5

1.2K 67 0
                                    

Kung mayroon man siyang pinanghihinayangan ay ang maagang pagkamatay ni Fernando. Hindi nito nakita na naging malapit din sila ni Marjorie sa isa't isa.

Walang problema sa paghahatian nila ni Marjorie sa naiwang ari-arian ni Fernando. Malaki ang minana niyang kayamanan subalit higit na malaki ang kay Marjorie. Ang mga negosyo nitong ipinundar ay ipinasa ni Marjorie sa kanya ang pamamahala. Lalo siyang naging abala dahil bukod doon ay may mga negosyong nasimulan na niya sa sarili niyang pagsisikap.

Marami siyang negosyo. Maliit man o malaking negosyo ay pinapatulan niya basta alam niyang kikita siya. Kung tutuusin, isang malaking negosyo ang mga manok na idinispatsa niya noong mamatay ang kanyang papa. Mahigit isandaang ulo ng manok na panabong ang nasa bakuran ng mga Buencamino. Negosyo at bisyo kasi ni Fernando ang mga iyon. Subalit kinailangan niyang ibenta kay Tito Carling dahil sa hiling ni Marjorie. Masakit daw ditong makita ang mga manok dahil magpapaalala iyon lalo sa asawang namatay dahil din sa manok.

Lalo naman niyang na-miss ang ama nang maidispatsa ang mga manok. Naturuan siya nitong mag-alaga subalit dahil gusto niyang pagbigyan si Marjorie sa hiling nito ay hindi na siya nagprotesta pa kahit alam niyang hahanap-hanapin niya ang tilaok ng mga manok.

Hindi lang naman iyon ang pinagsamahan nila ng kanyang ama. Sa mahigit sampung taong nakalipas buhat nang kunin siya nito sa mapunan ay hindi na niya mabilang ang kabutihang ginawa nito sa kanya.

Pinag-aral siya ni Fernando sa matinong eskuwelahan. Basagulero siya noong umpisa. Hindi puwedeng api-apihin lang siya ng nagsisiga-sigaan sa eskuwelahan. Lalaban at lalaban siya lalo at inaagrabyado siya.

Palaging ipinapatawag sa eskuwelahan ang mga magulang niya. At si Fernando ang palaging dumadalo. Ito ang nakikipag-ayos sa principal at maging sa mga magulang ng mga estudyanteng natatamaan ng mga suntok niya. Hindi siya pinapagalitan ni Fernando sa kabila ng mga ganoong gulo. Sa halip, sa malumanay na salita ay pinapayuhan siya nito.

He didn't change overnight.

Hindi ganoon kadali iyon lalo at ikokonsidera ang lugar na kinalakhan niya sa slum area. Pero unti-unti ay umiwas siya sa basag-ulo. Itinutok niya ang atensyon sa pag-aaral ng leksyon upang mataas ang markang iuwi niya. At kapag nasa bahay, nakatanghod siya sa maraming tauhan na nag-aalaga ng manok.

Sa mga araw na walang pasok ay kasama siya palagi ni Fernando. Libangan/negosyo nito ang manok na panabong. Pero mayroon din itong iba pang negosyo. Isang building na may tatlong palapag ang pag-aari nito na nakapuwesto sa bayan. Paupahan ang mga puwesto na nang malaon ay siya na ang taga-singil. Mayroon din itong grocery. Isang pinagkakatiwalaang pamangkin ang nakaupo sa kaha niyon.

Si Marjorie ay nasa bahay lang. Mula't sapul na inampon siya ng mga ito ay nakita niyang mas naglalagi ito sa bahay. Hindi ito interesado sa anumang negosyo ni Fernando. Kung lumabas man ito ay kapag ipinapasyal lang ni Fernando o nagsa-shopping sa Maynila. Ang pagpunta nito sa mall ang tanging maituturing na social life nito. Ni wala siyang alam na kaibigan ng babae. Ang matalik daw nitong kaibigan ay patay na noon pa—ang asawa ni Carling.

Kay Fernando din siya natutong magkaroon ng interes sa negosyo. Mahilig itong sumosyo sa negosyo ng may negosyo. At matalino si Fernando. Alam nito kung malapit nang malugi ang isang negosyo at babawiin na nito ang sosyo. Ito rin ang naturo sa kanya ng mga technique sa paghawak ng isang negosyo.

Wala siya sa katayuan niya ngayon kundi dahil kay Fernando. At nang mamatay ito, si Tito Carling ang naging parang ama na niya. Naging malungkot din ito sa pagkawala ng matalik na kaibigan. Hindi ito makapaniwala dahil ito ang mas maysakit sa dalawa. Noon pa man ay malala na ang diabetes ni Carling at naaagapan lang ng mahusay na pag-aalaga at sustenteo ng gamot. Subalit nitong huli ay tuluyan na ring nagupo ng kumplikasyon sa diabetes ang katawan nito.

Nag-menor si Claudio nang malapit na sa opisina ng abogado. At pagpasok niya doon ay sinalubong siya agad nito.

"Dio, mabuti naman at dumating ka na." At dinala na siya nito sa private office nito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.


Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon