BAHAGYA pang nanibago si Ericka nang maggising siya. Hindi agad sumagi sa isip niya na nasa condominium unit siya ni Ric. Hinanap niya agad ito ngunit sa halip na makita ang lalaki ay isang note lang nito sa beside table ang kanyang natagpuan. Ang sabi nito ay babalikan siya nito mamaya.
Tinignan ni Ericka ang orasan sa kuwarto. Lampas alas-singko na ng hapon. Ilang oras rin siyang nakatulog. Kinapa ni Ericka ang kanyang nararamdaman. Naging malaking tulong sa kanya ang pagtulog. Guminhawa ang kanyang pakiramdam. Bumangon siya ng kama at madaling kinuha ang kanyang cell phone. Ganoong oras siya inaasahan ni Matthew na babalik ng ospital. Ngunit bago niya maipaalam sa kaibigan ang sitwasyon niya, mukhang hindi talaga sila magkasundo ng araw ngayon. Na-drain ang battery ng cell phone niya.
Mamayang alas sais ng gabi hanggang alas siyete ang viewing hours ni Nanay Teresita sa ICU. Dalawang beses lang ang viewing hours at nais niyang malaman ang lagay nito. Kaya sa halip na pag-aksayahan ni Ericka ng panahon ang pag-aantay kay Ric, umalis na muna siya ng unit ni Ric para pumunta ng ospital. Pagkatapos ng lahat, marami pa namang oras para makapag-usap sila nito.
Kinuha ni Ericka ang bag niya at nagpalit ng damit. Wala pa rin nakitang tao si Ericka nang makalabas siya sa kuwarto at pati na rin sa building kaya payapa siyang nakalabas. Sumakay siya ng taxi at nagpahatid sa ospital. Bahagyang nailang si Ericka nang pagdating niya sa ospital, maraming mga tao ang nakapansin sa kanya. Simula nang lumabas ang unang commercial na pinagbidahan niya, naging madalas na ang pagpansin sa kanya ng mga tao kapag nasa pampublikong lugar siya. Pero ramdam ni Ericka na kakaiba ang sa ngayon. Pinili na lang muna niyang huwag pansinin ang mga iyon. Alas-sais na. Isang oras lang ang viewing time kapag gabi kaya nagmadali na siya.
Natagpuan ni Ericka si Matthew sa loob ng ICU at nang makita siya nito mula sa salamin ay lumabas ito. Bahagyang nanlumo pa si Ericka nang makitang tulog pa rin si Nanay Teresita. Nang kausapin rin siya ni Matthew ay iyon rin ang sinabi nito.
"Wala pa rin na progress. Pero gusto ko rin sisihin ang ospital na ito kung bakit. Napapansin ko kasi na parang kulang sila sa pag-aalaga. Ramdam kong madalas ay tila alinlangan pa sa pagsagot sa mga tanong natin ang Doktor. Parang hindi eksperto,"
Tumango-tango si Ericka. Ramdam rin naman niya iyon. Private ang ospital pero hindi ganoon kaganda ang pasilidad. Iyon ang pinakamalapit na ospital sa kanila kaya naman napilitan rin sila na doon na lang rin ito dalhin. "Subukan nating i-transfer sa ospital si Nanay,"
Tumango si Matthew. "Iyon nga ang plano. Kaninang alas-kuwatro ay may nagpunta ditong mga lalaki. Tutulungan daw nila si Nanay. Hindi ko sila kilala pero ang sabi ng mga ito ay kilala raw ng boss ng mga ito si Nanay. Sila na daw ang bahala sa lahat sa paglilipat at pati na rin daw sa mga gastusin."
Nanlaki ang mga mata ni Ericka. "Totoo ba 'yan?"
Masayang tumango si Matthew. Hinawakan pa nito ang dalawang kamay niya. "Napakasuwerte natin, Ericka. Kung sino man ang kakilala na iyon ni Nanay na mayaman, hindi na muna mahalaga. Ang mahalaga ay may tutulong na sa atin."
Sa kabila ng pagtataka ay pinili na lang rin ni Ericka na maging masaya. Hindi na siya mamomorblema pa financially. Hindi na niya kailangan pang tumanggap ng proyektong kagaya nang ginawa niya kanina. Mayroon pa rin siyang oras para makapaghanap ng trabaho ngayong may susuporta na sa kanila.
Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Matthew ay siya naman ang pumalit rito sa pagbisita kay Nanay Teresita. Kinausap niya ito sa kabila ng hindi pa rin nito pagtugon sa kanya. Narinig niya kasi na mabuti raw iyon para sa isang comatose patient. Wala pa rin na pagbabago pagkatapos ng viewing time pero umaasa si Ericka na hindi man ngayon, gagaling rin ang babaeng nag-aruga sa kanya. Lalo na ngayong maililipat na nila ito sa mas magandang ospital kung saan mas maibibigay rito ang nararapat na pag-aalaga.
Sinubukan ni Ericka na pauwiin muli si Matthew nang matapos na ang viewing time. Naging mahaba ang pagpapahinga niya sa unit ni Ric kanina kaya alam niyang kahit mag-isa lamang siya ay makakaya niyang bantayan si Nanay Teresita. After all, puwede rin naman siyang matulog habang nagbabantay. Pero kagaya ng dati ay hindi pumayag si Matthew. Dalawang araw ang leave nito kaya kaya pa rin nito na magpuyat at kung makakatulog man ay hindi komportable. Hinayaan na lang niya ito sa pagpipilit nito. Nang mag-a-alas-otso na ng gabi ay nagpaalam siyang lalabas para kumain. Maaga raw itong kumain kaya hindi na ito sumama.
Sa paglabas muli ni Ericka ay nakita na naman niya ang kakaibang tingin sa kanya ng mga tao. Mukhang nakilala na talaga siya ng tao. Napansin rin niya na hindi na iyon kagaya nang mga nang-uusig na tingin sa kanya noong unang lumabas ang unang commercial niya. Ngayon ay tila kulang na lang ay lapitan siya ng mga tao para magpa-autograph sa kanya. Napansin rin niya na may iba pang kumuha ng larawan niya patago. Ganoon na ba talaga siya kasikat? Hindi ba dapat ay hindi na nga siya pagkaguluhan dahil pangit naman daw ang commercial niya?
Nang bumalik si Ericka sa ospital ay naramdaman na niya na sikat na nga siya. Well, publicity is publicity. Negative pa man iyon. Naisip na lang niya bigla. Hinarang siya ng mga nurses na nurse station at isa-isang nagpakuha ng larawan kasama siya.
"Kanina pa nga po namin kayo inaabangan na makabalik, Ma'am. Kahit po pala ang simple niyo lang manamit, maganda po talaga kayo." Komento nang nurse na unang nagpakuha ng larawan kasama siya.
"Salamat," binigyan niya ng genuine na ngiti ang mga ito.
"Saka mukhang napakabait niyo rin po. Hindi na nga po nakakapagduda na nagustuhan kayo ni Mr. Guidicelli..."
Kumunot ang noo ni Ericka. Si Cedric Guidicelli ang dahilan kung bakit napansin siya ng mga ito? Namatay na ang balitang iyon, hindi ba? Isa sa mga dahilan kung bakit tinapat na siya agad ng manager na baka wala na itong maibigay sa kanya na mga proyekto. Pero bakit ngayon ay tila nagbabalik?
"Sana po sa susunod na araw, isama niyo naman po siya sa pagbisita dito sa ospital. Ang guwapo-guwapo po pala talaga niya! Ang guwapo-guwapo po ng boyfriend niyo!"
Lalong napakunot ang noo ni Ericka. Nalaman ng mga ito na guwapo si Cedric Guidicelli? Hindi ba at hindi nagpapakita ang lalaki sa mga tao? Biglang kinabahan si Ericka... "P-pero hindi ko siya boyfriend..."
Ang mga nurse naman ang napakunot noo. "Ano pong ibig niyong sabihin? Kaka-announce lang po ni Mr. Guidicelli sa madla na girlfriend niya po kayo. Nagkaroon na rin po siya ng public appearance kani-kanina lang. Nasa showbiz news pa nga po kanina sa TV at---"
"Ano?!" lumakas ang tibok ng puso ni Ericka. Anong ibig sabihin ng mga ito?
Kinuha ng nurse ang cell phone nito. Nagbukas ito ng news site at tumambad sa balita ang tungkol sa mismong pag-amin ni Cedric Guidicelli na nobyo siya nito.
Natulala si Ericka. Muntik na rin niyang mabitawan ang cell phone ng nurse, lalo na nang makita ang larawan ni Cedric Guidicelli.
Ric---Cedric.
She should have known.
BINABASA MO ANG
International Billionaires 6: Cedric Guidicelli (COMPLETED)
RomanceSa loob ng pitong taon ay isang struggling model si Ericka na matagal nang naghihintay ng big break. Kaya sa isang interview ay naisip niyang gumawa ng fabricated story na may "special someone" na siya. Ang dinescribe niya ay si Ric-ang guwapo, simp...