Chapter 30

6.1K 135 29
                                    

"Hindi ko na siya nararamdaman," deklara ni Papa. Hindi niya kasi nakikita si Ben, at naririnig lamang ito.

Napapikit ako sa sarili dahil sa panghihinayang. Umalis si kuya Ben sa oras na pinakakailangan siya rito. Kasalanan ko ito. Dapat mas naging maingat ako sa pananalita at hindi siya pinilit. Alam ko—higit pa kahit kanino—kung ano ang nararamdaman niya, ngunit hinayaan kong mapuno siya.

Napatingin ako kay Papa nang bigla itong tumayo.

"S-saan ka pupunta, 'Pa?" nag-aalalang tanong ko. Umalis na si Ben, ayaw kong pati siya aalisan ako. Akala ko pa naman ay nabubuo ko na ang mga pangyayari, ngunit sa huli ay mas lalo ko pala itong winasak.

"Sa... sa tingin ko ay alam ko kung nasaan ang Kuya mo," buntong-hiningang wika niya.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko. Sinenyasan niya akong sumunod sa kaniya kaya marahan akong tumayo upang sundan siya. Umalis na si Kenji mula sa hagdan nang mapagtanto na roon kami patungo. Sinusundan ko lang si Papa kaya pati ako ay naguguluhan kung bakit dito ang daan namin.

Huminto kami nang makapunta sa harap ng kwarto ko. Kinatok ito ni Papa ng ilang beses. "Anak... Nandito na si Papa," wika niya.

Araw-araw kitang hinihintay na pumasok sa kwarto at maramdaman ang pagmamahal mo, Papa.

Walang sumagot kaya dahan-dahang binuksan ni Papa ang pintuan. Kumirot ang puso nang matanaw si Ben sa loob na nakahiga sa kama. Yakap-yakap niya ang sarili at walang tigil ang hikbi na lumalabas mula sa lalamunan nito.

Ngayon ko lamang siyang matagpuang umiiyak dahil pinipigilan niya ito kanina. Nawala siya kanina upang pumunta sa kwarto niya kung saan siya komportable na pakawalan ang mga naipon na luha.

Nagtago ako sa gilid nang pumasok si Papa sa loob. Ayaw kong maging istorbo dahil kailangan nila ng oras na mapag-isa. Walang ibang may hawak ng samahan nila, kundi sila ring dalawa.

"Bakit... bakit ka nandito, Papa?" humihikbing tanong nito. Nanatili siyang nakatalikod na tila ayaw makaharap si Papa. "Magtrabaho ka na lang... Doon ka naman magaling."

Lumapit si Papa sa kama at mataman na tinignan ang lalaki. "Ben..."

"Hindi... hindi mo naman ako nakikita, e," nanginginig boses na wika ni Ben. "Alam ko na kung bakit—kasi takot kang makita ako! Ayaw mong harapin ang anak na pinatay mo!"

"U-umupo ka nga ng matuwid, Ben," ani Papa. "Baka sumakit ang likod mo niyan."

Patay na si Ben, ngunit tinatrato niya itong mayroon pa ring buhay at nakakaramdam. Noong buhay kasi si Ben ay tinrato niya itong patay. Bumabawi na siya sa mga ginagawa niya kahit huli na ang lahat.

"Pati... pati ba naman humiga ng ganito, bawal?" Sinabayan niya ito ng singhot, ngunit sinunod din ang sinabi ni Papa. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya. "Nakikita mo na ako—"

Napahinto ito sa sinasabi nang yakapin siya ni Papa. "Tama ka, anak. Natatakot akong harapin ka kasi hindi ko matanggap na wala ka na. Hindi ko matanggap na kasalanan ko ang nangyari sa'yo."

"P-Papa..."

Humawak ako sa dibdib, at tinakpan ang bibig ko upang magpigil ng hagulgol. Pareho kami ng pinagdaanan, kaya pati sa akin ay tumama ang mga kataga ni Papa.

"Mahal na mahal kita, Ben..." Sinabayan niya ito ng marahang paghimas sa likuran ng lalaki. "Ang huling beses na nayakap kita ng ganito ay noong sanggol ka pa..."

"B-bakit ka nagiging mabait sa akin?" bungtong-hiningang tanong ni Ben. "Ang sama-sama mo sa akin noon, tapos nagsisisi ka ngayong patay na ako? Walang magagawa ang pagsisisi mo. Hindi mo mababaliktad ang mga pangyayari."

Accumulate the Stars (High School Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon