Kabanata 17 - Sunny Orange
[Maruha]
Mahigit isang buwan na ang nakalipas nang magwakas ang pagiging third year hayskul naming apat. Mabuti na lamang ay wala ni isa sa amin ang lalahok sa summer class. Talagang susulitin ko ang aking bakasyon na kasama sina Simeon, Gil at Teresa.
Abala ako sa pag-ayos ng susuotin naming apat mamaya para sa paligsahan ng pagsayaw na aming sinalihan. Ngayon ang ikalawang araw ng piyesta ng Barangay Bambang at sa tuwing piyesta lamang nagaganap ang paligsahan sa pagsayaw. Matagal na naming gustong sumali nina Gil at Teresa sa paligsahan ngunit hindi kami makasali sapagkat kulang kami ng isang miyembro. Mula apat hanggang anim na miyembro lamang kasi ang maaaring sumali rito. Malaki ang papremyo ng kompetisyon. Tumataginting ito mula tatlong libo hanggang limang libong piso. Kaya talagang desperada kaming makasali rito.
Naalala ko nang nakaraang taon, sa sobrang desperada naming tatlo nina Gil at Teresa na makasali sa paligsahan sa pagsayaw ay isinama namin sina Kuya Monching at Kuya Gilbert sa aming grupo ngunit tanging si Kuya Gilbert lamang ang sumali sa amin. Abala kasi noon sa paghahanap ng trabaho si Kuya Monching. Ilang araw na lamang ng paligsahan ng pagsayaw nang sumuko kami nina Gil at Teresa. Paano ba naman kasi ay ang hirap turuan ni Kuya Gilbert. Parehas kaliwa ang kaniyang mga paa at palagi pang magkadikit ang kaniyang dalawang kilay. Sobrang nakakatakot talaga ang awra niya. Nag-back out kaming tatlo dahil ramdam namin na masasayang lamang ang pagpa-practice naming apat. Kaya ipinangako naming tatlo na kapag sumapit ulit ang piyesta ng Barangay Bambang ay sasali ulit kami sa paligsahan. Bahala na kung sino ang mahila naming isang miyembro. Mabuti na lamang ay dumating si Simeon.
Napaikot ang dalawa kong mata nang makita ko ang mga love letter na nakakalat sa lamesa ng aming kwarto. Nakalimutan ko itong itago sa maliit kong baul kung saan nakatago ang mga gamit na hindi ko kailangan ngunit ayaw kong itapon.
Nang matapos ang prom night namin ay patuloy pa ring nagpapadala ng sulat ang pesteng poging manliligaw na 'yan. Hindi na ako nakakaramdam ng kilig sa tuwing nakakatanggap ako ng sulat galing sa kaniya. Na-turn off ako dahil panay siya padala ng sulat ngunit hindi nagpapakita sa personal.
Imbes na itapon ko ang mga sulat na pinapadala niya, napagpasyahan ko na itabi na lamang ito sa baul. Balak kong ipakita ang mga sulat sa magiging anak at apo ko at ikukwento sa kanila na nagkaroon ako ng isang duwag na manliligaw nang hayskul.
Nadatnan ko sa tambayan ang tatlong tukmol na hindi mapakali. Si Gil panay ang ikot sa tabi ng ilog. Si Simeon naman ay rinig na rinig ko ang kaniyang pagbuntong hininga ng malalim. Samantalang si Teresa ay hindi mapakali ang kaniyang dalawang binti at kinakagat pa niya ang kaniyang mga kuko sa daliri.
"Ano ba pinaggagawa niyo? Para kayong bibitayin!" yawyaw ko sa kanila na nagpatigil sa kanila. Pati ako mahahawa sa pinaggagawa nila.
May pumasok na ideya sa utak ko kung paano mababawasan ang kanilang kaba. Napatingin ako sa suot kong relo. Mag-aalas tres na ng hapon at ilang minuto na lamang ay mag-uumpisa na ang mga palarong inilatag ng mga namumuno sa aming barangay. Alas-sais pa naman ang paligsahan sa pagsayaw kaya sasali muna kami sa mga palaro.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...