PROLOGUE

581 28 3
                                    


                                 PROLOGUE:


Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Warren matapos niyang mabasa ang hilera ng report tungkol sa Vigilant killer na si X. Siya kasi ang naatasan na hulihin ang sikat na vigilante. Nawala ang iniisip niya nang maamoy niya ang mabangong aroma ng mainit-init pang tsokolate na inilapag sa kanyang harapan. Napatingala siya at nakita niya ang may-ari ng chocolaterie na si Trieze Lovehart. Nakasuot ng brown na apron na may logo ng Love Chocolate's Cafe. Medyo magulo ang buhok at nakasuot ng salamin na pang-nerd.

"Mukhang burn-out ka diyan ah?" ang nakangiti pa nitong tanong sa kanya.

Naupo si Trieze sa kanyang tapat at siya naman ay patamad na sumandal sa kanyang kinauupuan, isinara ang hawak na folder at sumimsim ng mainit na tsokolate na may kaunting chili peppers na lalong nagpa-enhance ng lasa ng tsokolate. Naghahalo ang tamis at pait. Nangingibabaw ang lasa ng purong cocoa.

"Oo, burn-out talaga ako. Ako kasi ang naatasan na hulihin ang Vigilant Killer na si X. Wala na akong tigil sa pag-iimbestiga sa kanya at hanggang ngayon ay wala akong lead kung sino siyang talaga. Malinis siyang pumatay at tila ba... Isa siyang hunter ng hayop at napakaingat niyang kumilos. Iba-iba din ang paraan niya ng pagpatay, depende pa sa napili niyang target. Ang tanging clue lang na naiiwan niya ay ang itim na tulip na ibinibigay niya sa kanyang biktima bago patayin. Isang babala o kaya paghahamon. May mga nakuha din akong mga basyo ng bala sa mga crime scene ngunit galing ang mga iyon sa iba't-ibang uri ng fire arms."

Nakita ni Warren na napabuntung-hininga si Trieze at napahalukipkip habang nakatitig sa kanya.

"Naku, mahirap nga iyan." ang wika pa ng kaibigan.

Muling napainom si Warren ng mainit na tsokolate, iniusod niya ng bahagya ang folder na naglalaman ng files tungkol sa Vigilant killer na si X. Hindi nga gaanong nakatulong ang mga impormasyon na naroon dahil alam na iyon ng lahat. Wala siyang makuha na lead.

"Oo tama ka. Para akong naghahanap ng karayom sa malaking bunton ng dayami. Imposible itong trabaho na ibinigay sa akin. Pero alam mo, habang tumatagal na kinakalkal ko ang tungkol kay X... Lumilinaw sa akin kung ano ang kanyang motibo sa pagpatay..." sinadya ni Warren na ibitin ang kanyang sasabihin.

Pasimple namang napahawak si Trieze sa suot na salamin.

"Kung ganoon, ano ang motibo niya?"

Nagkibit-balikat si Warren at sinabing...

"Karaniwang target ni X ay ang mga taong maimpluwensiya at tila may immunity sa batas. Wala akong nakikitang motibo sa kanya maliban lang sa galit siya. Hindi ko siya kilala pero gusto kong malaman kung bakit nalikha ang isang halimaw na tulad niya."

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa labi ni Trieze hanggang sa matawa siya ng mahina.

"Ano bang nakakatawa?!"

Huminga muna ng malalim si Trieze upang pakalmahin ang sarili at saka siya nagsalita.

"Imbestigador ka ba o isang manunulat?" ang nakangisi niyang pakli.

Napasimangot si Warren at tuluyang inubos ang laman ng tasa. Kunot-noo siyang napatingin sa mukha ng kaibigan.

"Pero sabagay, may punto ka diyan. Maaaring galit nga si X kaya siya pumapatay. Bakit kaya hindi mo alamin kung saan nagmumula ang galit niya?"

Muntik nang masamid si Warren sa sinabi ni Trieze, bahagyang namantsahan ng tsokolate ang suot niyang uniform. Ibinaba niya ang hawak na mug at nagpunas ng tissue sa bibig at sa kanyang uniform. Kasunod noon ay mataman niyang tinitigan ang mukha ni Trieze. Ang magulo nitong buhok na tila ba hindi na nasusuklay pagkagising sa umaga, ang suot nitong salamin sa mga mata... Ngunit wala namang grado, para lang magmukha itong nerd at ang apron na kulay-brown na may logo ng Cafe...

"Paano mo nasabi ang ganoong bagay? Hindi kaya... Ikaw si X?" ang bigla niyang tanong.

Isang matipid na ngiti ang namutawi sa labi ni Trieze at mapaghamong tumingin sa mukha ni Warren, kasunod noon ay...

"Go ahead, arrest me."

Napakurap si Warren matapos niyang marinig ang sinabi ni Trieze at kasunod noon ay natawa na lamang siya. Nananatili ang matipid na ngiti sa labi ni Trieze habang nakatitig siya sa kanyang kaibigan. Nakamasid sa kanila si Gustav, ang co-owner ni Trieze ng Love Chocolate's Cafe, kagaya ng huli ay nakangiti din ito ng matipid habang nakatitig kay Warren.

VIGILANT XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon