Prologue

"RAID! RAID!"

Nagpulasan ang lahat nang marinig ang sigaw na iyon. Maagap na hinamig ni Martin ang perang nasa harapan nito. Tila napako sa kinatatayuan si Claudio. Sa tabi niya ay isa pang mesa at naroroon pa ang mga perang pangtaya. Doon nagtagal ang kanyang mga mata. Napalunok siya.

"Claudio, kunin mo ang pera!" sigaw sa kanya ng tiyo. Tumatakbo na ito palabas ng pasugalan.

May narinig siyang putok ng baril. Parang doon siya higit na nagising. Isang sulyap pa sa pera at nagdesisyon siya. Sinamsam niya iyon at nagtatakbo papunta sa direksyong tinungo ng kanyang tiyo. Kabisado nila ang pasikot-sikot sa squatter's area. Nang maulila siya sa ina at kupkupin ng kanyang tiyo, iyon na ang naging mundo niya.

"Gago ka, muntik ka pang magpahuli!" sabi sa kanya ng kanyang tiyo. Buhat sa pinagkukublihan nitong malaking drum ay hinila siya nito. "Ano, kinuha mo ba ang pera?"

Ipinakita niya ang T-shirt kung saan isinahod niya ang pera. Gahamang dinaklot iyon ng kanyang tiyo at ipinamulsa. Namimintog na ang bulsa nito sa dami ng perang sinamantala nitong kunin habang nagkakagulo ang mga tao.

"Tiyong, pahingi namang pangkain." Nakamata siya sa mga dadaaaning isinusuksok nito sa magkabilang bulsa. Siguro ay ilang libo rin iyon dahil mas marami ang namataan niyang dadaanin kesa tig-singkuwenta pesos at beinte. Tila malalaglag na rin ang kupas na maong nito. Ultimo baryang naiwan sa mesa ay pinamulsa nito at hindi pinatawad.

Binigyan siya nito ng barya. "O, bumili ka ng lugaw kay Aling Huling."

"Tiyong, bakit barya lang? Ako naman ang kumuha ng mga iyan, ah? Dagdagan mo. Hindi pa ako nag-aalmusal," protesta niya.

Tiningnan siya nito saka napapailing na kumuha ng isandaang piso. "O, magpakabusog ka. Dose ka pa lang pero hindi ka na magugulangan. Kungsabagay, kanino ka pa magmamana kundi sa akin?" nakangising sabi nito. "Galingan mo ang pagdiskarte sa buhay. Makipag-cara y cruz ka sa Muelle. Kailangang manalo ka. Hindi baleng mandaya ka kesa ikaw ang dayain nila. O, pangtaya mo. Paramihin mo iyan, ha?" at dinagdagan pa nito ng singkuwenta pesos ang pera niya.

Hindi na siya nagpasalamat. Pagkahablot niya ng pera ay tumalikod na siya.

"Aling Huling, pa-order nga ako ng dalawang pinggang kanin saka nilagang baka."

"May pambayad ka ba? Baka mamaya utang na naman," asik sa kanya ng may-ari ng carinderia.

Inabot niya dito ang singkluwenta pesos. "Sobra pa iyan, 'no?" Alam niyang may sukli pa siya. Tatlong piso lang ang isang pinggang kanin at kinse pesos ang ulam.

Mabilis siyang binigyan nito ng kanin at ulam. Hinintay niyang suklian siya bago niya dinala sa mesa ang pagkain. Nagpakabusog siya habang sa paligid niya ay usap-usapan ang ginawang raid sa pasugalan ni Mang Lope.

"Kumukunat na naman si Mang Lope. Malamang niyan, hindi siya naglagay sa mga pulis at barangay kaya na-raid ang pasugalan. Ilang araw na naman akong madi-diyeta," anang isang lalaki. Kilala niya iyon, palaging kalaban ng tiyo niya sa madyong at tong-its, palagi rin namang talo.

"Hoy, bata, nandiyan ka pala," pansin sa kanya ng isa pang sugarol. "Ang laki ng perang naiwan sa mesa, hindi kukulangin sa limang libo. Umihi lang ako at pabalik na sana sa mesa nang may sumigaw ng raid. Nasa pasugalan ka kaning may raid, di ba? Sino ang natira doon?"

"Ewan ko," pabalang na sagot niya.

"Baka kinuha ninyo ni Martin?" tukoy nito sa tiyo niya. "Palos iyon pagdating sa pera. Nasaan si Martin?"

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon