"MAGHIWALAY na tayo!"
Hindi mapigilan ni Cedric na hindi makiusyoso sa nangyayari sa paligid niya lalo na at hindi naman kalakihan ang bahay na tinutuluyan niya sa ngayon. Tatlong buwan pagkatapos niyang dalhin sa Safe Haven Orphanage ay nagsimula ang mga nagtangkang umampon sa kanya. Ang unang nagtangkang umampon sa kanya ay middle-aged na negosyanteng mag-asawa. Kilala ito ng mga madre sa mga ampunan kaya naging madali rito ang ipagkatiwala siya. Nang makita raw siya ng mga ito ay instantly, nagustuhan siya ng mga ito. Gusto rin ito ni Cedric. Mukhang mabait ang mga ito. Ngunit bago pa man maasikaso ang pag-aampon sa kanya, namatay ang dalawa sa isang car accident.
Anim na buwan pagkatapos noon ay siya namang pagdalaw ng mag-asawang Delos Reyes. Okay naman ang mga ito pero hindi kagaya nang unang nag-ampon sa kanya, hindi agad ito pinagkatiwalaan ng mga madre. Bago lang kasing dumalaw ang mag-asawa at gustong siguraduhin ng mga madre na maayos siyang maalagaan ng mga ito. Itinuturing siya ng mga itong espesyal na kaso dahil na rin sa mga pinagdaanan niya bago siya dalhin sa ampunan.
Dahil roon, binigyan ng trial period ng mga madre ang mag-aampon. Sa loob ng tatlong buwan ay titira siya sa bahay ng mga ito para makita kung magiging maayos ang lagay niya roon. Linggo-linggo rin siyang binibisita ng mga madre para tignan kung ano ang nagiging lagay niya sa mga ito.
Sa una ay maayos naman ang mag-asawa sa kanya. Mabait ang mga ito sa kanya. Inaasikaso siya. Maayos ang buhay niya sa mga ito. Pero ilang linggo bago matapos ang trial period, halos araw-araw ay nag-aaway ang mga ito. Hindi nagkakasundo. Palaging galit ang mga ito, lalo na si Mr. Delos Reyes. Minsan na sinabihan pa nito na "puta" ang asawa nito.
"Siguro nga ay dapat na maghiwalay na tayo. Wala kang kuwentang asawa. Inutil. Baog!" sigaw naman ni Mrs. Delos Reyes.
Nakatikim ito nang malutong na sampal sa asawa. "Pinagsisihan ko na pinakasalan kitang babae ka!"
Pagkatapos nang matinding pag-aaway ay ibinalik siya ng mga ito sa ampunan. Parehong desisyon iyon ng dalawa. Kagaya noong una ay nasaktan rin si Cedric. Napalapit na siya sa dalawa. Ilang buwan rin sila na nagsama. Isama pa na umasa siya na kagaya ng sinasabi ng mga madre, magiging maayos ang buhay niya sa ampunan. Magiging maayos siya. Pero bakit ganoon ang nagiging buhay niya? Tila siya nagiging isang laruan. Pinagpapasa-pasahan.
Nagulat ang mga ilan sa kasamahan niya sa ampunan ng malamang hindi na naman naging matagumpay ang pag-aampon sa kanya. Hindi rin nakaligtas kay Cedric ang narinig niyang pinag-usapan ng dalawang batang babae na halos kasing edad lang rin niya. Hindi niya masasabing kasundo niya ang mga ito. Bihira siyang makipag-usap sa mga bata roon. Kung may kinakausap man siya, iyon ay ang mga kasamahan niya sa kuwarto na mga lalaki. Hindi niya gustong mapalapit pa sa iba.
"Bakit siya palaging ibinabalik?"
"Masama siguro siyang bata. Hindi ba't hindi nga siya nakikipaglaro sa iba? Sumasama nga siya kayla Nikos pero madalas, tahimik lang siya,"
"Baka nga. O baka naman malas talaga siya. Hindi ba at iyon ang sinabi ng kanyang ina noong iwan siya rito sa ampunan? Malas siya kaya ginusto siyang iwan! Minalas rin siguro ang mga taong nag-aampon sa kanya kaya siya ibinabalik."
Hindi pinansin ni Cedric ang narinig na usapan. Nagtuloy-tuloy siya sa kuwartong tinutuluyan niya sa ampunan. Doon ay nakita niya agad ang mga kasamahan niya sa kuwarto na sina Nikos, Augustus, Jet, Ed at Vincent. Nagulat ang mga ito nang makita siya. Nag-usisa ang mga ito pero hindi niya pinansin ang mga ito. Sa halip, kumuha siya ng papel at doon ay nagsimulang magpinta na para bang sa pamamagitan noon ay mailalabas niya ang kanyang nararamdaman. Ginamit niya ang water color na ginagamit nila sa eskuwelahan.
"Maganda sana. Kaya lang, ang didilim naman ng mga kulay na pinili mo, Cedric," wika ni Jet. Lumapit ito sa kanya at tinignan ang ginagawa niya.
"'Wag mo akong pakialaman!" sigaw niya rito.
"Nalaman na namin ang nangyari sa 'yo. Alam namin na nasasaktan ka kaya ganyan. Pero 'wag kang mag-alala. Nandito lang naman kami palagi sa tabi mo. Sama-sama tayo."
"Hindi ko kailangan ng kahit sino!" sigaw ulit niya. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, gusto ng maniwala ni Cedric sa mga sinasabi sa kanya ng mga batang babae. Malas nga siguro siya. Mas mabuti na ngang ilayo na lang niya ang sarili sa iba.
Pero hindi nagpapigil ang mga ito. Niyakap pa siya ni Augustus. "'Wag kang mawalan ng pag-asa sa buhay. Magiging maayos rin ang lahat."
"Iyan rin ang sinabi nila Sister. Pero anong nangyari sa akin? Iniwan ako ng ina ko, namatay ang unang dapat ay mag-aampon sa akin at ngayon, ibinalik na naman sa ampunan. Malas nga siguro ako. Malas!"
"Huwag mong isipin 'yan. Kahit rin naman kami, iniisip na parang ang mamalas namin. Sino ba naman ang may gustong manatili sa ampunan? Kahit maganda ang turing sa atin rito, siyempre, maganda pa rin na may sarili tayong pamilya. Pero kahit isa, ni wala ngang magtangka na mag-ampon sa akin. Pero ayaw kong mawalan ng pag-asa. Darating rin ang araw na masasabi nating magiging maayos rin ang buhay natin," si Ed ang nagsalita.
Natigilan si Cedric. Tumingin siya sa mga ito. Napakunot ang noo niya. Hindi man kasing sama ng nangyari sa kanya ang mga nangyari sa mga ito, pare-pareho rin silang naiwan. Naiwan ng kani-kanilang mga pamilya. Pero tila hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga ito.
"Huwag mong ilayo ang sarili sa mga tao, Cedric. Hindi lang ikaw ang natatanging bata sa mundo na dumaranas ng hirap," si Nikos ang nagsalita.
Matagal lang siyang nakatitig sa mga ito. Hindi niya gustong tanggapin ang sinasabi ng mga ito. Hindi na niya kaya. Masyado na siyang nasaktan. Ngunit kahit ganoon, isa lang ang kayang gawin niya sa ngayon. At iyon ay ang pagtanggap ng pagpasok ng mga ito sa buhay niya kahit papaano.
BINABASA MO ANG
International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)
RomanceSa loob ng pitong taon ay isang struggling model si Ericka na matagal nang naghihintay ng big break. Kaya sa isang interview ay naisip niyang gumawa ng fabricated story na may "special someone" na siya. Ang dinescribe niya ay si Ric-ang guwapo, simp...