KUNG hindi lang ikinokonsidera ni Celine ang legwork sa gaganaping kasal ay hindi na siya kukuha pa ng wedding planner. Kay Trina pa lang ay marami na siyang napulot na idea. Naging excited lalo ito sa pakikipag-usap sa kanya nang malaman nitong magpapakasal na sila ni Claudio. Tila buhay na nito ang pakikipagsosyalan kaya tinalo siya sa dami ng alam. Kungsabagay, aminado naman siyang promdi kahit na nga ba sosyal din siyang matatawag. Higit na malaki ang sirkulong ginagalawan ni Trina kumpara sa kanya.
Instant best friends sila agad ni Trina. Inaya siya nito sa Glorietta nang sabihin ni Claudio na mayroon itong business partner na kailangang kausapin. Sabi ni Trina, wala silang papel sa business meeting na iyon kaya sa Glorietta na lang sila. May sariling pera si Celine pero isang debit card ang agad na ibinigay sa kanya ni Claudio.
"Iyan ang gamitin mo kapag may gusto kang bilhin," sabi nito sa kanya.
"Baka sumagad sa limit ito," tudyo niya.
"There's no need to worry. Sky's the limit iyan," nakangiti pang sabi nito. At bago sila naghiwalay ay hinagkan pa siya nito. Sumakay siya sa kotseni Trina.
"Kakatuwa kayong tingnan, in love na in love kayo sa isa't isa," ani Trina. Magkatabi sila sa back seat sapagkat may personal driver ang babae.
"Kami, in love?" pabiglang sabi niya.
"Bakit, hindi ba?" tanong naman nito agad.
Hindi siya agad nakasagot.
"I'm curious," sabi uli ni Trina. "May iba bang dahilan ang pagpapakasal ninyo?"
Sandali siyang nag-isip kung sasabihin kay Trina ang totoo. Ngayon lang niya nakilala ang babae pero malakas ang kutob niyang magiging mabuti silang magkaibigan. Pahapyaw niyang binanggit ang tungkol sa paghahabol niya sa manang kay Claudio napunta.
"Ganu'n?" react ni Trina mayamaya. "Parang script iyan, ah? Meron pa palang ganyan ngayon?"
"Totoo ang kuwento ko, Trina," aniya.
"I believe you naman, pero alam mo, mas naniniwala akong in love kayo ni Dio sa isa't isa."
Natawa na lang siya. "Dati kaming mag-on. Pero matagal na iyon. Kaya kami magpapakasal ngayon ay dahil nga sa bahay at lupang hinahabol ko."
"Uh, wow! An old flame rekindled," kinikilig na wika nito. "Hindi ako manghuhula pero malakas ang kutob ko na in love kayo sa isa't isa." Inabot nito ang kanyang kamay. "Look at your ring. Ang taray ng bato. Bigay ba iyan ni Dio?"
"Engagement ring ko."
"He must really love you. Kuripot ang lokong iyon kahit mayaman na. Ang dami niyang naging girlfriend pero puro Russian diamonds ang inireregalo."
Natawa siya. "Kilala mo ang mga babae niya?"
"Iyong iba, oo. Huwag mong isipin ang mga iyon. Mga fling lang iyon."
"Wala siyang seryosong girlfriend?"
"Wala akong maisip. Si Arianne na ang pinaka-clinging vine sa lahat pero sa tingin ko ay hindi rin naman seryoso si Dio sa kanya. She's just one of those."
Arianne. Mabilis tumimo sa isip niya ang pangalang iyon.
Inilibre siya ni Trina ng lunch sa Red Crab. At habang kumakain ay ang tungkol sa kanilang kasal ang paksa nila.
"Kaibigan ko si Randy Ortiz. Sa kanya ka magpagawa ng gown, hindi ka magsisisi. Magaling siya. Sulit ang halagang ibabayad mo."
"Baka mahal?"
Tumawa si Trina. "Oo, mahal talaga. Huwag mong isipin ang presyo, si Claudio ang bahalang sumakit ang ulo doon. Tayong mga bride, taga-dikta lang tayo ng mga gusto natin sa kasal natin. Ang groom ang bahalang magbayad. After this, ano ang gusto mo, shopping o puntahan na natin iyong kilala kong wedding planner?"
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - CLAUDIO
Romance"I guess, I have to make you fall in love with me again. Ako nang bahala dun. Just wait and see, okay? Basta magigising ka na lang, in love ka na sa akin." ***** "Hindi ba niya ibinilin sa iyo ni Papa na pakasalan ako?" tanong ni Celine. "What?!" r...