Chapter 15

476 19 4
                                    

Terrence's Pov

Unti-unti kong minulat ang mga mata ko. Ramdam na ramdam ko pa rin ang pagod dahil sa pag-iyak. Hindi ko alam kung panaginip ba lahat ng mga nabalitaan ko at kung oo, sana may gumising sa akin, kahit na sino basta malaman ko lang na ligtas ang anak ko.

Bahagya kong iginalaw ang kamay ko at naramdaman kong may nakahawak dito. Tiningnan ko ito at nagulat nang makita si Calvin. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko habang nakasubsob ang mukha sa gilid ng kama. Mahimbing siyang natutulog.

Inilibot ko naman ang paningin ko sa kwarto at nakita ko namang natutulog ng nakaupo sina JL at Lou sa maliit na sofa. Napabuntong hininga ako. Ibig sabihin ay totoo ang lahat ng iyon. Totoong wala na ang anak ko. 

Pero, mas lalong hindi ako makapaniwala sa mga ikinilos ni Vin bago ako mawalan ng malay at nung magkaroon na ako ng malay. Totoo ba lahat ng iyon? Hanggang ngayon ay naguguluhan pa ako kung bakit napakahigpit ng hawak niya sa kamay ko.

Pinakatitigan ko lamang siya habang natutulog. Napaka kalmado ng kaniyang mukha, ang pagtaas- baba ng balikat niya ay kitang-kita ko rin. Bahagya kong hinawakan ang malambot niyang buhok. Kahit papaano ay napapakalma ako ng maamo niyang mukha.

~May nag-iba. Hindi ko mahita pero sigurado akong may nagbago sa mga mata niya.~

Pinaglaruan ko lang ang buhok niya. Mayamaya ay naisip kong mahiga ng patagilid, paharap sa kanya. Magkatapat na ang mukha namin ngayon. Mas malapit na sa isa't isa. 

~Tama ba lahat ng naalala ko? Calvin, nakikita mo na ba ako ngayon?~

Tumigil na ako sa paglalaro sa buhok niya. Mga kalahating oras na ang lumipas at hindi pa rin ako nagsasawang titigan siya. Mayamaya pa ay unti- unti na rin siyang nagmulat. 

Nagtama agad ang paningin naming dalawa. Hindi pa rin ako kumikibo at ganun din siya. 

~Kakaiba. Kakaiba ang emosyong ipinapakita ng mga mata mo ngayon.~

Parang may kung anong bituin ang pumasok sa mga mata ni Calvin, hindi ko alam pero ngayon ko pa lang ito nakitang magningning ng ganito. Wala naman siyang ibang tinitingnan kundi ako lang.

~Dahil ba sa akin? Ako ba ang dahilan ng mga ningning na iyan?~

Walang nagsasalita sa aming dalawa pero sobrang komportable sa pakiramdam. Tahimik at nakatingin lang sa isa't isa. Ramdam namin pareho ang hininga ng bawat isa dahil nga sobrang lapit namin.

Nataranta lang ako nung bigla siyang magsimulang lumapit. Napapikit naman ako nung dampian niya ng halik ang noo ko. Akala ko ay iyon lang ang gagawin niya pero hinalikan din niya ang ilong ko at agad na nanlaki ang mata ko nung halikan niya ang mga labi ko.

Agad akong napapikit nang magsimula siyang gumalaw. Mabagal at puno ng pasensya, puro at mararamdaman mo ang... ang... pagmamahal sa paraan ng paghalik niya.

~Si Calvin ba talaga ito? Baka naman nananaginip lang ako~

Hinawakan niya ang pisngi ko habang patuloy pa rin sa paghalik sa akin. Hindi nagtagal ay tinutugunan ko na ang mga ito.Naghiwalay lang ang mga labi namin nung mauubusan na kami ng hininga.

Pinagdikit niya ang mga noo namin. Pareho kaming hinihingal. Nagulat ako ng sumiksik siya sa leeg ko at doon isinubsob ang mukha. Hindi ko inaasahan ang mga salitang lumabas sa bibig niya pagkatapos.

"Terrence, I'm very very sorry for all the things I've done. Please, give me second chance to make it up to you. Give me a chance to prove myself again to you. Let's start over again, please." hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko.

WHEN WILL IT BE ME?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon