"AKO NA lang kaya ang magmaneho, Dio?" sabi niya dito nang paalis na sila sa bahay nina Joaquin. Maraming nainom si Claudio at namumungay na ang mata. Minsan na ring bumuway ang hakbang nito.
"Huwag na, kaya ko naman. Tatlong oras lang naman ang biyahe mula dito hanggang San Ramon."
"Baka maaksidente tayo. Hindi ba't kabilin-bilinan ni Auntie na mag-iingat tayo? Malapit sa disgrasya ang ikakasal."
"Relax. Huwag kang mag-alala."
Pinaandar na nito ang kotse. Napakunot ang noo niya nang hindi ang pamilyar na kalsada ang tinugpa nila. Hindi naman siya kumibo. Hindi niya kabisado ang kalye sa Maynila. Sa tuwing magpupunta sila doon ay mayroon silang driver. Baka may ibang daang alam si Claudio para makaiwas sila sa mabigat na trapiko. Pero nang ipasok nito sa isang building ang kotse ay pumiyok na siya.
"Bakit dito?" tanong niya.
"Bukas na tayo uuwi. Dito ang condo unit ko."
"Magagalit si Auntie!" protesta niya.
"Text mo siya. O tawagan mo kaya. Sabihin mong hindi natapos ang nilalakad natin at may aayusin pa tayo bukas." Ipinarada nito ang kotse at inalalayan siya sa pagbaba.
Nagpatianod siya. Hawak pa siya sa kamay ni Dio habang patungo sila sa elevator. Class ang condominium. Mahahalata naman iyon kahit sa pasilyo pa lang. magandang klase rin ang elevator na nilulan nila. Silang dalawa lang ang sakay niyon. Nakita niyang diniinan ni Dio ang buton na may number 21.
"May 21 ang birthday ko kung hindi mo na alam. Sabi ko sa realtor, gusto ko sa 21st floor ako ikuha ng unit," sabi nito. "Wala lang," at tumawa ito.
Napailing siya. Nakainom na nga si Dio. Nang bumaba sila sa 21st floor ay kinawit siya nito sa bewang. Isang pinto lang ang nilagpasan nila at huminto na sila sa tapat ng isa pang pinto. Isinuksok ni Dio ang susi doon.
"Welcome to my bachelor's pad," anito nang itulak ang pinto. Nang pumasok ito ay hindi siya agad na nakasunod ng paghakbang. "What's wrong?"
"Dio, wala naman sa usapan natin na mag-o-overnight tayo dito. Ni wala akong baong pamalit na damit dito sa suot ko."
"Hindi problema iyan. May 24-hour laundry service dito sa building. Ipapa-laundry natin."
"Eh, iyong undies ko?"
Ngumiti ito nang pilyo. "Huwag ka nang mag-undies. Sikreto na lang natin iyon. Hindi ko naman ipagsasabi."
Lumabi siya. Napasunod na siya ng hakbang nang hilahin siya nito papasok.
"Feel at home, love," anito sa kanya.
Naupo siya. Nagulat pa siya nang bigla siyang lumubog sa sofa. Tubig ang nasa loob niyon at hindi kutson. "Ano ba naman ito," react niya.
Napatawa lang nang mahina si Dio. "Masarap nga diyan, eh. Madalas nga, diyan na ko nakakatulog. Mamaya mapapatunayan mong masarap talaga diyan." At kinindatan siya nito.
"Loko ka, dio. Huwag kang gagawa ng kalokohan," malabnaw na banta niya dito.
"Wala akong kalokohang naiisip. Masarap manapa. Sa kuwarto na muna ako. Puwede kang sumunod, hindi ako magagalit." At kumindat na naman ito sa kanya.
Napasunod siya ng tingin dito. At napakunot ng noo nang mapansin tila hindi naman lasing si Claudio. Bigla ay nagduda siya na baka naglalasing-lasingan lang ito kanina.
Iginala niya ang mga mata. Maluwang ang condo nito. At maaliwalas ding tingnan dahil minimalistic ang ambience. Ang lahat ng gamit na nakikita niya ay functional at hindi pang-display lang.
Inuga-uga niya ang sarili sa malambot na inuupuan. Ang sofa na iyon ang tanging masasabi niyang luho na sa lugar na iyon. Pero napasimangot niya nang maisip na "functional" din marahil kay Dio ang sofa.
Tumayo siya at sinipat ang kusina. Malinis din doon. Natuwa naman siya. Kahit hindi siya gumagawa ng gawaing-bahay dahil may inaasahan siyang katulong, gusto niyang malinis palagi ang paligid.
"Pasado ba ito sa panlasa mo?"
Impit siyang mapatili nang yakapin siya ni Dio buhat sa kanyang likuran. At ang mga labi niyang hindi pa niya naisasara ay lalong bumuka nang makita niyang nakatapis lang ito ng tuwalya sa bewang. Basa ang buhok nito at bahagyang malamig ang balat. Kagagaling lang ni Dio sa mabilisang shower.
"Bakit ka nakahubad?"
"Bakit naman hindi. Gusto ko," natatawang sagot nito.
"Magbihis ka nga."
"Bahay ko ito. Ganito ako dito, palakad-lakad ng nakahubad. Masarap sa pakiramdam. Presko. Magaan."
"Kahit may babae sa paligid?"
"Mas lalo na," mabilis na sagot nito. Hinawakan nito ang sugpungan ng tuwalya. "Tatanggalin ko na, ha? Sagabal, eh."
"Tumigil ka. Magbihis ka nga, Dio. Nakakailang ka." At tumalikod siya.
"Palagi ka na lang naiilang. Eh, hindi naman ito bago sa iyo. Saka ikakasal na tayo, maiilang ka pa rin. Bakit hindi ka kaya maghubad din? Para patas."
Isang napipikong paghinga ang ginawa niya.
"Mag-shower ka na para mapreskuhan ka. Tatawag ako sa laundry service para kunin iyang damit mo. O puwede rin na first thing in the morning tomorrow, bababa ako at ibibili kita ng damit. Great, that's a better idea. Ibibili na lang kita ng damit bukas."
Hinaplos niya ang braso. Medyo malagkit na nga ang pakiramdam niya dahil sa maghapong paglilibot. "Saan ba ang banyo? Saka ano ang isusuot ko?"
"Pumasok ka sa kuwarto. You'll see the bathroom. Iyong isusuot mo, huwag mong problemahin. Gayahin mo ako."
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
You can also vote and comment if you like.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - CLAUDIO
Romance"I guess, I have to make you fall in love with me again. Ako nang bahala dun. Just wait and see, okay? Basta magigising ka na lang, in love ka na sa akin." ***** "Hindi ba niya ibinilin sa iyo ni Papa na pakasalan ako?" tanong ni Celine. "What?!" r...