Kabanata 9 - Kursunada
[Maruha]
Abala ang karamihan ng mga Rizalians dahil naghahanda ang mga ito para sa paparating na buwan ng wika. Ang iba sa mga estudyante ay abala sa pagdisenyo ng kani-kanilang classroom, ang iba naman sa kanila ay nag-iisip kung anong putaheng pinoy ang kanilang lulutuhin, at ang iba sa kanila ay naghahanda kung anong katutubong sayaw ang kanilang ipapakita sa subject na PE.
Inanunsyo ni Teacher Gina na ang kanilang deparmento sa Filipino ay nagsagawa ng paligsahan sa pagdula. Isinali niya ang section namin sa dulaan at ang napili niyang idula namin ay ang isinulat ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere. May dalawang linggo raw kami upang paghandaan 'yon. Sinabihan niya pa kami na kapag nakasali ang seksyon namin sa second place o third place ay pasado na raw kami sa periodical test at kapag ang seksyon naman namin ang nanalo sa dulaan ay bukod sa hindi na kami magpe-periodical test, hindi na rin daw kami gagawa ng mga projects sa kaniya. Naghiyawan ang mga kaklase ko nang marinig nila ang mga sinabi ni Teacher Gina na para bang sigurado sila na mananalo kami sa dulaan.
Kakalabas lamang ng guro namin sa Filipino nang ibalita ng presidente ng classroom namin na hindi raw makakapasok ang teacher namin sa English dahil may meeting daw ang lahat ng English teachers. Lalabas na sana ako sa classroom namin upang makipagkwentuhan kay Cecil nang pigilan ako ng presidente namin dahil may importante raw siyang sasabihin. Ang hindi raw makikipag-participate sa kanila ay tatanggalin daw sa dulaan. Bumalik agad ako sa upuan ko dahil mukhang seryoso ito sa sinabi niya.
"Wala pa tayong script pero pipili na kami kung sino ang mga aarte at kung sino ang gagawa ng mga props" anunsyo ng presidente namin na sinang-ayunan ng aming vice-president at secretary na kasama niya sa harapan.
"Nadine, ikaw ang gaganap bilang si Maria Clara" proklama ng secretary namin. Biglang naging mahinhin si Nadine nang marinig niya 'yon. Ang layo niya sa pagiging Maria Clara, bagay sa kaniya maging si Donya Victorina. "Simeon, ikaw naman ang gaganap bilang si Crisostomo Ibarra" dagdag pa niya. Nakita kong tinutukso si Nadine ng kaniyang katabi at kinikilig naman ang bruha. Nararamdaman ko na inutusan ni Nadine ang secretary namin na sila ni Simeon ang piliin na gaganap bilang Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Magkaibigan kasi ang mga ito. Kailangan kong mabantayan si Simeon sa higad!
Palihim akong nagdasal nang pipili ulit ang sectrtary namin kung sino-sino pa ang mga aarte sa dulaan. Ayaw ko talagang umarte sa ibabaw ng entablado lalo na't hindi ako magaling magkabisado ng mga linya. Nauutal din ako kapag marami akong nakakaharap na mga tao. Sana sa props ako mapunta!
"Maruha?" tumayo ako nang tawagin ako ng secretary namin. Iba ang pakiramdam ko nang tingnan niya ko at natawa pa ito sa akin. Sana ako ang piliin na gaganap na puno. "Ikaw ang gaganap bilang si Sisa" narinig ko namang nagtawanan ang iba kong kaklase at mas nangibabaw ang tawa ni Francis.
Ang daming character sa Noli Me Tangere at si Sisa pa talaga ang ibinigay sa akin?
Bigla akong nanlumo dahil hindi kasi ako marunong umiyak o magbaliw-baliwan sa harapan ng mga tao. Para sa akin, ang character ni Sisa ang mahirap aralin dahil kailangan ay mayroon kang emosyon at dapat magaling ka rin sa pagdala ng mga linya.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...