Chapter 28

3.7K 79 9
                                    

Ngayon ko lamang naranasan ang magkaroon ng buong pangitain sa sumpa ko. Noon sa sitwasyon kina Mama at Julia, ang tanging nakita ko lamang sa maikling bisyon ko ay ang katawan nilang walang buhay kasama ng sugat na maaring tumugon sa kanilang kamatayan. Sa sugat lamang nila akong puwedeng bumase kung paano sila namatay upang maaring maiwasan itong mangyari.

Ngunit nagbago pagdating kay Kenji. Hindi lamang ang katawan niya ang nakita ko ngunit ang buong pangyayari. Hindi ko na kailangang pag-isipan pa kung ano ang sanhi ng kamatayan niya dahil pinakita na ito sa akin. Bakit?

"Huwag na nating pag-isipan pa kung bakit nagbago ang pangitain mo. Magpasalamat na lang tayong hindi na natin kailangang magsayang pa ng oras sa pag-iisip kung paano namatay si Kenji," bungtong-hiningang sambit ni Papa. "Ang kailangan nating tuonan ng pansin ngayon ay kung paano natin siya mapipigilang masagasaan ngayong araw."

"Kung ganoon ay panatiliin na lang natin si Kenji rito sa bahay," giit ko. "Hindi naman siya masasagasaan dito, 'di ba?"

"Sinubukan din namin 'yan ni Ben noon," mahinang imik niya. "Namatay pa rin siya dahil bigla siyang inatake sa puso. Gagawa at gagawa ng paraan ang sumpa para nakawin ang buhay na nahawakan."

Pumasok na kami ni Kenji sa loob nang mapagtantong bubuhos na ang ulan sa labas. Hindi umiimik siyang nakaupo sa hagdan habang hinahalungkat ang telepono niya. Mukhang okupado siya ngunit alam kong pinapakinggan niya ang bawat salita na lumalabas sa bibig namin ni Papa.

Mas lalong nangingirot ang puso ko sa tuwing nakikita siya pagkatapos ng usapan namin sa labas. Hindi man marami ang nasabi niya sa akin kanina ngunit ang bawat salitang sinambit niya ay higit pa sa rami upang iparating sa akin ang nag-aabala sa kaniya.

I don't want to die yet...

Kinuyom ko ang kamao ko. "May lunas ba 'to, 'Pa? Nakaligtas na rin ba si Ben?"

"Wala," tugon niya. "Ang sumpa ay sumpa. Sinubukan na naming pigilan ito ng ilang beses ni Ben noon, pero hindi kami nagtagumpay. Kapag napagana na ang sumpa, gagawin nito ang mithiin kahit anuman ang mangyari."

Bumugtong-hininga ako. "P-pero... Mayroon pang ibang paraan 'di ba? Hindi natin malalaman kung hindi natin sinubukan..."

Biyaya si Kenji sa madilim na mundo. Napamahal ako sa kaniya dahil sa malambot at mapagmahal niyang puso. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa oras na permanente na siyang mawala sa buhay ko, lalong-lalo na't alam kong ako ang may kasalanan. Hindi ko mapapagbigyan ang sarili ko kailanman.

"Hindi ko alam..." wika niya. "Ganito na lang... Susubukan kong tawagan ang nilapitan ko dating naglapag kay Ben ng sumpa at hihingi ako ng tulong—"

"Huwag na, 'Pa!" tanggi ko agad. "No'ng huling nanghingi ka ng tulong sa kaniya ay..."

Bumugtong-hininga siya. "May iba ka pa bang paraan?"

Hinintay niya akong sumagot, ngunit hindi ako nakaimik. Huminga siya ng malalim bago naglakad papunta sa telepono namin sa gilid. Hindi na ako makatanggi pa dahil desperado na rin akong makahanap ng solusyon.

Nakatitig lamang ako sa ere habang nag-iisip ng iba pang mga paraan na puwedeng iligtas si Kenji sa tadhana. Maraming sistema ang buhay, imposible namang wala itong lunas. Baka sadyang hindi pa namin ito nahahanap. Kung sapat na malakas ako upang makapagbigay ng sumpa sa ibang tao, sapat na malakas din ako upang mapigilan ito... hindi ba?

Tumayo ako nang makaisip ng paraan at tumungo pataas. Umusog si Kenji upang bigyan ako ng pwestong makadaan sabay pagbaba ng cellphone niya na para nawa'y may tinatago sa akin. Hindi ko na siya kinulit tungkol dito at nagpatuloy na lamang sa ginagawa ko.

Accumulate the Stars (High School Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon