My Friend
Sa kasalukuyan ay nakatali si Warren sa lumang upuan na bakal at nakumpiska ang tsapa niya at baril. Aaminin niyang bahagya siyang hindi nag-ingat. Palibhasa kasi ay pagod siya sa maghapong pagbabantay kay Romano Escobar. Ganoon pa man ay walang nangyari na ano mang kakaiba sa loob ng kulungan. Hindi ulit nagpadala pa ng mensahe si X dito. Mukhang nagpapalamig muna ang Vigilant Killer. Kaya ang hirap nitong hulihin! Nawala ang iniisip niya nang magsalita ang pinakapinuno ng mga sindikatong humuli sa kanya na nagsasagawa ng illegal trade sa isang warehouse.
"Officer Warren Mondragon! Ang lakas naman ng loob mong pumasok na mag-isa dito sa teritoryo namin? Malas mo lang dahil mukhang hinukay mo na ang sarili mong libingan sa ginawa mong ito." ang wika pa ng lalaki habang hawak ang tsapa niya.
Nagtiim ang mga bagang ni Warren. Aaminin naman niya ang pagkakamali niya. Kung ito na nga ang katapusan niya ay tatanggapin niya dahil sa kanyang maling kilos. Ganoon pa man, nagsisisi siyang mamatay na single! Kasunod noon ay tinutukan ng baril ang ulo niya. Napapikit si Warren at tinanggap ang nalalapit niyang kamatayan. Ganoon pa man ay dumating ang ilang sandali ay hindi pumutok ang baril sa ulo niya.
"Aba! Mukhang tanggap mo na ang nalalapit mong kamatayan, officer! Ano kaya kung pahirapan ka muna namin para masaya?"
Muling napamulat si Warren ngunit wala siyang sinabi. Napatingin na lamang siya sa mukha ng lalaki at sa mga kasamahan nito. Nakangisi sila at tuwang-tuwa sa kalagayan niya. Napalunok siya, na-trained siyang kayanin ang mga tortures ngunit siguradong sa huli ay tutuluyan siya ng mga ito. Ganoon pa man ay natigilan silang lahat nang makarinig sila ng mga putok ng baril mula sa may tarangkahan. Dahil sa nangyari ay doon natuon ang atensyon ng mga lalaking na bumihag sa kanya.
Maya-maya pa ay biglang namatay ang ilaw sa loob ng gusaling kinaroroonan nila at kasunod noon ang pag-ulan ng bala sa paligid. Napapikit ng mariin si Warren, wala siyang magawa kundi ang maghintay at hindi din niya alam kung tinamaan na siya ng ligaw na bala dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Samantala... Pinaligiran nina X, Shadow at Franco ang grupo ng mga sindikato sa loob ng warehouse. Lamang sila at pinatay nila ang ilaw ngunit may gamit silang contact lenses para malinaw na makakita sa dilim. Bawat kalaban na nakikita nila ay kaagad nilang pinapaputukan at hindi binibigyan ng pagkakataon. Isang ambush ang kanilang ginawa. Matagal-tagal na rin nilang minamanmanan ang grupong ito ng mga sindikato at ngayon nila binalak na patayin silang lahat. Nang makita nilang natumba na ang lahat ng mga kalaban ay saka nila muling ini-on ang ilaw. Napailing si X nang makita niya si Warren na nakatali sa lumang bakal na upuan at mariing nakapikit. Sinabihan niya sina Shadow at Franco na umalis na muna.
Napakislot naman si Warren nang makarinig siya ng nakakabinging katahimikan sa lugar na kanyang kinaroroonan. Ganoon pa man ay nakarinig siya ng mga yabag at papalapit iyon sa kanya.
"My friend! Mukhang sinuswerte ka pa rin ngayong gabi ah?"
Biglang napamulat si Warren nang marinig niya ang boses na iyon. Bagama't medyo nanlalabo pa ang kanyang paningin, dahil sa biglaang pagkasilaw ay pinipilit niyang aninangin ang tao na nasa kanyang harapan. Bahagya siyang nagulat nang makita niya ang matangkad na lalaki na nakasuot ng itim na military uniform at itim na mask na may tatak na pulang X.
"X!" ang bulalas niya.
Nananatili siyang nakatali sa upuang bakal. Hawak ni X ang tsapa niya at baril. Mayroon itong suot na gloves sa magkabilang kamay. Kaya nga walang nakukuhang fingerprints sa mga crime scenes ni X.
"Tsk, tsk, tsk! Mabuti naman at hindi ka nakakalimot, friend."
Nagtiim ang mga bagang ni Warren dahil sa mapang-asar na pagkakasabi ng Vigilant Killer sa salitang 'friend'.

BINABASA MO ANG
VIGILANT X
Ação"Kung marami silang pera para bilihin ang hustisya... Puwes, madami naman akong bala!" A story of man who become a Vigilant Killer because of Injustice.