𝗖𝗛𝗔𝗣𝗧𝗘𝗥 𝗧𝗪𝗘𝗡𝗧𝗬-𝗡𝗜𝗡𝗘
𝗠𝗼𝗻𝗮𝗺𝗶'𝘀 𝗣𝗢𝗩 [𝘾𝙯𝙞𝙖𝙣𝙘𝙞𝙚𝙧𝙖]
"HUWAG po kayong magtulakan, pakiusap! Dahan-dahan lamang sa pagbaba!" Sa ikatlong beses ay sigaw ng isang babae na nakasuot ng uniporme ng mga staff ng armagedion.
Ilang minuto na ang lumipas simula noong makadaong ang armagedion dito sa Suman at ngayon ay kabababa lamang namin mula roon. Sumilong muna kaming tatlo sa isang waiting shed malapit sa highway para pag-usapan kung ano na ba ang sunod naming gagawin.
"Para po makapunta tayo patungong Caractus ay kailangan muli nating bumiyahe. Sa pagkakataong ito ay sa pscaut naman po tayo sasakay," sabi ni Hidra pagkatapos kong itanong kung papaano ba kami tutungo sa Caractus.
"Pscaut?" Anong klaseng nilalang naman kaya iyon?
"Opo, pscaut. Ito ay isang higanteng ibon na ginagamit na transportasyon sa himpapawid dito sa kontinente ng Champion, Prinsesa Monami. Paniguradong mamamangha kayo kapag nakita niyo ito mamaya," nakangiting sagot niya.
Higanteng ibon, huh? Baka isang higanteng lawin o agila 'yon. Ay, ewan. "Kumain na lang muna tayo bago bumiyahe uli. Nagugutom na ako e," wika ko at bahagyang tinapik ang tiyan ko saka luminga sa paligid.
Napansin ko naman agad ang isang kainan sa hindi kalayuan. Sa kabilang kalsada ito nakapuwesto kaya kailangan pa naming tumawid.
"Ako rin po, gutom na. Tara na po at kumain, Prinsesa Monami!" masiglang wika ni Altah at hinawakan ako sa kamay saka hinila na ako para tumawid. Nagpatianod na lang ako dahil talagang nagugutom na ako.
"Mabuti pa nga po para naman may lakas tayo sa kalahating araw na naman nating magiging biyahe," rinig kong sabi ni Hidra na nakasunod lang sa amin. "Bumili rin kaya tayo ng makakain para habang nasa biyahe ay hindi tayo mainip. Anong sa tingin mo, Prinsesa Monami?"
"Sige. Mabuti na rin 'yong may nginunguya tayo mamaya. Sana lang may yskratl dito para iyon ang bibilhin ko."
Tuluyan na nga kaming nakalapit sa kainan, isang karendirya. Pumasok kami sa loob at pumwesto sa counter mismo. Okupado na ang mga mesa kaya rito na lang kami pumwesto.
"Magandang umaga sa inyo, mga binibini at munting ginoo!" pagbati sa amin ng isang babaeng naka-bun ang kulay pink na buhok at may suot na apron. Halos ka-edaran lang siya ni Hidra, nasa early twenties. "Ito ang menyu ng aming karinderya, mamili lamang po kayo. Tawagin niyo lamang ako kung may pagkain na kayo na inyong napupusuan!"
Nakangiti niya kaming inabutan ng tig-isang maninipis at matatapan na kahoy na kung saan ay may mga nakasulat na mga letra ng alpabetong Polarium. Tinalikuran niya na kami matapos itong iabot at inasikaso ang ilang kustomer na nakaupo rin rito sa counter.
Dahil hindi ko naman alam kung anong klaseng mga pagkain ang kaakibat ng mga pagkaing nakalista sa menyu ay tatlong mangkok na lang ng kanin ang pinili ko. Si Altah naman ay isang mangkok ng kanin habang kay Hidra naman namin ipinasa ang pagpili sa uulamin namin.
Tinawag niya iyong babaeng may pink na buhok at nagsimulang sabihin ang order namin. "Bale tatlong kanin ang sa amin. Sa isang plato ay tatlong mangkok at iyong dalawa ay tig-isa lang. Tapos isang squaietra at isang adobong wround sa ulam. Pakibigyan na rin kami ng tatlong basong tubig. Salamat." Ibinalik na namin sa babae ang mga menyu.
"Masusunod, binibini. Bigyan niyo lamang po ako ng limang minuto at ihahanda ko na ang inyong pagkain," nakangiting wika niya at nagsimulang asikasuhin ang pagkain namin.
"Prinsesa Monami, paano tayo pupunta sa palasyo ng Caractus at kausapin ang iyong lola? Baka hindi tayo papasukin ng mga kawal roon," ani Hidra habang nakamasid sa mga pagkain sa estante.
BINABASA MO ANG
Reincarnated as an Element Powerless Princess (Volume 1)
FantasyCzianciera Constellaxia, isang dalawampu't anim na taong gulang na babae na nagmamay-ari ng isang sikat na kompanya - ang Constellaxia Fashion Company - sa bansa. Siya ay matapang at malakas na babae na muling magkakatawang-tao sa katawan ng ibang t...