3

1.3K 73 8
                                    


"ISANG malaking kalokohan iyan, Attorney! Nagbibiro ka lang, hindi ba?" halos maghisterikal na sabi ni Celine.

"I'm so sorry, hija. Pirmado ng papa mo ang testamentong ito. Kahit saang korte mo ito ikontesta ay idedeklara nilang legal ito," sagot sa kanya ni Attorney Balatbat. Itiniklop na nito ang folder sa iniabot sa kanya. "Iyan ang kopya mo, hija. Meron pang kopya sa akin sa opisina. Pagdating ni Claudio ay ibibigay ko rin ang kanyang kopya."

Tumiim ang bagang niya. "Alam na ba ni Dio ang nilalaman ng testamento?"

Umiling ito. "Tinawagan ko siya para sana magkaharap na kayo kapag binasa ko ang nilalaman nito subalit nagpaumanhin siyang hindi makakarating. Hindi raw niya maaaring ipagpaliban ang isang mahalagang transaksyon."

Umingos siya. "I wonder what kind of transaction is that. Baka drug dealing." Ang huling pangungusap ay sinadya niyang bitiwan nang pabulong.

Tinapunan siya ng tingin ng abogado. Nasa ekspresyon nito na narinig din naman siya nito subalit wala itong salitang binitiwan.

"Aalis na ako, hija. Nasabi ko na sa iyo ang huling habilin ng iyong papa. Kung may mga nais ka pang itanong, tawagan mo na lang ako sa opisina ko."

Tumango lang siya at hindi tuminag sa kanyang kinauupuan. Sinundan niya ng tingin ang abogadong lumabas ng study. Nang ilapat nito ang pinto ay saka niya pinakawalan ang nararamdaman.

"You're so unfair, Papa!" buong ngitngit na sabi niya. Pinagbuntunan niya ang folder ng testamento at iyon ang pinaghahampas sa solidong narra na mesa. Subalit alam niyang punitin man niya iyon sa maliliit na piraso ay hindi na niya mababago pa ang nakasulat doon. Mayamaya ay kinalma niya ang sarili. Binuksan niya ang sobreng iniwan ng abogado kalakip ng kopya ng testamento. Personal na sulat daw iyon ng kanyang ama.


Celine, hija,

Patawarin mo ako sa ginawa kong ito, anak. Siguro ay naduwag akong sabihin ito sa iyo sa presonal kaya ginawa ko itong sulat. Alam kong masakit sa iyo na kay Claudio ko ipamana ang bahay at lupa, maging ang lupang malapit sa batis.

Si Claudio ay hindi na rin iba sa akin. Para ko na siyang tunay na anak bilang anak ng matalik kong kaibigang si Fernando kaya nararapat lamang na pamanahan ko din siya.

Ang lupa sa Hermosa ay si Fernando ang tunay na may-ari. Minana niya iyon sa kanyang mga magulang subalit ibinenta niya sa akin nang kailanganin niya. Ilang beses na tinangka niyang bilhin iyon sa akin subalit tumanggi ako. Marami tayong masasayang ala-ala sa lugar na iyon bilang pamilya. At kahit sa lugar na iyon nalagutan ng hininga ang iyong mama, para sa akin ay espesyal pa rin ang lugar na iyon.

Subalit nang mamatay si Fernando ay inusig din ako ng aking budhi sa pag-iinteres ko sa lupang sa kanya naman talaga. Kaya parang pagsosoli ko na lamang sa kanya sa pamamagitan ni Claudio na ipamana ko ang lupang iyon.

Maging ang matandang bahay ay sa kanya ko rin ibinibigay dahil iyon lamang ang naiisip kong puwede kong gawin upang sumunod ka sa aking hiling. Marry him, hija. Mapapanatag ang kalooban ko kung si Claudio ang pakakasalan mo.

Isusumbat mo siguro sa akin na isa itong manipulasyon. Aaminin kong manipulasyon nga ito sapagkat maraming bagay ang sinusuway mo sa akin at tiyak kong ang ganitong bagay ay tiyak na susuwayin mo rin kung basta ko lang hihilingin sa iyo. Pero hindi mo kayang mawala sa iyo ang bahay na iyon, hindi ba? At upang masunod ang gusto ko, ibinigay ko kay Claudio ang lupa at magpakasal ka sa kanya upang magkaroon ka ng karapatan sa bahay na iyon.

I'm so sorry for doing this, Celine. Pero naniniwala akong si Claudio ang bagay sa iyo at hindi ang kung sinumang lalaki. Huwag ka sanang magagalit sa akin, anak. Ginawa ko lang ito dahil iniisip ko ang kapakanan mo. I know Claudio will take care of you.

Goodbye, hija. Please remember that I always love you.

Papa


"Napaka-unfair mo talaga, papa!" At lalo na siyang napaiyak. Matagal bago siya tumahan. Sa huli ay tumayo siya at nagpasyang umalis.

Patungo siya sa kanyang kotse nang makita niya ang isang makintab na itim na BMW na papasok sa malawak na bakuran. Nanulis ang nguso ni Celine. Kay Claudio iyon. At wala namang ibang nakakagamit ng sasakyan ng herodes na iyon kundi ito lang mismo.

Binilisan niya ang paghakbang. Wala siyang balak na kausapin ito. Pero hindi pa man niya nabubuksan ang kanyang kotse ay huminto na ito sa tapat niya.

"Paalis ka? Si Attorney, wala na ba?" nakangiting tanong nito sa kanya, pero para sa kanya, ngisi iyon sa halip na ngiti.

"Kanina pa!" paasik na sagot niya dito. "Bakit ka naririto? Balita ko, hindi mo maaaring ipagpaliban ang isang mahalagang transaksyon?" patuya pang dagdag niya.

"Mahalaga rin ang pagbasa ng testamento ni Tito Carling." Bumaba na ito ng sasakyan at lumapit sa kanya. "Nagmamadali pa naman akong makaalis sa—"

"Mahalagang transaksyon?" insulto niya. "I'm sure, mahalaga rin sa iyo ang testamento ng papa. Naamoy mo sigurong pamamanahan ka niya." Kulang na lang ay asido ang lumabas sa bibig niya. Kumukulo ang dugo niya sa labis na pagngingitngit.

"Ano iyan?" At dumako ang tingin nito sa folder. "Iyan ba ang kopya ng testamento?"

Kinipkip niya iyon na tila ba aagawin ng binata. "Kopya ko ito. Kung gusto mong malaman ang nakasulat dito, pumunta ka kay Attorney Balatbat. Walang binatbat ang abogadong iyon. Ewan ko kung paanong naging legal ang mga habilin ni Papa. Makikipag-usap ako sa mas mahusay na abogado. Hindi ako makakapayag na basta na lang paniniwalaan ang testamentong ito." Pumihit na siya upang sumakay sa kanyang kotse.

"Relax," sabi ni Claudio na agad na pumigil sa mga braso niya.

Napalunok siya. Kagyat ang paggapang ng pamilyar na sensasyong sa kanyang katawan. Mabilis na itinikom niya ang mga labi. Hindi kailangang mahalata ni Claudio na malakas pa rin ang epekto nito sa kanya. Mabilis din siyang pumiksi.

"Ano ba? Don't touch me!" angil niya dito.

"Don't touch you?" sabi ni Dio na mabilis na kumunot ang noo. Isang tingin pa lang niya dito ay alam niyang napikon na rin ito. "Na para bang hindi pa kita nahawakan kahit kailan, Celine. Maraming beses ko na iyang ginawa noon. Hindi ko na nga mabilang."

"Noon pa iyon. Matagal na iyon!" halos tili niya. Alam na alam niyang mayroong ipinapaalala sa kanya si Claudio sa pangungusap nitong iyon. At ayaw na niyang balikan pa ang nakaraang iyon. Mabilis na siyang sumakay sa kotse at binuhay ang makina niyon.

Maagap naman kinatok ni Claudio ang kanyang windshield. "Wala ba tayong dapat na pag-usapan?"

"Ayokong makipag-usap sa iyo!" At pinaandar na niya ang sasakyan.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon