16) Prom '87

695 59 14
                                    

Kabanata 16 – Prom '87

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 16 – Prom '87

[Maruha]

Nakaupo kaming apat sa bench na halos katapat lang gymnasium ng school namin. Kakatapos lang namin mag-lunch break. May sampung minuto pa kami kaya naisipan namin na tumambay muna.

Nalaman namin kay Teresa na matutuloy raw ang Prom night. Nawalan na kasi kami ng pag-asa na matuloy 'yon nang matapos ang buwan ng Pebrero ngunit hindi namin akalain na matutuloy ito sa ikalawang linggo ng Marso bago magbakasyon.

Ang KJ kasi ng principal namin. Baka raw maraming mabuntis at may gawing kalokohan ang mga estudyante kapag natapos daw ang prom night. Ganon kasi ang nangyari nang nakaraang taon kaya parang nagkaroon ito ng trauma. Mabuti na lamang ay napilit ito ng mga miyembro ng RHSSSG.

Ang napiling tema para sa prom night ay tema kung saan parang tatanggap ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards o FAMAS Awards ang mga lalahok sa prom. Hindi namin pinoproblema ni Teresa kung sino ang makaka-partner namin sa prom dahil nandyan naman sina Simeon at Gil. Partida dalawa pa ang makakasayaw namin. Ang tanging problema lang ay kung ano ang susuotin naming dalawa ni Teresa.

Naisipan namin ni Teresa na mag-ukay ukay sa Quiapo. Para unique. Wala kaming makakapareha na susuotin. Balak pa naming dalawa na magpaayos kay Mama Rosalinda. Nalaman namin na bago ito naging P.A ni Aga Muhlach ay nakapagtrabaho muna ito sa isang salon sa Taguig. Nararamdamam namin na kaya niya kaming gawing dyosa ng isang gabi.

Patuloy pa rin ang pagpapadala ng love letter ng pogi kong manliligaw. Ang huli niyang sulat ay patungkol sa magkita raw kaming dalawa sa batibot bago mag-alas otso ng gabi sa mismong prom night namin. Dun daw siya aamin. Hindi na rin ako makapaghintay na makilala siya. Kailangan ko siyang kilalanin ng lubusan bago ko siya sagutin.

Napabusangot ako nang mag-iba ang pinag-uusapan namin. Imbes na tungkol sa prom night ay napunta ang usapan sa summer job. Iniisip na nila kung saan sila pwedeng mag-summer job. Dagdag puntos din kasi ito sa bio-data. May chance na madaling makahanap ng trabaho.

"Ikaw, Maruha? Saan mo balak mag-summer job?" tanong sa akin ni Gil. Hinihintay naman nila ang isasagot ko.

"Baka sa munsipyo na lang" pagsisinungaling ko. Hindi ko talaga alam kung saan ako magsa-summer job. Hindi ko nga alam kung ano ang kukunin kong kurso sa college.

Nagkaroon ng daga sa aking dibdib nang sumagi sa isip ko ang salitang college. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang pangarap ko. Simula nang elementary at hanggang ngayong hayskul ay hindi ko alam kung ano ang sasagutin ko sa tuwing may nagtatanong sa akin kung ano ang gusto ko. Ang tanging sinasagot ko sa kanila ay doctor o guro kahit hindi naman 'yon totoo. May maisagot lang.

'tsaka ko na poproblemahin ang pangarap na 'yan. May isang taon pa naman ako upang makapag-isip kung anong kurso ang kukunin ko. Ang kailangan kong problemahin ay kung anong klaseng dress ba ang susuotin ko sa prom night. Magpapakita ba ko ng cleavage o ipapakita ko ang makinis kong likod? Natawa at napailing ako sa aking naisip.

UGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon