Kabanata 20 - Disco
[Maruha]
May ilang kabataan ang naglalaro ng roller skates sa Bambang court. Isa itong sapatos na may tigdalawang gulong sa harapan at likod. Ang roller skating ay isa sa mga paboritong libangan at pampalipas oras ng ilang kabataan. Hindi lang kabataan ang naglalaro nito, may mga matatanda rin at mga bata.
Bukod sa paglalaro ng roller skates, may ilan din ang nagpepedal ng kani-kanilang bike. Pagdating talaga ng alas-dos ng hapon ng sabado ay marami ang tumatambay sa Bambang court.
Nakaupo kaming tatlo nina Simeon at Gil sa isang gilid ng court habang hinihintay na dumating si Teresa. Inaya kasi kami kanina ni Teresa na maglaro ng roller skates na binigay ng kaniyang tita kahapon ngunit nahuli siya dahil nakalimutan daw niya kung saan niya ito nilagay. Si Teresa ang pinakamakakalimutin sa aming apat.
Palihim kong tinitingnan si Gil na tumatawa habang kausap si Simeon. Nag-uusap pa rin naman kaming dalawa ngunit hindi ko mapigilang hindi mailang lalo na't alam ko na may gusto siya sa akin.
Wala ring ideya sina Simeon at Teresa tungkol sa aming dalawa ni Gil. Napagpasiyahan ko na ilihim muna sa kanilang dalawa dahil ayoko na pati sila ay maguluhan sa amin at pumili kung sino ang sasamahan.
Napalingon kami kay Teresa na nakangiting tumatakbo papunta sa aming pwesto habang may hawak sa kaniyang kanang kamay na roller skate na kulay neon yellow at ang kulay ng mga gulang nito ay kulay pula. Samantalang sa kaliwang kamay naman niya ay hawak niya ang isang kulay itim na helmet, at elbow and knee pads.
"Sino ang unang susubok?" tanong niya sa aming apat nang makalapit siya sa pwesto namin. Agad kaming nagtaasan ng kamay. Napaikot na lamang ng mga mata si Teresa dahil lahat ay gustong mauna.
Napagdesisyonan namin na mamimili ng mauuna sa pamamagitan ng maiba-una. Ang unang susubok ay si Teresa, pangalawa si Simeon, pangatlo si Gil at ako ang pang-apat. Napapadyak na lamang ako sa sobrang inis dahil gustong-gusto ko ng subukang mag-roller skating ngunit wala akong magawa kundi ang maghintay.
Sinuot ni Simeon ang helmet at ang elbow and knee pads. Inaalalayan namin siya na huwag mahulog. Napakamot na lamang ako sa aking ulo dahil parehas pala kami ni Simeon na hindi marunong."Sabi ni Tita Alice, masarap daw mag-roller skating sa Skatetown" pagmamalaki sa amin ni Teresa na nakatutok sa pag-alalay kay Simeon.
"Saan naman 'yon?" sabay na tanong nina Gil at Simeon sabay ngisian sa isa't-isa at nag-apiran pa.
"Sa Alimall Cubao ang Skatetown. Tambayan 'yon ng mga mahihilig mag-roller skates" paliwanag ko sa dalawa na namamangha.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...