Shin's POV:
Pagkalabas ko ng aking bahay, naabutan kong nandun si Mangkukulam. Hawak-hawak niya yung aking yearbook habang tinitingnan ang bawat pahina. Palihim kong lalapitan siya sana, pero mukhang napansin niya ang aking presensiya kaya agad siyang tumakbo papalayo sa akin. Hinabol ko siya sa abot ng aking makakaya. Medyo mabagal lang ako dahil sa aking asthma. Mahihirapan akong huminga kapag binilisan kong tumakbo.
Dinaig pa ni Mangkukulam yung mga kabayong nag-uunahan sa karera. Ang bilis niya. Kahit gurang na siya, nagagawa pa din niyang tumakbo nang mabilis kaysa sa isang lalake.
Kung saan-saan na kami napapapunta, pero hindi pa rin ako tumitigil. Desidido talaga akong makuha pabalik yung aking yearbook. Ayoko namang mapahiya sa marami, lalong-lalo na kay Sandra. Pakiramdam ko kasi, ayokong maging imperpekto pagdating sa kanya.
"Hoy! Bumalik ka dito!" sigaw ko. Dumila lang siya sa akin at nagpatuloy sa pagtakbo. Sinundan ko siya kahit saan hanggang sa napapasok ako sa isang public girl's C.R. nang hindi sinasadya.
Puro sigaw ang aking natanggap mula sa mga babaeng nasa loob. Humingi ako ng paumanhin sa kanila pero hindi nila ito tinanggap. Ang mas malala pa ay pinagbabato nila ako ng kung ano-anong gamit na makita nila sa paligid.
"Bastos! Bastos!"
"Maniac!"
"Alis!"
Natigil ako sa paghabol kay Mangkukulam at tumakbo na kaagad papalabas ng C.R.
"Sorry po talaga! Di ko po sinasadya!" paumanhin ko. Wala naman talaga akong nakita sa kanila. Ang tingin ko lang ay nakay Mangkukulam at wala nang iba pa. Hindi ko din inaasahan na mapapapasok pala ako doon.
Damn. Kung naabutan ko nga lang sana si Mangkukulam, sigurado akong nasa hukay na kaagad 'yun bukas na bukas.
***
Kung sinuswerte nga naman, hindi pa nagsisimula ang aming klase. May tatlong minuto pa akong natitira. Ibig sabihin, hindi ako late. Wala akong malalagpasan na lecture.
Maraming tambay ang sumalubong sa akin pagdaan ko sa pasilyo ng 2nd floor. Mukhang kakaiba ang paligid dahil ngayon ko lang naabutan ang pagkukumpulan ng mga tao dito. Nang mapadaan ako sa isang grupo ng mga lalake, bigla silang tumawa sa hindi malamang dahilan. Tiningnan ko lang sila sabay nagpatuloy na uli sa paglalakad.
Ano kaya ang problema nila sa akin?
Akala ko, hanggang doon lang ang tawanang maririnig ko. Pero halos lahat ata ng aking madaanan, may mga tumatawa at nagtatawanan. Karamihan pa sa kanila ay nakatingin sa akin, na para bang may nagawa akong katawa-tawa.
Nakakapagtaka. May mali nga na nangyayari sa paligid. Bakit ba sila tumatawa, lalong-lalo na 'pag dumadaan ako? Mukha ba akong ewan?
Dumiretso ako kaagad sa banyo para tumingin sa harap ng salamin. Pinagmasdan ko nang maayos ang aking mukha. Ayos pa din naman ang hitsura ko. Walang mali dito kaya sila siguro ang may problema.
Pumunta na ako sa classroom pagkatapos kong manalamin. Hanggang sa loob, hindi pa rin matigil-tigil ang pagtatawanan ng mga tao. Kanina pa silang lahat gan'yan. Ano ba talaga ang meron? Nakakaasar na sila!
Lumabas muna ako sa classroom para magmasid sa paligid. Napansin kong lalong dumami ang mga taong nagkukumpulan sa pasilyo, mapa-babae man o lalake. Isa sa kanila ay may hawak na mga papel. Ipinapamigay niya iyon sa mga taong napapadaan.
Sa tingin ko, yun ang dahilan kung bakit sila tawa nang tawa. Hindi kaya, may eleksyon? Mayroong namimigay ng mga papel tapos mayroong mga nagkukumpulan na tao. Posible ngang 'yun ang nangyayari.
Nang mapansin nilang lahat ang aking presensiya, napalingon sila sa aking direksyon. Nagkaroon ng katahimikan at sumunod ang malakas na tawanan dito. Nausisa ako sa nilalaman nung papel kaya agad na naglakad ako patungo sa kanila. Nakipagsiksikan ako sa mga tao hanggang sa marating ko yung tao na namimiigay ng mga papel.
Kumuha ako ng isang papel at nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita dito. Isang xerox copy pala ito ng mga grade 6 graduation photos ko, at halos lahat pa ay stolen ang kuha sa akin. Akala ko may eleksyon, may piyesta pala. Piyesta ng aking mukha.
Damn. Nakita ko na naman ang mga nakakahiyang litrato ng aking sarili. Isa dito ay yung nakabukas ang aking bibig habang nakapikit, at yung isa naman ay yung oras na nahulog ang aking cap habang bumababa ako ng stage matapos ng aking speech.
Agad kong kinuha ang mga kopya mula sa kanilang mga kamay. Sinamaan nila ako ng tingin. Nakakunot ang kanilang noo. Sa palagay ko, galit na sila sa akin.
"Ano ka ba?! Ang K.J. mo eh!"
"Oo nga. Eh okay ka nga doon sa mga pictures mo. Ang importante nga eh, sikat ka na!"
"Sikat ka na sa pagiging engot!"
Nagtawanan sila nang palihim kahit kita ko naman. Lumapit ang isang lalake sa akin. Sa tingin ko, balak niyang bawiin sa akin ang mga papel kaya agad akong tumakbo papalayo sa bilis ng aking makakaya.
"H-hoy! Amin na 'yan!" galit na sigaw niya sabay habol sa akin. Kasunod niya ay humabol din ang dalawa pang lalake.
Habang tumatakbo ako papalayo sa tatlong lalake, bigla ko nalang naalala si Mangkukulam. Damn. Naalala kong kinuha niya yung aking grade 6 yearbook kanina. Tapos ngayon, tinupad nga niya yung kanyang sinabi na hindi siya papasok. Sinadya niyang gawin 'yun para mangyari ito. Demonyo talaga ang babaeng 'yun!
"Bilisan niyo nga! Bilis!" Napalingon ako dahil sa nagsalita. Gulat ako nang mapansin kong malapit na pala ang tatlong lalake sa akin.
Laking pasasalamat ko nalang nang may biglang lumitaw na prof. Pinatigil niya ang tatlo sa pagtakbo sabay kinausap sila. Hindi ko naman pinalampas ang pagkakataong ito. Minabuti ko nang tumakas at tumakbo papalayo habang sila ay nakatigil pa.
Lumingon-lingon ako sa aking likod habang patuloy pa rin sa pagtakbo. Mabuti nalang hindi na sila nakasunod sa akin. Medyo malayo-layo na din ang nararating ko mula sa pasilyo. Sa kasamaang palad, pagharap ko sa unahan ay may nakabangaan ako. Pareho kaming bumagsak sa sahig tapos kumalat ang mga papel na hawak ko sa buong paligid.
"P-pasensiya ka na..." pagpapaumanhin ko. Sabay kaming tumayo at doon ko lang nakita kung sino pala ang taong iyon--si Sandra.
"Oh? Bakit parang nakakita ka ng multo?" tanong niya. Hindi ko naman siya nasagot dahil parang na-estatwa ako mula sa aking kinatatayuan. Hindi ako makahinga nang maayos ngayon. Ang bilis ng tibok ng aking dibdib.
Nang maalala ko ang tungkol sa mga papel, saka ako nakakilos at nakapagsalita muli.
"A-ayos ka lang? Nasaktan ka ba? Nagkasugat ka ba?" sunod-sunod kong tanong sa kanya. Nag-aalala ako. Baka mamaya may sugat siyang mahapdi dahil sa akin.
"Ayos lang ako. Wag ka nang mag-alala." Ngumiti siya.
Nakaramdam ako ng kaluwagan sa dibdib dahil sa aking narinig. Nang bumalik na ang aking pansin sa mga papel, agad kong pinulot ang mga ito. Ikinagulat ko nalang ang biglaang pagtulong ni Sandra. Kinuha niya ang isang kopya at tiningnan ito nang mabuti.
"Ano ito?"
...
Damn!

BINABASA MO ANG
(FZLF) Friend Zone lang, Forever?
Teen FictionMinahal ko siya nang higit sa kaibigan. Minahal niya ako bilang kaibigan lamang. Ito ang istorya namin. Friend zone lang, forever. Note: COMPLETED. Credits to: the owner of the used photos from google. :) PS: Don't judge the book by its cover. (FZL...