Napalunok si Claudio. Sa pangalawang pagkakataon ay hindi niya mawari ang kanyang nararamdaman. Kung kanina ay puwede pa niyang magawang tawanan lang ang nilalaman ng testamento ay hindi na ngayon. Sulat-kamay ni Tito Carling ang sulat. At damang-dama niya sa bawat salita nito ang labis na pagtitiwala nito sa kanya.
Kaya ba niyang ipagwalang-bahala iyon?
Napapikit siya at sinapo ang noo.
Subalit mayamaya lang ay ginambala siya ng pagtawag ni Marjorie. "Naghain na ako, Dio. Mag-merienda na tayo."
Napilitan siyang lumabas. Galing siya sa Maynila at nagulat si Marjorie sa biglang pagdating niya. Sinabi niya ditong dahil iyon sa testamento ni Carling. Hindi ito nagtanong ng detalye at sa halip ay dumiretso sa kusina. At gaya ng inaasahan niya, naghanda ito ng pagkain.
"Madilim ang mukha mo, Dio. May problema ba?" tanong nito sa kanya habang pinagsasaluhan nila ang mainit na pancit guisado at Coke.
Sinabi niya dito ang tungkol sa testamento. Pati ang kondisyon niyon.
"May girlfriend ka ba ngayon?" tanong ni Marjorie kapagkuwan.
"Marami," mabilis na sagot niya.
"Iyong seryoso?"
"Bakit ako magseseryoso sa isa? Ang sarap ng maraming girlfriend. Walang commitment."
"Iyan ang palasak na katwiran ng mga lalaking duwag."
"Mama, hindi ako duwag."
"Duwag ka. Ayaw mo ng commitment, puwes duwag ka."
"Mama—"
"Kung hindi ka duwag, di pakasalan mo si Celine," hamon nito.
"Just like that?" pabiglang sagot niya. "Ganoon lang ba kadaling gawin iyon? Ano na lang ang iisipin ni Celine? Na sinamantala ko ang nakasaad sa testamento ng kanyang papa?"
"Claudio, pabor na pabor sa iyo ang ginawa ni Carling."
"Kung mukha akong pera, susunggaban ko agad, Mama. Pero—"
"Dati na kayong may relasyon ni Celine, hindi ba?"
"That was almost a decade ago. She was only eighteen and I was twenty-one. Tatlong buwan lang ang itinagal ng relasyon namin."
"Tatlong buwan o kahit tatlong araw pa, nagkaroon pa rin kayo ng relasyon. At lubos kang kilala ni Carling kumpara sa iba pang lalaki na napaugnay sa anak niya. Malamang kaysa sa hindi na sa iyo lang may tiwala si Carling."
"Bull's eye, Ma. Iyan din ang sabi niya sa sulat. Ipinagkakatiwala niya sa akin si Celine."
"You should be honored."
"I am. But—"
"No more but's, hijo. Sundin mo ang nasa testamento. Kung matalik na magkaibigan sina Fernando at Carling, kami naman ni Selina at matalik na magkaibigan din. Sayang nga lang at maaga namatay si Selina. Hindi na ako nakatagpo ng mabuting kaibigang kagaya niya. Kung pakakasalan mo si Celine, halos magiging anak ko na rin siya." Ngumiti ito nang maluwang. "At sa kasal ninyo, ako ang bahala sa lahat. En grande para saan man naroroon sina Carling at Selina, pati na rin si Fernando ay makita nila nawa na marangyang kasal ang inihanda ko para sa iyo at kay Celine."
"Don't be too excited, Mama. Hindi lang ako ang ikakasal kung sakali. Hindi ko pa nakakausap si Celine."
"Hindi ba kayo nagkita?"
"Nagkita. At puro singhal ang inabot ko sa kanya."
Mahinang paghalakhak ang ginawa ni Marjorie. "After nine years, aso't pusa pa rin kayo?"
"She never grew up."
"Then make her grow up."
*****
"SIGURADO ka ba sa sinasabi mo, Attorney?" halos magsalubong ang kilay na sabi ni Celine nang marinig ang komento ng abogado matapos niyang ipakita ang testamento ng kanyang papa.
"Paano naging valid iyan?" sabad ni Carolina.
"Pirmado niya at notaryado," at sinabi pa nito ang ibang technicalities ng dokumento.
"Iyong nilalaman ang ibig kong sabihin," sabi uli ni Carolina. "Puwede bang sa iba niya ipamana ang bahay at lupa? Ancestral house iyon. Si Celine ang dapat na magmana niyon at hindi ang isang taong hindi naman niya kaanu-ano."
"Saka iyong lupa, dapat akin iyon," wika naman niya.
"Miss Katigbak, ang lupang sinasabi mo ay solong nakapangalan sa iyong papa, ganoon din ang bahay at lupa. Kung ang dalawang property ay nakapangalan pati sa mama mo, awtomatikong karapatan mong manahin ang kalahati ng mga iyon. Pero dahil sa papa mo lang nakapangalan, ang papa mo ang may karapatang magpasya kung kanino niya iyon iiwan."
"Dapat karapatan ko ring manahin iyon. Anak niya ako."
"Iniwan niya sa iyo ang lahat ng pag-aari niya maliban sa dalawang property na iyon. Hindi ka dehado sa iyong minana, Celine. Puwede kang magkontesta kung nadehado ka sa mana pero sa nakikita ko, wala pang ten percent ang halaga ng property na iyon sa kabuuan ng mga minana mo."
Hindi siya agad kumibo. Sa isip niya ay inisa-isa niya ang ibang property na iniwan sa kanya ng ama. Ang lupa at mansiyon sa Valle Verde ay minana niya. Meron ding isang condo unit sa Makati at isang cattle farm sa Batangas. Kung hahalagahan ang mga iyon ay malayo na sa halaga ng ipinamana ng kanyang papa kay Claudio.
Four million ang halaga ng ancestral house. At kung tama ang pagkakatanda niya sa isang appraiser na nag-alok na bilhin ang mga antique pieces na nasa loob niyon, aabot sa pitong milyong piso ang halaga ng mga kasangkapan. Nasa tatlong milyon naman ang halaga ng bakuran. Kung pagsasama-samahin niya ang market value ng minana ni Claudio, wala pa iyong twenty million kasali ang tatlong ektaryang lupa.
Bukod sa mga ari-arian ay mayroon pang mga sasakyang iniwan sa kanya ang kanyang papa. Mayroon ding pera sa bangko na nakatakdang isalin sa pangalan niya. Mga savings at time deposits na milyon-milyon ang halaga. She even inherited his father's breed cock. Sabi sa kanya ng tagapag-alaga nito, bawat sasabunging manok ay hindi bababa sa beinte mil ang halaga. At mahigit limampu ang mga iyon.
At siyempre pa, ang talagang pinagkunan ng kayamanan ni Carling ay sa kanya mapupunta. Ang sosyo nito sa iba't ibang negosyo, ang franchise ng Jollibee sa kabisera at ang beach resort sa Subic na hindi nawawalan ng ekskursyunista. Mayroon pa itong mga lupang binili ng malaking realty firm bago ito namatay upang i-develop na subdivision. Ang milyon-milyong halagang pinagbentahan niyon ay nasa bangko at isasalin sa pangalan niya.
Tama ang abogado, hindi siya dehado sa mana kung market value ang pag-uusapan. Pero paano na ang sentimental value? Nasa lupang nasasakop ang batis at bahay na kinalakhan niya ang lahat ng magagandang ala-ala.
"Kung walang iniwang testamento ang namayapa, awtomatikong sa iyo masasalin lahat ng kanyang naiwang ari-arian. Pero dahil may testamento siya, mayroong siyang karapatang pagkalooban ng mana ang ilang taong nais niyang bigyan," narinig na lang niyang sabi ng abogado.
"Ibig sabihin ay wala na kaming magagawa? Hindi na puwedeng maghabol ang pamangkin ko?" tanong ni Carolina.
"Puwede kayong maghabol sa korte. May karapatan ang kayong gawin iyon pero mas malamang na mabalewala ang gagawin ninyong pagkontesta. Hindi naman kasi kayo agrabyado sa paghahatian ng mana."
"Paano ang bahay at lupa? Kay Claudio na iyon mapupunta?" puno ng pagtutol na sabi niya.
"Bilang pagsunod sa hiling ng namatay, oo."
Nalaglag ang kanyang mga balikat.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - CLAUDIO
Romance"I guess, I have to make you fall in love with me again. Ako nang bahala dun. Just wait and see, okay? Basta magigising ka na lang, in love ka na sa akin." ***** "Hindi ba niya ibinilin sa iyo ni Papa na pakasalan ako?" tanong ni Celine. "What?!" r...