Kabanata 3 - Pac-Man
[Maruha]
Alas-sais na ng umaga nang magising ako. Maaga akong gumising dahil gusto ko na tapusin ang ginagawa kong love letter para kay Aga Muhlach upang mabasa at malaman niya kung gaano katapat ang pag-ibig ko para sa kaniya.
Naabutan kong nag-aalmusal ang aking ina na si Nanay Julieta at ang aking kuya na si Kuya Monching. May pagtataka sa mga mukha nila dahil simula nang magbakasyon ay tanghali na ko nagigising.
Sa aming pamilya, pamilya Ignacio ay apat kaming magkakapatid. Ako ang pinaka-bunso sa aming apat. Hiwalay na ang magulang ko at ang aking tatay na si Tatay Mariano ay nasa Manila na naninirahan. Napagkasunduan nina Nanay at Tatay na si Tatay ang gagastos at magbabayad ng tuition kapag kami ay magkokolehiyo. Kung kaya't kasama niyang naninirahan sa Manila ang dalawa kong kapatid na sina Kuya Mario (pangalawa sa aming magkakapatid) at Ate Monette (pangatlo sa aming magkakapatid). Napag-isipan din ng mga ito na mag-aral sa Manila dahil naroon ang kursong gusto nila.
Umuwi lamang sina Kuya Mario at Ate Monette sa Pasig kapag mayroong mga okasyon o kapag wala na silang pasok sa kanilang unibersidad. Kaming dalawa ni Kuya Monching (panganay sa aming magkakapatid) ang naiwan sa poder ni Nanay Julieta sa Pasig.
Ipagtitimpla na sana ako ng kape ni nanay nang agad ko siyang pinigilan. "Bakit saan ka ba pupunta?" nagtatakang tanong niya sa akin. "Mag-almusal ka na muna"
"Sa tabi po ng ilog" sagot ko sabay paalam sa kanila. Hawak ko sa kanang kamay ko ang mga kagamitan pang-sulat at sa kaliwang kamay ko naman ay hawak ko ang pandesal. Agad akong tumakbo papunta sa tambayan.
Inilapag ko sa mahabang bangkuan ang mga dala kong mababangong papel, makukulay na mga ballpen at Jingle songhits book. Mabilis kong nginuya ang kinakain kong pandesal dahil papasikat na ang araw at kailangan ko ng bilisang magsulat. Ayokong may makakita sa ginagawa ko.
Kinuha ko ang sinulat kong love letter at binasa ito ng ilang ulit. Nang maramdaman ko na parang may kulang sa sinusulat ko ay binuklat ko ang Jingle songhits book na ang cover ay si Aga Muhlach upang maghanap ng mga love songs. Dalawang taon na ang nakararaan nang mabili ko ang Jingle songhits book sa rentahan ng mga pocketbooks at komiks ni Aling Nena. Nang malaman ko na si Aga Muhlach ang book cover nito ay nag-ipon talaga ako ng tatlong piso upang mabili ko lamang ito.
Napatigil ako sa paghahanap ng lyrics nang maramdaman kong may tumabi sa akin. Paglingon ko ay nakita kong nakangiti sa akin si Simeon. Agad kong tinago ang mga gamit ko sa aking likuran.
"Magandang umaga" magiliw na bati sa akin ni Simeon habang sinusubukan niyang buksan ang kaniyang mga mata.
"M-magandang umaga rin" kahit na mahigit isang linggo ko nang nakakasama si Simeon ay hindi ko alam kung bakit naiilang pa rin ako sa kaniya. Marahil ay hindi pa ako sanay sa presensya niya.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...