Chapter 12

6.5K 209 74
                                    

Lumubog na ang araw, at tumaas na ang buwan kasama ng mga kumikinang na bituing nagpapaliwanag sa alapaap. Naramdaman ko ang malakas na ihip na hangin na tumatama sa katawan ko habang umaakyat sa itaas ng burol.

Hinawakan ko ang balat ng kayumangging puno bago tumingala upang panoorin ang marahang paggalaw ng mga dahon nito. Ganoon pa rin ang itsura nito hanggang ngayon.

Dumaan si Kenji sa gilid ko at pinanood ang tanawin mula sa ibaba. Marami na ang umuuwi galing sa trabaho, at nakasindi na ang mga poste upang ilawan ang mga daanan.

"I had a feeling we were connected when I first saw you at class," wika niya. "Now I understand why."

Marahan akong tumango. "Kasi hindi 'yon 'yung una nating pagkikita," imik ko.

Bata pa lamang ako ay palagi na akong tumutungo rito. Ilang oras akong nakaupo sa madamong lupa habang pinapanood ang mga ulap na dumadaan. Sa ganoong paraan ko pinapalipas ang oras. Ngayon na lamang ako nakaapak dito muli matapos ng ilang taon. Mas tumanda na rin ako at marami nang inaasikaso. Kung hindi ako dinala rito ni Kenji, tuluyan ko na itong nakalimutan.

Kinagat ko ang ibabang labi habang sinusubukang alalahanin ang una naming pagkikita. Kahit ano ang gawin ko ay hindi ko ito mabingwit. Ang mukha niya ang hinahanap ko, ngunit ang bumalik sa akin ay ang mga imahe ng nakaraang hanggang ngayon ay tila kutsilyong tumatarak sa puso ko.

"You don't have to force yourself," wika niya na tila nababasa ang ekspresyon ko. "The important thing is we came across each other again."

Nag-init ang mga pisngi ko. Biyaya sa kaniya ang pagkakaroon ng daan sa pananalita, ngunit para sa akin ay sumpa ito. Wala siyang kaalaman na sa bawat matatamis na salitang lumalabas sa bibig niya ay mas lumalala ang tulak sa akin patungo sa kaniya.

"K-Kenji..." imik ko. "May gusto akong sabihin sa'yo bago ka umalis."

Naramdaman kong manghina ang tuhod ko kasabay ng malakas na pinting ng puso ko. Naisipan kong aminin sa kaniya ang nararamdaman ko hanggang hindi pa huli ang lahat at nandito pa siya. Alam kong mas lulubha ang nararamdaman ko kapag patuloy ko itong itatago sa kaniya. Hindi ko hinihingi na ibigay niya rin sa akin ang hati ng puso niya, ngunit mayroong maliit na pag-asa sa aking gagawin niya iyon.

"Go ahead," wika niya.

Kumirot ang puso ko nang makita ang mahinahong itsurang nakadikit sa mukha niya. Doon pa lamang ay nabasa ko na ang magiging sagot niya sa akin. Hindi ko mapigilang mainggit dahil hindi ko kailanman masusuot ang ekspresyon niya. Ako ang nasa bahagi ng lubid na nasa bingit ng bundok, at siya ang bumitaw.

"Hindi..." simula ko. Palagay ko ay ninakawan na ako ng hangin dahil tila hindi ako makahinga. Gusto kong tumalikod at magpanggap na walang nangyari, ngunit nandito na ako sa pinakadulo. "Hindi ko alam kung kaibigan pa ang paningin ko sa'yo."

Bumaling siya sa akin, at pakiramdam ko ay hihimatayin na ako dahil sa titig niya. "What?" tanong niya.

"K-kaibigan lang talaga ang tingin ko sa'yo no'ng una!" Umiikot pa ako sa mga salita upang iligtas ang sarili sa kahiyaan. Hindi ko magawang sabihin ito ng tuwiran dahil umiipit ang dila ko sa tuwing malapit na itong lumabas sa bibig ko. "Pero... pero!"

Tumaas ang kilay niya. "But?"

"Gustong-gusto kita, Kenji!" bulyaw ko, "higit pa sa pagiging kaibigan!"

Unti-unting lumaki ang mga mata niya. Walang umimik, at umaligid ang katahimikan sa aming dalawa. Tila nawiwindang siya at hindi alam ang isasagot sa akin. Kinuyom ko ang kamao ko bago tumalikod at tumakbo. Hindi ko na kaya pang manatili sa presensya niya pagkatapos iyong aminin.

Accumulate the Stars (High School Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon