Chapter 13

23 5 1
                                    

Gremlin Ainsworth. Siya ang henyong alchemist ng unang henerasyon. Ang bayaning may nakakatakot na mukha. Kinatakutan at pinandirihan siya at ang angkan nila ngunit hindi iyon naging hadlang upang maging bayani.

Rumerehistro sa mga mata ni Silver ang seryosong mukha ng isang Gremlin Ainsworth. Sa isipan niya ay hindi niya makakalimutan ang pagkakataong iyon na makaharap ang kinikilalang Genius Alchemist ng unang henerasyon. Wala siyang nagawa, kundi ang makipagsabayan sa kan'ya. Kaya't ipinakita rin niya ang kan'yang halo. Nagliwanag ang pulang sirkulo na siyang bumalot sa kan'yang buong katawan. Lumakas ang hangin at pakiramdam ng dalawa ay umuuga ang tulay dahil sa dalawang pwersa na nagsasalpukan. Ngunit nang maipon na nila ang tamang lakas na kailangan nila ay dagliang kumalma ang halos sumasayaw nang tulay.
"Grem, mag-iingat ka. Sa wari ko'y hindi basta ang batang iyan." Ang paalala ni Orpheus na nararamdaman pa rin ang kakaibang sakit sa kan'yang likuran.

"Alam ko," ang matipid niyang naging sagot, kasunod ng pagbalot ng kakaiba at kulay berdeng likido sa kan'yang buong katawan. Naglakad siya papalapit kay Silver na mabilis na napansin ang pagkatunaw ng sementong kalsada na tinatapakan ni Gremlin. Tila ba malambot pa ang semento na sa tuwing lalakaran niya ay maiiwan ang bakas ng kan'yang sapatos. Ngunit hindi. Matagal na iyong nayari. Kaya lamang bumabakat ang kan'yang mga yapak, ay dahil sa lasong likido na tumutunaw sa bawat bagay na maapakan o mahahawakan niya.

Isang mabilis na pagsugod ang ginawa ni Gremlin na halos hindi na nakapag-isip ang binata mula sa hinaharap. Mabilis pa iyon sa isang kisap-mata. Nakaramdam ng kakaibang hapdi ang binata sa kan'yang tagiliran na sumunog sa kan'yang uniporme. Bahagyang sumilay ang kan'yang tagiliran na hinubog ng mga pagsasanay. Tila matatakam ang ilang kababaihan kung masisilip ng kanilang mga mata ang nakapaglalaway na katawan nito.

"Silver, mag-ingat ka! Iba ang pakiramdam ko sa taong iyan," Ang sabi ni Leila na lumipad mula sa kan'yang bulsa.

Hindi niya alam pero may kakaibang kaseryosohan sa mukha ng maliit na kaibigan niya na bigla na lamang pinalaki ang sarili na kasing sukat ng isang normal na tao. Iyon ang unang beses na nakita niya na ginawa iyon ni Leila na ngayon lamang niya mas nakita ang tunay na kagandahan. Napailing siya. Prinsesa nga pala ng mga diwata ang kaibigan niya.

"Tutulong ako. Hindi niya ako makikita o maririnig. Isa iyon sa kakayahan naming mga taga- Titania!" Ang sabi ni Leila na mabilis na sinugod si Gremlin ng isang malakas na pag-sipa. Ngunit ang henyong alchemist ay nasalag ito ng kan'yang isang kamay ng walang kahirap- hirap. Kasunod ang mabilis na pag-atake pabalik sa kawawang diwata na nagtamo ng sugat sa kan'yang lantad na tiyan. 

Isang pagkakamali. Akala niya'y maikukubli niya ang sarili sa mga mata ng isang Gremlin Ainsworth! Isang kamalian na isiping hindi siya nakikita ng mga matang iyon. Dahil ang mga matang iyon ang nakakakita ng kahit pinakamaliit na mikrobyo sa mundo. Tila mikroskopyo kung maituturing ang mga matang iyon. Kabaligtaran ng karaniwang katangian ng isang ahas na malabo ang paningin. Isama pa ang kan'yang dilang kapag inilalabas niya ay tumatalas ang kan'yang pandama. Hindi siya bastang hybrid. Siya ay isang katangi-tanging hybrid na may kakaibang kakayahan at lakas. 

"Leila, ayos ka lang ba?" ang tanong ni Silver na mabilis na nilapitan ang kaibigan. 

Napangiti si Gremlin dahil sa isang isipin. Ang propesiyang nasambit sa kan'ya ng henyong palaka na nagmula sa bayan ng Lucien ay nagkatotoo na. Ang binatang may kaibigang diwata ay magiging malaking parte sa pagbabago ng kasaysayan ng Etherea— maaaring sa ika-bubuti o sa ika-sisira ng Etherea. Ngunit walang nabanggit ang henyong palaka tungkol sa pagtataglay nito ng makapangyarihang mata ng makasaysayang Vandal na si Hiriwa. Maaaring maging magulo ang mundong ginagalawan nila kung hindi niya tatapusin ang binatang kaharap. Hindi na niya nanaising ipagsapalaran ang hinaharap ng Etherea. Kaya tatapusin na niya ang butong maaaring sumibol at magpalaganap ng masamang bunga. Ang punlang magiging pinakamatatag sa pag-husto nito na kahit na yasakin ng bagyo ay hindi mapapa-bagsak.

SILVER: THE SON OF THE REBELLION 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon