Another Confusing
"Ayos ka lang, Evan?" ang nag-aalalang tanong ni Camilla sa kaibigan.
Matapos siyang tawagan ni Warren upang ibalita ang nangyari sa abogado ay kaagad siyang lumakad papunta sa presinto kung saan naroon si Evan. Nakita niya na napabuntung-hininga ng malalim si Evan habang panay ang titig nito sa kanya.
"Alam mo ba, ito ang unang beses na nakakita ako ng mga taong parang laro lang ang pakikipagbarilan? Wala silang takot." ang biglang wika ni Evan.
Tahimik lang na nakamasid sina Warren at Lander sa kanilang dalawa ni Evan. Napakunot-noo naman si Camilla sa sinabi ni Evan.
"Sila? Iyong mga um-ambush ba sayo ang sinasabi mo? Ayon kay Warren ay mga bilanggo sila na may mabibigat na kaso at hindi sila dapat nakalabas." ang wika niya.
Muli ay napabuntung-hininga si Evan. Napailing ng bahagya ang binata. Napansin ni Camilla ang baril sa tabi nito. Sinabi ni Warren na hindi iyon nagawang paputukin ni Evan dahil walang burn mark.
"Hindi sila ang tinutukoy ko, Camilla. Kundi si X at ang dalawa pa niyang kasama." ang wika ni Evan.
Nagulat si Camilla sa kanyang nalaman. Napasulyap siya kay Warren at base sa tingin ng kaibigan ay mukhang alam na nito ang sinasabi ni Evan. Muli niyang binalingan ng atensyon si Warren.
"Anong sinasabi mo na mga kasama ni X?" ang curious niyang tanong.
"Hindi nag-iisa si X noong tambangan nila iyong mga um-ambush sa akin. Tatlo sila. At walang-hiya! Alam mo bang iyong isa sa mga goons na gustung pumatay sa akin? Pinugutan ni X mismo sa harapan ko matapos niyang barilin sa ulo! Hindi ko nga alam kung ano ang gagawin niya sa ulo ng taong iyon pero kinuha niya. Camilla, ngayon lang ako nakakita ng ganoon. Parang isang hunter na pumapatay ng hayop."
"Kumalma ka, Evan. Huwag mo munang isipin iyong mga nakita mo. Isa pa, parating na daw ang Mommy mo. Basta ang importante, ayos ka lang."
Muli ay napabuntung-hininga ng malalim si Evan.
"Salamat, Camilla." ang wika ng binata.
Napangiti ng matipid si Camilla sa kaibigan. Ngayon ay naglalaro sa isipan niya ang sinabi ni Evan na may dalawang accomplice si X. Nang dumating ang Mommy ni Evan ay kaagad niyang pinuntahan si Warren para bigyan ng espasyo ang mag-ina.
"Ano nang gagawin mo ngayon? May dalawa pa palang accomplice si X. Hindi siya nag-iisa." ang bungad niya kay Warren.
Napailing ng bahagya si Warren at napakamot sa kanyang batok.
"Ano pa nga ba? Eh di patuloy ko silang hahanapin. Sa totoo lang, nasagot na ang malaking katanungan ko doon sa nangyari sa Gala at doon sa hacienda ni Robert Villarin. Imposible talaga na mapunta si X sa iisang lugar ng sabay. Ngayon, napatunayan ko na tama ang hinala ko."
"Oo nga eh. Pero bakit kaya nila iniligtas si Evan? Isa pa ay nalaman din nila ang gagawing pagtambang sa kanya." ang hindi niya napigilang tanong.
"Tsk! Iyan ang malaking katanungan, Camilla. Ni hindi alam ni Evan kung bakit siya tinulungan ng Vigilant Killer at ng mga kasama nito eh. May natuklasan akong bago kay X pero mas lalong nagulo ang imbestigasyon ko. Mas nagulo din ang utak ko."
Napabuntung-hininga si Camilla.
"Ako nga rin eh, naguluhan." ang wika niya.
Naalala tuloy niya iyong huling pagkikita nila ni X. Lasing na lasing siya noon at medyo nakatikim pa siya ng sermon mula sa Vigilant killer. Ganoon pa man ay naging maginoo ito sa kanya at hindi sinamantala ang pagkakataon na wala siyang malay dahil sa kalasingan. Isa pa ay kinuha din nito ang carrot cupcakes na inilaan niya para dito, ayon na din sa payo ng kanyang beshy na si Sabrina.
BINABASA MO ANG
VIGILANT X
Action"Kung marami silang pera para bilihin ang hustisya... Puwes, madami naman akong bala!" A story of man who become a Vigilant Killer because of Injustice.