10

1.1K 81 11
                                    

NAPASINGHAP muli si Celine nang makitang gising na pala ito. Bahagya pang mapungay ang mata subalit ang maluwang na pagkakangiti ay gising na gising na. Nang kumilos si Claudio ay parang may pumitik sa binti niya upang mapakislot siya.

"Sandali. Huwag kang kikilos! Nakahubad ka. Magtakip ka man lang!" panic niya.

Tumawa si Claudio at lalong naging mabilis ang pagkilos nito. Balewalang bumangon ito. Balewala ring humakbang palapit sa kanya.

"There's no need to panic, Celine. Wala namang sunog, ah?"

"Nakahubo ka!" Mariin siyang pumikit. Pero bago iyon ay dumako rin naman ang kanyang mata sa bahagi ng katawan nito na pinagsusugpuan ng magkabilang hita. At lalong higit na lalaking-lalaki ito sa bahaging iyon! Gising na gising. Parang lulusob sa laban.

"And so?" Huminto ito sa paglapit ng isang hakbang na lamang ang pagitan nila.

"Gusto kitang makausap nang matino. Magbihis ka," sabi niya habang nananatiling nakapikit.

"Puwede akong makipag-usap nang matino kahit nakaganito lang ako," tila nanunudyo namang sagot ni Dio.

"Claudio, utang-na-loob," aniyang nakapikit pa rin.

"Utang-na-loob na ano?" tukso pa rin nito. Dumukwang ito sa kanya at eksaheradong nilukot ang ilong. "Dumilat ka nga. Bakit ganyan ang amoy mo?"

"Wala kang pakialam sa kung ano ang amoy ko. Hindi ako nagpunta rito para ipaliwanag sa iyo kung bakit ganito ang amoy ko."

"So, bakit ka nagpunta dito?"

"Puwede ba, Dio, magbihis ka muna? Nakikipag-usap ka sa akin ng nakahubo!"

"Eh, ano naman? Nakita mo na ito dati, ah? Hindi mo ba na-miss man lang?" at ang herodes, nag-pose pa sa harapan niya ala macho dancer.

She made face. Kunwari ay nandidiri siya pero ang totoo, nakatutok naman ang tingin niya sa hubad na katawan nito. He was indeed more gorgeous now than nine years ago.

Pero hindi iyon ang dapat na pagtuunan niya ng pansin kundi ang talagang pakay niya doon.

"Babawiin ko ang ipinamana sa iyo ng papa ko."

"Ano ko, bale? Ipinamana sa akin iyon, basta ko na lang ipababawi sa iyo?" mabilis na sagot ni Dio.

"Ako ang may karapatan doon. Lupa ng papa ko iyon. Bahay at lupa iyon ng mga ninuno ko. Dapat ako ang magmana nu'n!"

"Sorry ka na lang, sa akin ipinamana ng papa mo."

"Maghahabol ako sa korte."

"Di, maghabol ka. Dapat sa korte ka nagpunta at hindi dito."

Napahumindig siya. "Kaya nga ba ayaw kong makipag-usap sa iyo, eh. Wala kang kuwentang kausap!" pikon na pikon siya. "Bakit hindi mo na lang ibigay sa akin ang dalawang property na iyon? Ako naman ang may karapatan doon?"

"Eh, kung multuhin naman ako ni Tito Carling? Sa akin niya ipinamana iyon tapos ibibigay ko lang sa iyo?"

"Anak naman niya ako."

"Baka nakalimutan niyang anak ka niya kaya sa akin ibinigay," nang-aasar na sagot nito.

"Wala ka talagang kuwentang kausap!"

"Wala palang kuwenta, eh, bakit nakikipag-usap ka pa?"

"Please naman, Dio," mangiyak-ngiyak na sabi niya. "Sa akin naman dapat iyon, eh. Ibalik mo na sa akin."

"Kung sa iyo iyon, di, sana sa iyo ibinigay. Hindi sa iyo iniwan kaya hindi sa iyo iyon," pangiti-ngiting wika nito, tila naaaliw sa usapang iyon.

Pumadyak siya. "Pinag-iinteresan mo, eh, hindi naman sa iyo!"

"Para kang bata, Celine. Twenty-seven ka na, umaasta ka pa ring parang bata," seryosong sabi nito.

Nanulis ang nguso niya. Malakas ang pakiramdam niyang walang patutunguhan ang usapang iyon.

"Pumunta ka rito para lang bawiin sa akin ang ipinamana sa akin?" tanong ni Claudio mayamaya.

"Bakit hindi? Akin naman dapat iyon," masamang-masama ang loob na sabi niya.

"Di, sana, nag-ayos ka. Ang baho-baho mo tapos makikipag-usap ka sa akin. Amoy-anghit ka."

Kung nagkataong hindi niya sinadya na maging ganoon ang amoy niya ay tiyak na maiinsulto siya. "Depressed ako. Hindi ako naliligo kapag depressed ako," proud na sagot niya.

Tumaas ang isang sulok ng labi ni Dio. "Maniwala ako sa iyo."

Napatili siya nang bigla na lang itaas ni Claudio ang kamay niya. Ibinaon nito ang ilong sa kili-kili niya.

"Dio, ano ka ba?" protesta niya habang pilit na binabawi ang kamay.

"Mabango naman, ah? Kagaya pa rin ng amoy na natatandaan ko. Amoy-malinis," sabi nito. Ibinaba na nito ang kamay niya subalit nananatili pa ring hawak nito iyon. Sininghot-singhot siya nito. 

Parang gusto niyang panawan ng ulirat. Sinisimsim siya nito habang bale-wala ditong hubo't hubad ito!

"Sa buhok mo galing ang amoy!" sandaling kumunot ang noo nito. Hinaplos ang buhok niya at inamoy. "Basa. Amoy-sabila! Anong gimik iyan, Celine?"

Pumiksi siya. "Wala bang ibang inihabilin sa iyo ang papa?"

"What do you mean?"

"Hindi ba niya ibinilin sa iyo na pakasalan ako?"

"What?!" react ni Claudio na parang nabilaukan.

"Insulto na iyan, Dio!" hindi nakatiis na sabi niya. "Kung hindi ko pa alam na niligawan mo ako dati. Nagkagusto ka rin naman sa akin."

"Correction. I fell in love with you. Pero lilinawin ko lang, past tense na iyon, okay? We broke up. Madami ka nang ipinalit sa akin. Madami na rin akong ipinalit sa iyo."

Napatiim siya ng bagang. "W-walang ibinilin sa iyo ang papa ko na pakasalan ako?" tanong na lang niya uli.

"Bakit naman niya gagawin iyon?" kaswal na tanong ng binata.

"Kapag nagpakasal ako sa iyo, magiging akin na rin ang dalawang property na iyon. Gusto ni Papa na magpakasal ako sa iyo."

"Talaga? Wow! Ang laki ng tiwala sa akin ni Tito Carling. Magpapakasal ka ba naman sa akin?"

"Kung magpapakasal ako sa iyo, palagi akong made-depressed. Magpapahid ako palagi ng sabila sa buong katawan ko. Hindi ka rin makakatagal na may asawa kang mabaho."

"Madali lang iyon. Tatanggalin ko ang sabila sa buong paligid," ngisi nito.

"Dio, please, ibalik mo na lang sa akin ang bahay at lupa." She hated it pero para na siyang nagmamakaawa.

"Pag-iisipan ko."

"Dio—"

"Umalis ka na, Celine," taboy nito sa kanya sa seryosong tinig.

"Pero—"

"Get out. Ano ka ba naman, Celine. Hindi ka ba nakakahalata? Kanina pa tayo nag-uusap pero napansin mo bang nanlambot ito?" sabay turo nito sa harapan. "Siguro na-miss ka kaya nagpapakitang-gilas. You better get out now maliban na lang na gusto mong magkaroon kayo ng instant reunion."

Napanganga siya. At dali-daling lumabas ng silid.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon