Kabanata 6 - Betamax
[Maruha]
May ilang Rizalian ang nakakalat sa tapat ng Isidro Rodriguez Hall. Ang iba sa kanila ay naghihiyawan dahil mayroong showdown na magaganap. Dalawa laban sa dalawa ang labanan. Kasama kami ni Cecil sa magsho-showdown at ang makakalaban namin ay sina Luningning at Marikit.
Itinali ko ang aking buhok na kagaya ng whale sprout na usong-uso. Tinupi ko ng dalawang beses ang manggas ng aking uniporme upang makagalaw ako ng maayos. Tinanggal ko ang neck tie ko at ibunulsa ito dahil baka mawala ito. Aaminin ko na sobra akong kinakabahan dahil una ay maraming estudyante ang nanonood sa amin at pangalawa ay hindi naman ako marunong sumayaw. Nilakasan ko na lamang ang loob ko. Ayaw kong ipakita sa kanila na bahag ang buntot ko. Hindi ko akalain na mapapasabak ako sa showdown. Kasalanan ko rin naman kung bakit nangyari ito dahil ako ang nagyaya kina Luningning at Marikit na mag-showdown.
May dalawang babae kasi ang gustong sumabunot kay Cecil at dahil alam niya na lugi siya ay naghanap siya ng kakampi. Hinintay ni Cecil na matapos ang second subject namin at ako ang napili niyang maging kakampi sa sabunutan.
Sumama naman ako kay Cecil upang kausapin ang mga kaaway nito na sina Luningning at Marikit. Ang kaso, kahit na mahinahon ang pakikipag-usap ko sa dalawa ay gusto ng mga ito na mag-sparing kaming apat. Syempre tumanggi ako. Ayokong ma-kick out at ayaw ko ring mabugbog. Mukha pa namang hindi magpapatalo ang dalawang bruha. Imbes na sabunutan, niyaya ko sila na mag-showdown na lamang at pumayag naman ang mga ito.
"Teka lang!" pigil ko kay Luningning na gustong-gusto nang magpapakitang gilas. "Kapag nanalo kami sa showdown ay titigilan niyo na si Cecil!"
"Call!" mataray na sagot sa akin ni Marikit. "Pero kapag nanalo kami ay lulusot kayo ng tatlong beses sa pagitan ng dalawang binti namin na para bang mga aso," dagdag pa niya. Pumayag naman ako. Ayos na 'yon kaysa naman na ma-kick out kaming apat. Kung sino ang pinakamalakas na hiyaw ay siya ang mananalo sa showdown.
Unang nagpakitang gilas ay si Luningning at talagang binigay niya ang kaniyang best habang gumigiling. Isang malakas na hiyawan ang natanggap ni Luningning nang matapos itong sumayaw. Confident namang naglakad si Cecil sa harap nina Luningning at Marikit at tiningnan pa niya ang dalawang bruha mula ulo hanggang paa. Napatakip na lamang ako sa mukha dahil parehas din palang kaliwa ang mga paa ni Cecil. Sunod namang nagpakitang gilas ay si Marikit. Halos lahat ng mga estudyanteng nanonood sa amin ay napanganga nang mag-breakdance ito. Maski ako ay napahanga rin dahil ang lambot ng katawan niya at ang astig ng mga moves na pinapakita nito. Ibinaba ko ang kamay ni Cecil na papalakpak na sana. Kailangang huwag naming ipakita na nagagalingan kami sa kalaban kundi ay matatalo kami. Gusto ko na sanang sumuko dahil mas maraming natatanggap na hiyaw ang aming kalaban kumpara sa amin ni Cecil ngunit bahala na.
Huminga muna ako ng malalim. Piniga ko ang utak ko upang alalahanin ang lahat ng dance steps na nakikita ko sa tuwing sumasayaw si Gil sa harapanan namin nina Simeon at Teresa. Napangiwi ako dahil halos lahat ng moves na sinasayaw ni Gil ay pang-Michael Jackson at pang-Gary V. Hindi ko kaya ang ganong moves. Wala na akong magawa kaya nag-Billie Jean at nag-Moon walk ako. Walang pumalakpak sa akin, tanging si Cecil lamang ang pumalakpak. Sa sobrang desperada kong manalo ay nag-backflip ako ngunit hindi ko kayang buhatin ang sarili ko na naging dahilan ng pagbagsak ng pwet ko sa semento. Sa sobrang sakit ng pwet ko ay hindi ako makagalaw at hindi ko rin kayang tumayo.
BINABASA MO ANG
UGMA
Teen FictionWattpad Webtoon Studios Winner Wattys 2022 Winner - Young Adult Si Maria Maruha Ignacio ay isang Pasigueñong ipinanganak sa 70s at isang certified batang 80s. Umiikot lamang ang kaniyang kabataan sa kaniyang ultimate crush na si Aga Muhlach, sa pag...