"MAMA, 'wag mo po ako iwan dito..." halos lumuhod na si Cedric sa harap ng ina habang umiiyak. Pinipilit niyang kumapit rito kahit na ba halos ipagtulakan na siya ng ina sa madre na siyang kukuha sa kanya. Pinipilit siyang aluhin ng madre at tuluyan ng kuhanin sa ina para lalo na siyang hindi masaktan pero ayaw niyang bumitaw. Kahit ramdam niyang tila wala itong pakialam sa kanya at hindi siya mahal, hindi niya pa rin gustong malayo rito. Pagkatapos ng lahat, ina niya pa rin ito.
"Pumasok ka na, Cedric! Hindi kita kailangan sa buhay ko. Mas mapapabuti ka kung dadalhin kita rito!" galit ang boses nito pero hindi maggawang tumingin sa kanya.
Umiling siya. "Pero Mama...anak mo ako. 'Wag mo akong pabayaan. 'Wag mo akong iwan."
"Hindi kita gusto! Hindi mo pa ba nararamdaman iyon? Magiging masama lang lalo ang buhay mo kung magpapatuloy kang sumama sa akin."
"Hindi. Hindi ako naniniwala na ganoon. Ayaw kong maniwala na ganoon...."
"Puwes, ganito ang paniwalaan mo, Cedric." Humarap na sa kanya ang ina. Namumula ang mukha nito, hindi niya nga lang mawari kung dahil ba iyon sa naiiyak ito dahil iiwan siya nito o iyon ay dahil sa galit na ayaw niyang makinig dito. "Magiging masama ang buhay ko kapag kasama kita. Habang kasama kita, lalo lang akong maghihirap. Hindi ko kailangan ng isang bata na sasabit-sabit sa buhay ko. Hindi kita kailangan. Ikaw ang malas sa buhay ko. Naiintindihan mo ba 'yun? Malas ka! Simula nang dumating ka sa buhay ko, dumalang na ang mga proyektong dumating sa akin bilang modelo. Dapat ay inaasahan ko na 'yun. Hindi maganda para sa mga modelo ang magkaroon ng isang anak. Sa pagbubuntis ko sa 'yo, nasira ang inaalagaan kong katawan para sa career ko. Sa una pa lang naman dapat, hindi na kita binuhay!"
"Misis..." nagsimula nang makialam ang isa pang madre. Mukhang hindi nito nagustuhan ang pinagsasabi sa kanya ng ina.
Pero hindi tumigil ang kanyang ina sa paglabas nito ng saloobin. "Ang akala ko ay nakapulot na ako ng ginto nang makilala ko ang lintik mo na ama. Pero trinato niya lang ako na basura. Napakawalang hiya niya!"
Hindi iyon ang unang beses na naglabas kay Cedric ng saloobin ang ina. Sa edad niyang pitong taon gulang, pakiramdam niya ay masyado na siyang mulat sa buhay dahil na rin rito. Hindi maganda ang turing nito sa kanya. Hindi ito isang normal na ina. Madalas na umuuwi itong lasing at sa tuwing lasing ito, palagi nitong sinasabi kung gaano kasama ang kanyang ama. Na dahil raw rito, nasira ang buhay nito. Minahal kasi ito nang husto ng kanyang ina pero ibinasura lang sa huli. Nang malaman na buntis ito sa kanya, ni hindi man lang nagbigay ng naisin na pakasalan ito o panagutan. Basta na lang daw ito pinalayas ng ama sa buhay nito.
Tuwing lasing rin ang ina, madalas ay sinasaktan rin siya nito. Ngunit sa kabila ng lahat, ayaw pa rin na iwan ni Cedric ang ina. Ina niya ito, sa kabila ng lahat, gusto niyang maniwala na puwede itong magbago. Ngunit mukhang nagkamali siya. Halos ipagtabuyan na siya nito sa ampunan na iyon.
"At kagaya niya, hindi na rin kita gusto, Cedric. Hindi ko na kaya. Habang lumalaki ka, pakiramdam ko ay mas lalo akong nilalayuan ng grasya. Malas ka sa buhay ko, malas!"
"Mama..." nanghina si Cedric sa mga sinabing iyon ng ina. Masyado siyang nasaktan. Nang dahil roon, unti-unti na siyang napabitaw rito.
"Good bye, Cedric." Iyon lang at nang makabitaw siya rito nang tuluyan ay lumayo na ito sa kanya. Naibigay na nito sa mga madre ang mga papeles niya kanina kaya wala ng problema talaga kung iiwan siya nito doon.
Sinubukan siyang aluin ng madre. "Tahan na, hijo. Huwag kang mag-alala. Hindi ka naman namin pababayaan rito..."
Hindi pa rin mapigilan ni Cedric na humikbi. Napakasakit pa rin ng lahat. Mahal niya ang kanyang ina sa kabila ng masamang ginagawa nito sa kanya. Ito lang ang pamilya niya. Ito ang kasa-kasama niya simula bata siya. Kung hindi siya mahal nito, hindi ba dapat ay matagal na siya nitong ipinaampon? Pero hinayaan siya nitong mabuhay sa poder nito sa loob ng pitong taon.
Hinawakan ng isa pang madre ang kabilang kamay ni Cedric. Sinusubukan siyang aluin nito. Napapiksi si Cedric sa ginawa ng madre at nanlaki ang mga mata nito nang makita ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon.
"S-sinasaktan ka niya!" wika nito nang makita ang pasa sa kanyang kamay.
Itinago ni Cedric ang kanyang mga kamay. "W-wala po ito."
Tumiim ang bagang ng madre. Pero pagkatapos ay lumambot rin ang mukha nito. "Magiging maayos ang lagay mo rito. Sisiguraduhin ko 'yan," sinubukan pang yakapin ng madre si Cedric na para bang gusto nitong iparamdam sa kanya na totoo ang sinasabi nito. Sandali pa na nag-alinlangan si Cedric pero tinanggap rin niya ang yakap. Nagustuhan niya ang pakiramdam pero hindi niya maggawang mailang. Lalo na at pagkatapos siyang yakapin nito ay hindi niya nagustuhan ang nabasa sa mga mata nito at ng isa pang madre na kasama nito.
Awa.
Nang yayain siya ng mga madre na pumasok na sa loob ng ampunan, ganoon rin ang nakita niya sa mga mata ng batang mukhang pinanood pa yata ang naging drama sa labas nang iwan siya ng kanyang ina. Lalong sumama ang pakiramdam ni Cedric dahil roon. Hindi niya gustong kaawaan siya. Naaalala niyang iyon na lamang palagi ang reaksyon na nakikita niya sa mga kapitbahay nila sa tuwing nakikita ng mga ito na sinasaktan siya ng kanyang ina. Kaysa ang kaawaan rin ang sarili niya, nahihiya pa siya kapag nakikita niya ang awa sa mga mata ng mga ito.
"Welcome sa Safe Haven. Ako nga pala si Nikos," pagbati sa kanya ng isang lalaki na sa tantiya niya ay kaedad lang niya.
"Ako naman si Vincent," wika ng kasa-kasama ng lalaki. Nagpakilala rin ang ilan sa mga batang pumaligid rito. Kumunot ang noo ni Cedric sa tila masaya pang aura ng mga ito sa kabila ng nakita niyang awa kanina sa mga mata nito pagkatapos ng nasaksihan sa labas na pamimigay na lang basta sa kanya ng ina.
Alinlangan na tinanggap niya ang mga pagpapakilala. Mukhang mababait naman ang mga ito pero hindi pa rin gusto ni Cedric ang pakiramdam. Hindi pa rin nawawala ang sama sa kanyang pakiramdam. Tumatak sa kanya na ang mga batang dinadala lamang sa mga ampunan ay mga batang ulila---mga batang nawawala o hindi kaya ay namatay ang mga magulang. Hindi siya ganoon. Buhay pa ang kanyang ina, iniwan lang siya. Maaaring buhay pa rin ang kanyang ama pero dahil sa sakim na pag-iisip ng ina, mas pinili nitong huwag siyang ibigay rito. Kahit ang ipakilala sa kanyang ama ay hindi rin nito ginusto kahit ngayong ginusto nitong basta na lang siya alisin sa buhay nito.
Napakasama ng pakiramdam ni Cedric. Napakasakit. Hindi niya gusto ang nararamdaman. Bakit siya ginanito ng kanyang ina? Tinitiis naman niya ang lahat ng galit at pananakit nito manatili lang siya sa piling nito. Oo, mahirap at aaminin niya na naapektuhan rin siya nang malaki sa pananakit na ginagawa nito. Pero sa kabila ng lahat, ina niya pa rin ito. Ito na lang ang kanyang masasabing pamilya. Ayaw naman niyang mawalay rito.
Pero pagkatapos ng lahat ng galit, sakit at mga pananakit, naggawa lang siya nitong iwanan. Pakiramdam ni Cedric ay naawa na rin siya sa sarili. Pero hindi. Ayaw niyang maging ganoon. Ayaw niyang maramdaman na ganoon siya.
BINABASA MO ANG
International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)
RomanceSa loob ng pitong taon ay isang struggling model si Ericka na matagal nang naghihintay ng big break. Kaya sa isang interview ay naisip niyang gumawa ng fabricated story na may "special someone" na siya. Ang dinescribe niya ay si Ric-ang guwapo, simp...