Chapter 1

10.9K 429 1
                                    

𝗖𝗛𝗔𝗣𝗧𝗘𝗥 𝗢𝗡𝗘

NANG makita ng mahal na reyna ang Prinsesa Monami na walang malay ay agad itong nagpatawag ng isang manggagamot upang suriin ang kalagayan ng anak. Nababahala siya dahil kay putla ng labi ng prinsesa ngunit namumula ang mukha nito at tagaktak ang pawis.

“M-Mahal na reyna!” nahihintakutang tawag-pansin ng manggagamot sa reyna matapos suriin ang prinsesa. “B-Bakit may nakikita akong likido ng alorca sa tiyan ng prinsesa? Inyo ho ba siyang pinainom nito?”

“L-Likido ng alorca?! Hindi... Hindi namin magagawa iyan sa aming anak,” sagot ng reyna, gulat na gulat ito nang marinig ang sinabi ng manggagamot. “Bakit mayroong alorca sa tiyan niya? Sigurado ka bang iyan ay alorca nga?”

“Opo, mahal na reyna!”

“Pero paanong... Wala namang alorca dito sa ating kaharian k-kaya imposibleng makainom siya ng likidong iyon. Hindi rin siya nakakalabas rito sa palasyo kaya p-paanong... paanong nagkaroon ng likido ng alorca s-sa tiyan ng aking anak?!” mangiyak-ngiyak na tanong ng reyna, gulat at gulong-gulo ito sa pangyayari.

“Pero, mahal na reyna, ito ang nakikita ng dalawa kong mga mata. May likido ng alorca sa loob ng Prinsesa Monami a-at nagsisimula na itong manalantay sa kaniyang mga ugat! Kapag hindi ito naagapan ay maaring ikamata—!”

“A-Ano ang lunas sa karamdaman ng aming bunsong anak?!” Biglaang sulpot ng hari at nilapitan ang asawa na umiiyak na.

“T-Tanging katas lamang ng acoriat ang makakapagpagaling sa prinsesa, Kamahalan.”

“Pero... n-nasa lawa ng Paraiso ang acoriat! I-Imposibleng ito ay makuha...” nanghihinang pahayag ng reyna at napaluhod na lamang sa tabi ng kinahihigaang kama ng prinsesa.

“Pero kailangang makuha ang lunas... Tutungo ako ng Paraiso,” buo ang loob na desisyon ng hari. Gulat na napatingin sa kaniya ang reyna at manggagamot dahil sa kaniyang sinabi. “Mahal ko, alagaan mong mabuti si Monami. Babalik ako bago matapos ang linggo—”

“Sa tansiya ko po, Kamahalan, ay ilang minuto na lamang ang natitirang oras bago tuluyang kumalat sa buong sistema ng prinsesa ang likido ng alorca,” hayag ng manggagamot na ikinahagulgol ng reyna habang ang hari naman ay tila natuod sa kaniyang kinatatayuan dahil sa narinig.

“A-A-Ang mabuti pa ay... i-ipagdasal natin siya sa mahal na Zabron... B-Baka sakaling p-pagalingin niya ang ating anak,” nahihirapang wika ng reyna at dahan-dahang tumayo saka magte-teleporto na sana sa banal na batis ng mapansin nila ang paghahabol-hininga ng prinsesa.

“A-Ang anak ko!” palahaw ng reyna at lumapit sa prinsesang nagaagaw-buhay na. “Oh, mahal na Zabron! P-Pakinggan mo ang aking dasal! H-Huwag... Huwag mo pong kunin ang aming bunso! P-Pakiusap, mahal na Zabron!” hagulgol ng reyna.

Mas lumakas ang kaniyang pagtangis nang tuluyang malagutan ng hininga ang bunsong anak. Mahigpit niyang niyakap ang anak at marahan itong hinahalik-halikan sa pisnge habang patuloy na umaagos ang luha sa kaniyang pisnge. “Oh, mahal na Zabron! Bakit?! B-Bakit hindi mo dininig ang aking dalangin...?! B-Bakit kinuha mo ang aking anak?! Bakit... kinuha mo ang b-bunso namin?! Oh, Monami, a-anak ko!!”

Walang ibang nagawa ang hari kung hindi ang yakapin na lamang din ang asawa't anak at tahimik na umiyak.

Ang manggagamot naman ay napayuko na lamang sa pangyayari. Gustuhin niya mang mailigtas ang prinsesa pero kay labong mangyari iyon.
Sa pagyuko, napansin niya ang bote ng pulot sa ilalim ng mesang pinagsusulatan ni Monami kanina. Higit ang hiningang nilapitan ng manggagamot ang bote at sinuri ito. Napasinghap siya sa nakita at nahihintakutang tumingin sa mag-asawa.

“Oh, hari't reyna, a-ang pulot na ito ay may halong katas ng alorca! S-Sino ang nagbigay nito sa mahal na prinsesa?” tanong ng manggagamot na ikinatingin sa kaniya ng mag-asawa.

Tiim-bagang itinaas ng hari ang kaniyang kamay at gamit ang mahika ay itineleporto niya sa kaniyang silid ang bote. Susuriin niya iyon mamaya. “Sisiguraduhin kong mananagot ang may sala,” malamig na pahayag ng hari na maging ang reyna ay kinilabutan sa paraan ng kaniyang pagsalita.

“Ughm... Hmhm hmn...”

Gulat na napatingin ang reyna sa anak —na yakap pa rin— nang bahagya itong umungol at gumalaw. “O-Oh, mahal na Zabron, maraming... maraming salamat! M-Maraming salamat...!” galak na pasasalamat ng reyna at kumalas sa pagkakayakap sa anak. Bumaling ang reyna sa manggagamot na gulat na nakatingin sa prinsesa. “A-Anong lagay ng anak ko? Nabuhay siya! N-Nabuhay siya!”

“I-Isa ho itong mirakulo. Wa... Wala ng bakas ng alorca s-sa katawan ng prinsesa,” sagot ng manggagamot, hindi ito makapaniwala sa nakikita. Kahit butil ay hindi kababakasan sa loob ng prinsesa. Nalingat lamang siya saglit ay bigla na lamang nawala ang likido. Isang mirakulo! “A-Ang mabuti pa ho ay hayaan muna nating magpahinga ang prinsesa. Babalik ho ako bago sumapit ang gabi upang suriing muli ang lagay niya. Mauna na ako, mga Kamahalan,” paalam ng manggagamot saka yumukod at naglaho.

Walang pasidlan ang galak na nadarama ng hari't reyna dahil sa mirakulong naganap. Pero kahit na nabuhay muli ang prinsesa ay sisiguraduhin ng hari na magbabayad ng lubusan ang may pakana ng kapangahasang ito, isinusumpa niya sa Panginoong Diablo.

“Tatawag ako ng dalawang katulong upang bantaya—!”

Naputol ang sinasabi ng hari ng sumabat ang reyna. “Ako... Gusto kong a-ako ang magbabantay sa bunso natin, mahal. Ikaw, magpahinga ka na muna sa ating silid. A-Alam kong kagagaling mo lamang sa malawakang pagpupulong,” sinisinok na wika ng reyna.

“Sige, mahal. Tahan na, buhay ang ating anak. Babalik ako mamaya kapag ako ay nakapagpahinga na,” nakangiting wika ng hari at hinalikan ang bunbunan ng reyna saka naglaho.

“Ughmm...” muling ungol ng Prinsesa Monami na ikinalingon ng reyna sa kaniya. Napangiti na lamang ang reyna sa kadahilanang kay payapa ng mukha ng anak, tila hindi ito dumama ng sakit kanina lamang.

𝗖𝗵𝗮𝗽𝘁𝗲𝗿 𝗢𝗻𝗲, 𝗲𝗻𝗱.

Reincarnated as an Element Powerless Princess (Volume 1) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon