Investigate, Investigate!
Nasapo ni Warren ang noo niya habang tinitingnan niya ang folder ni Michael Montalban. Nakasaad doon na anak ito sa pagkadalaga ng Ina, walang kapatid o ibang kamag-anak at simula sa pagkabata ay problem child na. Nakagawa ito ng serye ng pagpatay dahil sa ilang sirkumstansiya. Bukod doon ay wala na siyang ibang mahanap na record ng lalaki, kung saan ito dating nakatira, mga kaibigan, kung saan nagtrabaho... Ang nanay daw nito ay namatay sa sakit na cancer.
Kung pagbabasehan niya ang pisikal na katangian ni Michael Montalban, hindi maikakaila na kahalintulad nga nito ang Vigilant Killer na si X. Nawala ang iniisip niya nang pumasok sa loob ng opisina niya si Lander.
"Sir, ang dami pa ring nakatambay na media sa labas. Ilang beses na kaming nagbigay ng ilang detalye, pero hindi lahat kagaya ng bilin mo. Kaso, makukulit sila. Saka si Miss Camilla, nasa labas din siya. Papasukin ko ba siya?" ang tanong ni Lander.
Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Warren bago siya magsalita.
"Sige, papasukin mo si Camilla. Paderetsuhin mo siya dito sa opisina ko. Pero siya lang, ha?" ang bilin niya kay Lander.
"Sige, Sir!"
Hindi na nagulat pa si Lander sa sinabi ni Warren. Kilala naman kasi nilang lahat na matalik nitong kaibigan ang magandang manunulat na si Camilla.
Samantala... Napakagat sa pang-ibabang labi si Camilla habang naghihintay siya sa labas kasama na ang ibang reporters. Kaunti lang ang ibinigay na pahayag ng mga kinauukulan sa mga nangyari. Alam niyang sensitibo din kasi ang pangyayari at ikinokonsidera din ang privacy ng biktima at alang-alang na din sa pamilya nito kahit paano. Maya-maya pa ay namataan niyang parating si Lander.
Nang lumabas ito sa mula sa presinto ay medyo nagkagulo ang mga reporter na katabi niya. Ganoon pa man ay walang gaanong nakagawa ang mga ito dahil nakabantay ang ilang pulis sa labas para hindi sila basta makapasok. Nilapitan siya ni Lander.
"Miss Camilla, tara." ang wika nito.
Nakahinga ng maluwag si Camilla at saka siya lumapit kay Lander. Sa likuran niya, narinig niya ang reklamo ng ilang taga-media. Unfair daw. Napangisi siya... Tumuloy sila ni Lander sa opisina ni Warren. At nakita niya ang huli na problemado. Kaya ayon, isinantabi muna niya ang totoo niyang pakay na makakuha ng balita mula rito.
"Napanood ko sa TV iyong nangyari. Kamusta ka?" ang tanong niya sa kaibigan.
Nag-angat ng tingin si Warren at saka matipid na ngiti ang namutawi sa kanya nang makita niya ang kanyang kaibigan.
"Heto, lalong sumasakit ang ulo ko. Pero kahit paano, may mukha na tayo ni X." ang wika niya.
Matapos noon ay ipinakita ni Warren ang nakabuklat na folder kay Camilla. Siyempre, tungkol iyon kay Michael Montalban. Hindi nila sinabi sa media na nawawala ang bangkay nito sa morgue. Magiging dagdag na kontrobersya kasi.
Tiningnan naman ni Camilla ang laman ng folder at natuon ang atensyon niya sa mukha ng lalaking nagngangalang Michael Montalban. Parang hindi siya kumbinsido na ito nga talaga si X.
"Siya nga ba talaga si X?" ang tanong niya kay Warren.
"Camilla, imposibleng mabuhay siya. Pineke niya ang kamatayan niya para magmukha siyang biktima at makalabas sa kulungan ng walang aberya. Kaya lang, may ipinagtataka din ako eh. Saan siya nakakuha ng ilang gamit niya at napakatalino niya kumpara sa isang undergraduate ng high school. Medyo hindi kasi iyon tumutugma sa file niya eh."
BINABASA MO ANG
VIGILANT X
Ação"Kung marami silang pera para bilihin ang hustisya... Puwes, madami naman akong bala!" A story of man who become a Vigilant Killer because of Injustice.