19

1.2K 72 3
                                    

"ALING silid ba ang ookupahin ninyo ni Claudio?" tanong sa kanya ni Aling Fely. "Mas malaki ang silid ng papa mo."

General cleaning ang gagawin nila sa matandang bahay dahil napagkasunduan nila ni Dio na doon na sila tumuloy pagkatapos ng kanilang kasal. Inalok din naman siya ng binata na mangibang-bansa sila o magtungo sa magandang lugar sa Pilipinas bilang honeymoon subalit sinabi niyang mas gusto niyang doon na muna sila sa bahay na iyon—na pinagbigyan din naman agad nito.

"Doon na lang kami sa silid ko," sagot niya. "Ayaw ko munang ipagalaw ang silid niya. Gusto kong hayaan na lang muna ang silid na iyon para kahit sa mga gamit man lang ay parang nariyan pa rin siya."

"Nami-miss mo pa rin ang papa mo," wika nito.

"Siyempre naman. Kahit palagi kaming hindi nagkakasundo sa maraming bagay, mabait pa rin sa akin ang papa ko. Mahal na mahal niya ako." Hindi niya napigil na mabasag ang tinig.

"Magkakapamilya ka na. Tiyak na magiging mapagmahal ka ring magulang dahil pinalaki ka ng mga magulang mo sa pagmamahal. Huwag ka lang sanang magagalit sa sasabihin ko pero sana, huwag mong palakihin sa layaw ang mga anak mo. Iyon bang kagaya ng ginawa sa iyo ni Carolina."

Napangiti na lang siya. "Hayaan ninyo ho, magkatuwang naman kami ni Claudio sa pagpapamilyang ito. Maaga kasi akong nawalan ng ina kaya parang pagtatakip sa kawalang iyon ang pag-i-spoil nila sa akin noon."

"Nasaan nga pala si Claudio?"

"May meeting ho siya kay Attorney Balatbat pero pupunta din dito iyon. Tutulong din daw siya na maglinis."

"Mabuti at hindi lumaking barumbado ang taong iyon. Alam mo, karaniwan sa mga ampon, masasama ang ugali. Iyon bang daig pa ang tunay na kadugo kung umasta tapos pagdating naman sa pera, mas sakim pa. Sa tingin ko naman ay iba si Claudio."

"Mabuti ho ang pagpapalaki ni Tito Fernando sa kanya. Aling Fely, kung puwede lang ho ay huwag na nating ungkatin uli ang tungkol sa pagiging ampon niya. Hindi naman ho iyon mahalaga."

Tumango ang may-edad na babae, tila napahiya ang naging ekspresyon. "Pasensya ka na," mahinang sabi nito. "Siya, aakyat na muna ako at doon ako magsisimulang mag-agiw."

Naiwan siya sa maluwang na sala. Ang totoo ay malinis naman palagi ang bahay dahil alaga iyon sa mantini. Magpapalit lang sila ng malalaking kurtina at damit ng sofa pati mga mantel. Iginala niya ang tingin. Naisip niyang panahon na marahil na ipabago nang kaunti ang interior ng bahay para magkaroon naman ng modern look. Kokonsultahin niya si Claudio tungkol doon.

"Hello, Celine. It's good to see you again."

Bigla siyang napalingon. Tinig ni Diego iyon. "Mabuti at nagpakita ka. Kailangan nating mag-usap."

"Oo naman," sabi nito na lumapit sa kanya. "May atraso ka sa akin, sweetheart. Balita ko, ikakasal ka na pala. Paano naman ako?"

"Anong paano ka? Malabo na tayo noon pa. At ngayong nagkita na tayo uli, tinatapos ko na ang lahat sa atin."

"Paano kung ayaw ko?"

"Wala akong pakialam sa iyo. Bago ka pa nawalang parang bula, malabo na tayo. Namatay ang papa ko, ni hindi ka nagpakita. Ngayon ka lang nagpakita uli. Wala na tayo, Diego. Dapat alam mo na iyan noon pa."

"Kaya ako nawala, naghanap ako ng trabaho. Nahihiya ako sa iyo na ang laki ng mamanahin mo sa papa mo tapos wala man lang akong trabaho."

Tumaas ang kilay niya. "May nakita ka naman bang trabaho?"

"Wala nga, eh. Naisip ko, tutal maraming negosyo ang iniwan sa iyo ng papa mo, di ako na lang ang magma-manage. Tayo na lang ang magpakasal, Celine."

Sarkastiko siyang tumawa. "Ang kapal ng mukha mo, Diego. Na para bang mangyayari ang sinasabi mo. Ikakasal na ako sa iba. Ano man ang hinahabol mo sa akin ay wala na. Tapos na tayo kaya tanggapin mo na iyon."

"Celine, hindi puwede. Tayo ang talagang magkarelasyon."

"Noon iyon," sabad sa kanila ng dumating, si Claudio. Madilim ang mukha nito at tila susugurin si Diego.

Malalaki ang hakbang na lumapit si Celine dito. "Mabuti at dumating ka na."

Mabilis na pumulupot sa bewang niya ang braso ng binata, tila pagpapakita sa lalaking kaharap kung kanino na siya ngayon. Sumiksik din naman siya kay Dio.

Ilang beses na naglipat-lipat ang tingin ni Diego sa kanilang dalawa. Napatiim-bagang pa ito bago walang kibong humakbang. Nang lagpasan sila nito ay mabilis na pumihit si Claudio tangay siya.

"Sana ay maging malinaw na sa iyo ngayon na wala na kayong talaga ni Celine," matatag ang tinig na sabi ng binata.

Kumitid ang mga mata ni Diego. "Mahal ka ba niya? Ako ang mahal niya. Hindi ba, Celine? Marami lang tayong miscommunication pero mahal mo ako, di ba?" baling nito sa kanya.

Hindi siya agad na nakakibo. Ang higit na naramdaman niya ay ang biglang pagkawala ng puwersa ng yakap ni Claudio sa bewang niya.

"Umalis ka na nga, Diego," aniya mayamaya. "Nanggugulo ka pa dito, eh, ikakasal na nga kami. Wala na tayo. Tapos na tayo. Is that clear?"

"Hindi mo na ako mahal? Patay na patay ka sa akin dati, ah?"

"Wala na akong gusto sa iyo!" pasinghal na sagot niya. "Kaya umalis ka na, okay?"

"Narinig mo si Celine," ani Claudio. "Wala nang dahilan para magtagal ka pa rito," taboy pa nito.

Isang matalim na tingin ang ipinukol nito sa kanya bago ito tumalikod. Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Celine. Gusto niyang mahiya na ganoong klaseng lalaki ang pinag-ukulan niya noon ng damdamin. Kungsabagay, si Diego ay isa lamang sa mga lalaking naging boyfriends niya. Isang malaking pagkakamali na basta pakiramdam niya ay gusto niya ay sinasagot na niya.

Pero salamat na rin at tapos na ang mga panahong iyon. Ikakasal na siya ngayon kay Claudio. And Claudio was, after all, a prize catch. At mahal na niya ito uli.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon