7

1.1K 73 5
                                    

HINDI malaman ni Claudio kung ano ang mararamdaman nang malaman ang nilalaman ng testamento. Nakasaad doon na ipapamana sa kanya ang bahay at bakurang kinatitirikan ng mansyon nito at ganoon na rin ang tatlong ektaryang lupa na nasasakop ang burol at batis.

Sa pagkakaalam niya ay mahigit limampung taon na ang mansyon. Alaga lamang iyon sa mantini kaya naman nananatiling maayos at matibay. Ang kuwento noon sa kanya ni Carling ay doon na ito ipinanganak. Sa lolo pa nito ang bahay na iyon. Maging si Celine na kaisa-isang anak nito ay doon din ipinanganak.

Hindi lamang iyon, palibhasa ay matandang bahay ay maraming mga nakaukit nang alaala ang bahay na iyon. Saksi iyon sa buhay-pulitika ng lolo at ama ni Carling na matagal na naging mayor sa San Ramon. Hindi nga lang ginusto ni Carling na sundan ang yapak ng dalawa kaya nawala sa angkan nito ang kontrol ng pulitika sa kanilang bayan.

At kung maraming taglay na alaala ang mansyon, sa palagay niya ay mas marami namang personal na alaala ni Carling ang binabanggit na tatlong ektaryang lupa. Iyon ang unang pundar nito, ayon na rin sa naririnig niyang madalas na kuwentuhan nito noon at ni Fernando.

Naging obsession ni Carling ang lupang si Fernando ang unang nagmamay-ari. Kinailangan ni Fernando na ibenta noon kay Carling ang lupa dahil kailangan ng mga ito ng pera upang ipambaon sa pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Nag-alok ng pera si Carling noon na ipapahiram na lamang sa kaibigan subalit maprinsipyo si Fernando. Pilit nitong ibinenta kay Carling ang lupa.

Tinanggap iyon ni Carling at dinagdagan pa ang bayad upang makatulong sa kaibigan. Pinagyaman ni Carling ang lupa. At ang paborito niya sa lugar na iyon ay ang tabing batis. Ayon dito, doon nito napasagot ang kabiyak. Saksi pa ang puno ng sampalok sa pag-iibigang iyon.

At naniniwala naman si Claudio. Nakarating na siya sa lugar na iyon. Ang punong sampalok na sinasabi nito ay malapit sa batis. Nakaukit pa doon ang pangalan na Carling & Selina at pati na rin ang petsa kung kailan ito sinagot ng babae. And that was almost thirty years ago.

Dahil doon kaya naging obession ni Carling ang lupa. Sa batis na iyon naganap ang hindi mabilang na picnic lalo na nang lumitaw na si Celine sa buhay ng mga ito. Doon din daw nito tinuruan na lumangoy ang unica hija. At marami pang matatamis na alaala.

Nang magkasakit ng lupus si Selina, doon din nito madalas na dinadala ang asawa upang makalanghap ng sariwang hangin. Kahit nang mahina na ang babae ay hiniling pa nitong ipasyal doon. Sa tabi ng batis binawian ng hininga ang babae.

Kaya nang magbalik sa Pilipinas ang kanyang papa at gustong bilhin uli dito ang lupa ay hindi na nito nagawa. Ayaw pumayag ni Carling dahil sa mga dahilang iyon. At nanghihinayang man ang kanyang papa dahil iyon ang lupa na minana nito sa mga magulang ay wala nang nagawa pa. ayaw nitong masira ang pagkakaibigan ng mga ito dahil lamang sa lupang iyon.

Nang sabihin sa kanya ng abogado na may kondisyon ang mana ay hindi na siya nagtaka. Natural lang iyon dahil napakahalaga sa namayapa ang mga pag-aaring iyon. Pero hindi niya inaasahan ang kondisyon.

Ang pakasalan ang kaisa-isang anak nitong si Celine, his ex-girlfriend.

Hindi niya alam kung pagtatawanan niya si Tito Carling. Hindi kaya nito naiisip na labis na pabor iyon sa parte niya? Magkakaroon na siya ng ari-arian ay mapapasakanya pa ang babaeng pinapantasya ng maraming kalalakihan.

Celine was a beauty. Hindi lamang iyon. Matalino pa at mayaman. Perpektong kandidata si Celine para sa mga lalaking gold-digger. Ang totoo, noon pa man ay alam na niyang nobenta porsyento ng manliligaw nito ay ang pera nito ang hinahabol at hindi mismo si Celine.

Pero sa kaso niya, minahal niya ito. Sadya nga lamang na marami silang di-pinagkakasunduan. Mahirap ang relasyong aso't pusa kaya mas praktikal na maghiwalay na lang.

Binuksan ni Claudio ang isang sobre. Ayon sa abogado ay personal na sulat iyon ni Carlito Katigbak sa kanya. Kaya naman naghintay siyang makauwi muna bago iyon basahin.

Dio,

Malamang ay pinagtatawanan mo ako ngayon sa desisyon ko. Ang materyal na halaga pa lamang ng bahay at lupa ay isang kayamanan na sa panahong ito. At pagkatapos ay parang ibinibigay ko pa sa iyo ang kaisa-isa kong anak.

Ipinagkakatiwala ko sa iyo ang bahay at lupang minana ko pa sa aking mga ninuno at ganoon din ang kapirasong lupa na masyadong espesyal para sa akin at sa namayapa kong kabiyak. Noong mamatay si Fernando ay nagkaroon ako ng guilt na hindi ko naibalik sa kanya ang lupa sa kabila ng paghahangad niyang bilhin sa akin iyon. Sana ay naiintindihan ninyo ako. Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang mga lupa na iyan. At tiyak kong alam mo rin na lalong mahalaga sa akin ang aking anak.

Dio, kilala kita. Alam kong sa likod ng magaspang na kilos mo ay isang pusong marunong magmahal. Ipinagtapat sa akin ni Fernando na tunay kang anak ng matalik kong kaibigan. Isang bagay na ikinatuwa ko sapagkat inisip kong magpapatuloy ang pagkakaibigan naming dalawa sa pamamagitan mo at ni Celine. At alam kong mahihigitan pa iyon dahil hindi lang ang pagiging pagkakaibigan ang maaaring magbuklod sa inyo.

Malamang na iisipin mong minamanipula kita—kayo ni Celine sa kahilingan kong ito. Batid kong mahalaga kay Celine ang dalawang ari-ariang sa iyo ko ibinibigay. Ayaw man niya, alam kong mapipilitan siyang magpakasal sa iyo upang magkaroon siya ng karapatan sa bahay at lupa. Maaari mong ibalik sa kanya ang bahay at lupa, Dio. Iyon ay kung gusto mong ibalik sa kanya nang kusa. Pero ang lupa sa Hermosa ay tuwiran kong ibinabalik sa iyo dahil anak ka ni Fernando.

Kungsabagay ay patay na ako. Ano man ang maging desisyon mo sa mga ari-ariang ibinibigay ko sa iyo ay wala na akong magagawa pa. Ang tanging magagawa ko lang ay ang umasang igagalang mo at susundin ang aking hiling.

Sa lahat ng lalaking nakarelasyon ng anak ko, ikaw lamang ang tiyak kong tunay na magmamahal at mag-aalaga sa kanya. Ipinagkakatiwala ko siya sa iyo, Dio. Mahalin mo at ingatan ang anak ko. Maraming salamat.

At buong-buong nakapirma doon ang pangalan ni Tito Carling.


--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon