"HINDI ko makausap nang matino si Celine, Attorney. Ano ba ang huling habilin ni Tito Carling?" tanong ni Claudio sa abogado. Matapos siyang pakainin ng dalaga ng usok ng tambutso nito ay tinawagan na lang niya ang abogado.
"Hindi ko maaaring sabihin sa iyo sa telepono, Dio. Kung gusto mo ay pumunta ka na lang dito sa opisina ko para maibigay ko na rin sa iyo ang iyong kopya."
"Sige, Attorney, pupunta na ako diyan ngayon."
Sumakay nang muli si Claudio sa kanyang kotse. Patungo sa opisina ng abogado sa kabayanan ng San Ramon ay hindi niya maiwasang mag-isip. Wala siyang relasyon kay Carlito Katigbak maliban sa muntik na niya itong maging biyenan. Subalit malabong mangyari iyon. Hilaw na hilaw ang naging relasyon nila ni Celine siyam na taon na ang nakakalipas. Away-bati lamang ang nangyari sa kanila sa loob ng tatlong buwang relasyon hanggang sa tuluyan na silang magkahiwalay.
Imposibleng iyon ang dahilan ni Tito Carling kung bakit dapat na kasali siya sa mga babasahan ng testamento nito. Tinawagan siya ng abogado nito isang linggo pagkaraang mailibing ang matandang lalaki. At ikinagulat niyang talaga na sangkot siya sa huling habilin nito.
Kaibigang matalik ni Fernando Buencamino si Carling. Magkasundong-magkasundo ang dalawa lalo at sabong ang pag-uusapan. "Classmates" ang dalawa pagdating sa sabungan kahit may mga pagkakataong ang mga alaga nitong manok ang nagiging magkalaban.
Subalit hindi hadlang iyon sa pagkakaibigan ng dalawa. Balewala kung matalo man ang isa ng kahit na malaking halaga. "Pera lang iyan," madalas ay sabihin ng mga ito at pagkatapos ay magtatawanan pa. Walang pagtatalunan kahit na nga ba talunan ng halagang milyon ang isa.
Saksi siya sa matibay na pagkakaibigan ng dalawa. Hindi lamang sa sabong magkasundo ang mga ito. Madalas ay magkasosyo din sa mga negosyo. At dahil siya ay legal na inampon ni Fernando, bilang anak ni Fernando ay halos anak na rin ang turing ni Carling sa kanya. Mula't sapul ay Tito Carling na ang tawag niya dito.
Pero hindi niya makitang dahilan iyon para maalala siya nito sa huling habilin nito.
Bigla ay na-miss niya ang kanyang papa. Una nang namayapa si Fernando dalawang taon na ang nakakaraan.
Inatake ito sa puso habang nasa Araneta Coliseum sa isang derby. Masyado itong masaya dahil pagkatapos ng mahigpitang laban ay itinanghal na panalo ang manok nito. Limang milyong piso ang pinanalunan ni Fernando na naging sanhi rin ng kamatayan nito.
Nalungkot siya—sampung doble ng lungkot na naramdaman niya kesa nang mamatay ang kanyang ina.
Limang taon na siya sa pagkalinga ni Fernando nang pinagtapat ng lalaki na ito ang tunay niyang ama. Hindi siya makapaniwala noong una. At dahil sa labis na pagkabigla, hindi niya matukoy sa kanyang damdamin kung nagalit ba siya o natuwa.
Pinili niya ang huli. Binalikan niya ang ilang taong pagmamalasakit sa kanya ni Fernando. Itinuring nga siya nitong tunay na anak kaya hindi na siya dapat na magalit pa. Naisip niyang anuman ang pagkukulang nito sa kanya noon ay nabawi na nito noon pa lang kinuha siya nito sa ampunan.
"Pasensya ka na kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sa iyo ang totoo. Hindi ko magawang ipagtapat sa iyo kahit noon pa man ay alam ko na ang lahat, Dio. Pagkatapos ng mahigit sampung taon naming paninirahan sa Saudi ay umuwi na kami dito ng Tita Marjorie mo. Marami kaming naipon dahil pareho kaming nagtrabaho doon. Kaya lang ay hindi kami nagkaanak. Sagana kami sa materyal na bagay pero kulang kami sa bagay na iyon.
"Naalala ko ang nanay mo. Minahal ko rin naman siya kaya lang ay hindi ko siya magawang paasahin kaya sinabi ko na sa kanya na may-asawa na akong tao. Hinanap ko ang nanay mo. Gusto ko siyang kumustahin. Bigyan ng kaunting puhunan kung kailangan niya. Lagi niya kasing kinukuwento noon na nasasaktan din naman siya sa pag-alispusta ng tao sa trabaho niya. Gusto rin naman daw niyang magbago. Pero matagal na pala siyang patay, sabi ng matandang janitor na nakausap ko sa club na pinasukan niya dati. Nagulat pa ako nang sabihin sa akin ng janitor na nagkaroon ng anak si Luisa.
"Kinutuban ako pero ayaw kong umasa. Wala pang malinaw na resulta noon ang pagpapatingin namin ni Marjorie sa doktor kung sino sa amin ang may diprensya. Pero nagpasya akong hanapin ang naiwang anak ni Luisa. Hindi iyon madaling gawin, Dio. Maintindihan mo sanang lihim ang ginagawa kong paghahanap sa iyo.
"Nalaman kong nakulong ang kinakasama niya. Dinalaw ko si Martin. Nang magpakilala akong kaibigan dati ni Luisa, tumawa siya. Huwag na raw akong magkaila pa. Alam daw niyang ako ang ama mo, Claudio. Isang lumang litrato daw ang ipinakita sa kanya noon ni Luisa."
"Kilala ka pala ni Tiyo Martin?"
"Sa mukha lang. Hindi rin daw sinabi sa kanya ni Luisa ang pangalan ko. Ayaw raw ni Luisa na maging magulo pa ang buhay ko. Pero ibinilin ka sa akin ni Martin. Malabo na raw siyang makalabas pa sa bilangguan kaya ako na araw ang bahala sa iyo. At nang dadalawin ko siya uli, nalaman ko na lang na namatay na pala siya sa rambol."
"Kaya mo ako hinanap?"
Tumango ito. "Hindi na kailangan ibilin ka pa sa akin ni Martin. Noon pa lang nalaman kong anak kita ay sinabi ko na sa sarili kong lilingapin kita. Patawarin mo ako, Claudio. Kung nalaman ko lang na mas maaga ay hindi kita pababayaan. Susuportahan ko kayo ni Luisa."
Ikinuwento na rin nito kung paano nito kinumbinse ang asawa na mag-ampon ang mga ito. Hindi raw iyon madali pero ang importante ay napapayag nito ang babae. Masama pa rin daw ang loob ni Marjorie dahil sa frustration nito na hindi magkaanak kaya unawain na lang daw sana niya kung malayo ang loob nito sa kanya.
Nang mamatay si Fernando ay kinausap siya ni Marjorie. Ikinagulat niya nang sabihin nitong alam nitong tunay siyang anak ni Fernando. Hinanap nito sa kanya ang kanyang ina. Nang sabihin niyang matagal nang patay ay nakahinga ito nang maluwag.
"Hindi ako magkaroon ng lakas ng loob na itanong kay Fernando ang bagay na ito, Dio. Ako ang may diprensya sa aming dalawa kaya hindi kami nagkaanak. Ang totoo, masakit sa akin na makita ka. Noon pa man ay napansin ko nang malaki ang pagkakahawig ninyo ni Fernando. Maging sa boses ay halos magkaboses kayo. Mukha talaga kayong mag-ama subalit hindi ko binuksan kay Fernando ang paksang iyan. Natakot ako."
"G-Galit ka ba sa akin, M-mama?"
Umiling ito. "Noong una ay oo. Pero ano ang magagawa ko? Labis ang naging kaligayahan ni Fernando buhat nang kunin ka niya sa ampunan. Hindi ko magagawang agawin sa kanya ang kaligayahang iyon kaya tinanggap ko na lang na nagkaroon siya ng relasyon sa ibang babae at ikaw ang naging bunga. Matagal ring naging bangungot sa akin na baka nakikipagkita pa siya sa iyong ina. Iyon pala ay wala na ang mama mo."
"Sabi sa akin noon ni Inay, nakonsensya si Papa kaya nakipaghiwalay sa kanya. Ibig sabihin ay kayo ang higit na mahal ni Papa."
Malungkot itong napangiti. "Ang gusto ko na lang isipin ay ako pa rin ang pinili ni Fernando. Gusto ko na lang isipin na nangyaring nagkarelasyon ang asawa ko sa inay mo para lumitaw ka sa mundo at maging kumpleto ang pagkatao niya bilang isang ama. Hindi ko iyon kailanman maibibigay sa kanya kahit na ako ang pinakasalan niya."
"Patawarin ninyo na sana ang Inay ko kung naging kahati ninyo man siya kay papa."
"Tapos na iyon. Patay na siya at patay na rin si Fernando. Wala nang dahilan pa upang magkimkim ako ng galit. Tayong dalawa na lang ngayon, Dio. Hindi ba't magkapamilya na rin tayo?"
May bikig sa lalamunan na tumango siya. "Mula't sapul na makilala ko kayo ay isang ina na ang naging pagturing ko sa inyo."
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - CLAUDIO
Romance"I guess, I have to make you fall in love with me again. Ako nang bahala dun. Just wait and see, okay? Basta magigising ka na lang, in love ka na sa akin." ***** "Hindi ba niya ibinilin sa iyo ni Papa na pakasalan ako?" tanong ni Celine. "What?!" r...