Kabanata 12 - F.L.A.M.E.S
Tatlong araw na ang nakakalipas nang matapos ang dulaan. Kami ang nanalo at tuwang-tuwa kami ng mga kaklase ko dahil hindi na kami magpe-periodical test at gagawa ng projects sa Filipino. Unexpected din nang manalo ako bilang "Best in supporting actress". Nang dahil sa dulang 'yon ay nagbago ang tingin ng mga kaklase ko sa akin. Tinatawag pa nila akong boss dahil ako raw ang nagpanalo.
Tatlong araw na ring absent si Simeon dahil nagkasakit ito nang matapos ang dulaan namin. Tatlong araw ko na rin siyang hindi nakikita. Hindi kami makadalaw sa kanilang bahay dahil pinayuhan niya si Mama Rosalinda na huwag kaming papasukin nina Gil at Teresa sa kaniyang kwarto dahil baka mahawa raw kami.
Ang lesson namin sa Kasaysayan ay tungkol sa mga pangyayari noong World War II. Hindi ako nakikinig sa explanation ng aming guro. Hindi ko namamalayan na naglalaro na pala ako ng F.L.A.M.E.S. Pangalan naming dalawa ni Simeon ang nakalagay. Malalaman ko na sana ang resulta nang tawagin ako ni Mrs. Hernandez.
"Ms. Ignacio, what the hell are you doing?!" lumapit siya sa akin. "What are you writing? Give me that damn notebook!" agad kong pinilas ang pinagsulatan ko at itinago ito sa aking likuran. Aagawin sana ni Mrs. Hernandez ang papel nang isubo ko 'yon. Nginuya-nguya ko pa ito para sigurado na basang-basa ito at kung sakaling tingnan ay hindi makikita ang pangalan namin ni Simeon.
"Eww!" nandidiring sigaw sa akin ng mga kaklase ko. Halos himatayin si Mrs. Hernandez nang dahil sa ginawa ko. Mabuti na lamang ay nasalo siya ng mga kaklase ko. Pinalabas niya ako at pinapaluhod sa labas. Alam ko na pag-uusapan ako ng mga kaklase ko at alam ko rin na malalaman 'yon ni Simeon.
'Yun lamang talaga ang nakikita kong solusyon upang hindi nila malaman na pinag-F.L.A.M.E.S ko ang pangalan namin ni Simeon. Ayokong malaman ni Simeon na ginawa ko 'yon at baka iwasan niya ko. Binatukan ko ang sarili ko dahil hindi ko akalain na magagawa ko ang kalokohan na 'yon.
#
Suspendido ang buong klase sa Pasig dahil sa Bagyong Miding na tumama sa Hilagang Luzon. Tatlumpu't anim na tao ang naitalang namatay dahil sa bagyong ito.
Panay ang silip ko sa pintuan nina Simeon ngunit ang tanging nakikita ko lamang ay si Mama Rosalinda na naglilinis ng bahay. Kahapon lang ay magkasama kami at ngayon ay gusto ko na siyang makitang muli. Ang epal naman kasi ng bagyong Miding. Kung dati ay natutuwa ako sa tuwing wala kaming pasok, ngayon hindi na. Gusto ko ng pumasok sa eskwelahan para makita at makausap ko na ulit si Simeon.
Agad akong tumakbo papunta sa pwesto ng telepono namin nang mag-ring ito. Nararamdaman ko na tatawagan ako ni Simeon kahit na alam ko na wala namang dahilan kung bakit niya ako tatawagan. "Ignacio residence" mahinhin kong wika. Na-disappoint ako nang marinig ko ang boses ni Ate Monette at gusto niyang makausap ang nanay namin.
"Nay! gusto ka pong makausap ni Ate Monette" ibinigay ko ang telepono kay Nanay. Sumilip ulit ako sa bahay nina Simeon. Nakita kong nakasarado na ang pintuan nila. Nakabusangot akong umupo sa sofa namin at nanood ng That's Entertainment.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...