Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon