Chapter 11

6.1K 178 44
                                    

"Kailangan mo ba ng tulong?"

Kanina pa ako natapos na mag-ayos kaya hinihintay ko na lamang ang mga kaklase ko. Nakatayo lamang ako sa sulok kaya nasa linya ng paningin ko ang lahat na nagaganap sa harapan ko.

Kahit ano ang gawin ko ay saglit-saglit na sumusulyap ang mata ko kay Kenji ng wala sa malay, kaya naglakad na lamang ako papunta kay Lara. Napansin ko na nahihirapan siyang talian ang sariling buhok ng maayos.

Bumaling siya sa akin. "Oo."

Napalabas ako ng mahinang hagikgik bago kunin ang mga nakakalat na mga tali sa lamesa niya bago haplusin ang buhok niya. Nais ko rin kung anuman ang sumanib sa katawan niyang gumawa sa kaniyang diretso sa punto. "Ano ang gusto mo?" tanong ko.

"Itulad mo na lang ng sa'yo para malinis tingnan ang sayaw mamaya."

Maaga akong gumising kaninang umaga upang makapaghanda sa event. Hindi lamang ang sarili ko ang inasikaso ko, kundi pati na rin si Minna. Sinuot ko na kaagad ang costume sa ilalim ng uniform na suot, at tinali na ang buhok para pagdating ko sa school ay hindi ko na kailangan pa itong alalahanin.

Tahimik lamang si Lara habang tinatalian ko siya ng buhok. Hindi siya umaangal katulad ng Minna, at mas nangamba ako dahil doon. "Mamaya nasasabunutan na pala kita, ah? Magsabi ka," untag ko.

"Nasasabunutan mo na ako," amin niya agad na tila kanina pa tinitiis ang higpit sa anit niya.

Bumababa na rin kami nang mag-resume na ulit ang program. Pinanood muna namin ang mga naunang grade habang naghihintay para sa sunod namin. Kapagkuwan ay pumunta na rin kami sa backstage kung nasaan din ang mga estudyanteng mga nasa ibang pangkat.

Tumaas ang kilay ko sa pagkagalak nang masulyapan si Kye. Nakakagat siya sa ibaba niyang labi habang sumisilip sa entablado. Kinakabahan din siya katulad ng lahat ng nandito sa backstage.

Dumaan din sa paningin ko si Isa na mukhang pinapaliwanag sa mga kaklase ang dapat na gawin. Tila naramdaman niyang mayroong nakatitig sa kaniya at siya'y bumaling sa gawi ko at kumaway. Gumanti ako ng kaway kasama ng maliit na ngiti.

Nakapila kami ngayon ayon sa pwesto namin sa sayaw. Nahagilap ko sa gilid ng mga mata ko ang mga babaeng lumapit kay Kenji at binigyan ito ng pagkain. Saglit na nanlaki ang mga mata ng lalaki na tila nagulat bago magpasalamat. Palagi naman siyang nakakakuha ng regalo mula sa mga nagkakagusto sa kaniya, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasanay.

Walang malay na hinanap ng mga mata ko si Eryn. Nagtaka ako dahil hindi ko pa rin siya nakikita ngayong araw. Grade 10 na ang nag-peperform, at wala rin siya sa mga estudyanteng nag-perform kanina.

Nawala rin ang atensyon ko sa pag-iisip doon nang tawagin na ang pangkat namin. Sinundan ko ang hakbang ng mga kaklase ko papasok ng stage bago pumunta sa pwesto ko. Pumigil ang hininga ko nang huminto si Kenji sa likuran ko. Magkaharap lang kasi kami sa sayaw. Kinuyom ko ang kamao ko at sinubukang hindi pansinin ang presensya niyang tila unti-unting sumusuklob sa katawan ko.

Tanda na sa aming gumalaw nang marinig ang musika mula sa speakers. Naaninag ko si Minna sa gilid ng mga taong tumatalon-talon upang mapansin ko siya. Binatuhan ko siya ng ngiti bago bumalik sa ginagawa ko.

Napapitlag ako nang marinig ang mga sigawan mula sa manonood nang dumating na ang escort and muse scene. Sa isang saglit ay pinangarap kong makipagpalit sa katawan ng muse namin upang maramdaman ulit ang malambot at mainit na palad ni Kenji sa mukha ko, at marinig ulit ang matatamis na salitang pakiramdam ko ay ginawa para sa akin.

Naramdaman ko lamang ang pangangamba nang matapos na ang second chorus. Pumunta sa gilid ang mga kaklase namin habang kami ni Lara ay naglakad sa gitna. Bumuntong-hininga ako nang mapagtanto ang mga matang nakalapag sa pigura ko. Hinintay ko tamang tiyempo bago sinayaw ang katawan sa himig ng musika.

Accumulate the Stars (High School Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon