2

1.6K 78 5
                                    



"ANG NANAY ko, prosti. Hindi ko kilala kung sino ang tatay ko. Kapag tinatanong ko ang nanay ko, ayaw niyang sabihin kung ano ang pangalan ng tatay ko. May-asawa na daw iyon kaya mabuti pang manahimik na lang kami. Hindi ko na raw kailangang malaman pa.

"Naging customer niya ang tatay ko. Minahal daw niya kaya hindi siya sumasama ibang lalaki na lumabas ng club, hanggang table lang para may kita rin maski paano. Akala daw niya ay binata ang tatay ko kaya umasa siyang dito niya matatagpuan ang lalaking seseryosohin siya kahi ganoon lang ang trabaho niya. Kaso lang, nakonsensya daw siguro ang tatay ko kaya ipinagtapat na may-asawa na ito at magpapakatino na raw kaya nakipaghiwalay na sa nanay ko."

Tiningnan ni Claudio ang tatlong batang lalaking nakikinig sa kanya. Walang nagre-react isa man sa mga ito. Titig na titig lang sa kanya at interesado sa pakikinig.

"Hiwalay na sila ng nanay ko nang malaman ng nanay ko na buntis siya," patuloy niya. "Wala nga daw sana siyang balak magkaanak kaya lang nangyari nang ipinagbuntis niya ako. Hindi naman daw niya kayang ipalaglag ako. Wala siyang hilig mag-alaga ng bata kaya ayun, maaga akong natutong mag-isa. Ang nanay ko, hapon pa lang, aalis na para daw makarami ng pasada. Kung umuwi, madaling-araw o kaya umaga na. Matutulog lang. Kapag nagising, aalis na naman.

"Minsan, ilang araw nawawala, isinama daw siya ng customer niya. Maganda kasi kapag foreigner ang customer niya. Kapag sinusuwerte, isinasama siya sa pamamasyal. Noon pa nga, dalawang linggo siyang wala. Nagpunta daw sila sa isang isla sa Zambales.

"Naiiwan ako sa Tiyo Martin ko. Si Tiyong ang nag-aasikaso sa akin kapag wala siya. Dati nga nagtanong pa ako kung bakit pumapayag siya na ang trabaho ni Nanay, pagsama sa kung sino-sinong lalaki. Ganoon daw talaga. Walang pinag-aralan kaya ganoon ang nagiging trabaho. Doon daw kasi mabilis ang pera. Bata pa ako, alam ko na ang ibig sabihin ng prosti. Sa lugar namin, hindi lang naman si Nanay ang ganoon. Naririnig ko pa nga ang iba kapag nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga customer nila. Parang balewala lang kung iba-ibang lalaki ang kasama nila gabi-gabi.

"Sampung taon ako nang mamatay si Nanay. Pinagselosan siya ng asawa ng isang customer niya, inaway siya sa club na pinapasukan niya. Sabi nila, nagsabunutan daw. Tapos, nadulas ang nanay ko, tumama sa kanto ng mesa ang ulo. May namuo daw dugo sa utak. Pagkatapos ng dalawang araw sa ospital, namatay siya."

Nakatitig pa rin sa kanya ang mga bagong kakilala niya. Iyon din ang mga kasama niya sa kuwartong iyon sa La Casa. Kanina, sa pagtatanim ng petsay niya unang nakilala sina Nathaniel, Hector at Pedro. Hindi niya pinapansin ng mga ito kahit kinakausap siya. Hindi rin siya tumutulong.

Kumilos lang siya nang mag-inspeksyon sa kanila si Miss Vergel. Nakita niya kung paano binatukan ni Miss Vergel ang isang ulila na nahuling walang ginagawa. Mabuti na lang at mabilis siyang kumilos. Kunwari ay kanina pa siya nagtatanim, sinadya niyang mapuno ng lupa ang kamay niya.

Wala siyang balak makipagkaibigan kahit kanino. Ang nasa isip niya ay kung paano tatakas sa lugar na iyon. At narinig niya sa kuwentuhan ng tatlo ang tungkol sa lumang kubeta na pinagkukulungan sa mga ito. Sina Nate at Hector ang madalas na makulong doon. Adik daw kasi sa komisk si Nate, at palaging nadadamay si Hectr dahil magkasama palagi ang mga ito.

Sabi ni Claudio sa sarili niya, hinding-hindi siya papayag na makulong siya sa lugar na iyon.

Nang dumating ang hapunan, ang inaakala niyang sagana sa pagkain ay hindi pala. Masahol pa sa buhay niya sa slum area. At least, kay Tiyo Martin, hihirit lang siya at kakain na siya hangga't mabundat siya. Pero sa ampunang iyon, tasado ang pagkain. Gutom pa siya pero hindi na puwedeng humingi dahil hindi rin naman pala bibigyan.

Nang matutulog na, siya lang ang walang sapin. Ang unan na ibinigay sa kanya ng isang tauhan ni Miss Vergel ay walang punda, maangot pa. Hindi niya malaman kung tuyong laway o panghi ang nakakapit na amoy doon.

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon