[Shark Trap]
Tumigil ang oras kasabay ng paglabo ng ingay ng paligid para sa mga kabataang bayani, sa pagdating ng isang panauhing pandangal sa Las Veras Casino— si Gulliver Mcmillan. Di rin nakapagtatakang, ilang mga pares ng mga mata ang napukol sa kanilang direksyon, tila interesado sa paksa ng kanilang pag-uusap.
“Gusto lang naming makausap ang isang kaibigan,” Mabilis na pagtugon ni Fang na tila masususuka sa salitang kaibigan, lalo na‘t alam niyang si Professor Slayer ang kan’yang tinutukoy.
Isang paghakbang ang ginawa ni Gulliver patungo sa kanila.
“Narinig ko nga at sinabi n’yo bang si Slayer ang kaibigan ninyo?” ang tanong ni Gulliver habang nakaguhit sa kan’yang mga labi ang isang ngiti.
Tumugon naman si Kick kasabay ng isang pilit na ngiti.
“Oo tama ka nga sa iyong narinig, Ginoo. Si Slayer nga ang kaibigan namin!” ang bulalas ni Kick na bigla na lamang nakaramdam ng kakaibang takot nang maramdaman niyang ang isang mabilis na hangin mula sa isang sablay na suntok mula kay Gulliver.
Nabigla ang lahat ng naging saksi sa pangyayari.
Seryosong napatitig si Silver sa Ginoong mabilis na nagbago ang ekspresyon. Ang ngiti niya ay napalitan ng pagkasuklam sa kanila.
“Pinakaayaw ko sa lahat ay iyong mga sinungaling,” ang anas ni Gulliver na halatang naiiyamot sa mga kausap niya. Tila ba nakakaamoy siya ng basura na umaasngaw ang baho.
“Ano bang sinasabi mo?” Gumuhit rin ang pagkairita sa mukha ni Fang na hindi rin nagugustuhan ang tabas ng dila ng kaharap.
“Si Slayer ang klase ng tao na mahirap magtiwala sa mga tao. Wala siyang kaibigan,” ani Gulliver.
Gumuhit ang isang mapait na ngiti sa sulok ng labi ni Fang. Hindi niya akalaing isang tuso ang makakabuking sa kanilang kasinungalingan. Ngunit ayaw na niyang palalain ang sitwasyon. Gusto na nilang tapusin ang pakay sa lugar na iyon upang makabalik na sa Gabrelius.
“Sige na. Tama ka nga. Di nga kami kaibigan ni Slayer. Pero kilala namin siya,” ani Fang.
Napahaplos si Gulliver sa kan’yang baba at tinitigan ang binata. Hindi nagsisinungaling ang kan’yang emosyon, ang kan’yang awra. Sa pagkakataong iyon ay masasabi niyang magkakilala sila ni Slayer.
Kumuha siya ng panyo mula sa kan’yang bulsa at pinunasan ang kan’yang kamao na bahagyang dumampi sa pisngi ni Kick.
“Lumang estratehiya na iyan,” anas ni Gulliver kasunod ng paglapit at pagbulong sa kan’ya ng isang lalaki na sa tingin nila ay empleyado rin sa lugar na iyon.
“Handa na ang lamesa, Sir,” ang anas niya ngunit malinaw na narinig ni Silver at ng ilang mga tengang higit sa normal na pandinig ng kakayahan.
“Naglalaro ka rin ba?” tanong ni Silver hindi pa man siya nakakalayo.
Napakunot ang noo ni Mister Gulliver.
“Oo. Bakit?”
“Manlalaro ka rin pala rito. Kung gano’n hindi dapat ikaw ang kinakausap namin. Nasaan ba ang Casino Manager dito?” ani Fang.
Ngunit nabigla sila nang makialam ang empleyado sa casino na siyang lumapit sa panauhing pandangal.
“Ginoo, ako ang casino manager sa lugar na ito at mukhang hindi ninyo alam ang sinasabi ninyo,” aniya.
Awtomatikong tumaas ang kilay ni Fang na mabilis na naintindihan ng Casino Manager.
“Si Mister Gulliver ay isa sa mga stock holder ng Las Veras Casino. At sa tingin ko naman ay may karapatan siyang tanggihan ang hinihingi ninyong pabor kung nanaisin niya,” dagdag niya.
BINABASA MO ANG
SILVER: THE SON OF THE REBELLION 2
FantasyThe world is changing. The werewolves are howling. The chaos has started, but the heroes are coming! Seventeenth-generation heroes are ready to take down the rebels to give them their biggest downfall. Sylvester Del Grande, who receives the renowne...