Bloody Shower
"Uy, Trieze! Salamat dito sa libro ah? Ang ganda! Bittersweet ang ending sa kuwento ni Siegfried. Ang daming nangyari na nakakagulat." ang wika ni Camilla kay Trieze.
Iniabot niya ang libro na kaagad naman na kinuha ng huli at simpleng napangiti. Kaya lang, iyong kausap ni Camilla ngayon ay walang iba kundi si Franco. Naka-prosthetic ang mukha niya at wala naman siyang alam tungkol sa kuwento ng libro na binabanggit ni Camilla kaya napangiti na lamang siya. Sa kasalukuyan ay nasa chocolaterie sila. At kagaya ng trabaho ni Trieze, gumagawa siya ng chocolates at pastries kasama si Gustav.
"May problema ba?" ang biglang turan ni Camilla.
Alam niyang paborito din kasi ni Trieze ang kuwento ni Siegfried. Kaya lang, napangiti lang ito at hindi nagbigay ng ano mang opinyon. Napakurap naman si Franco, napahawak sa suot niyang salamin. Ginaya lang niya iyong mannerism ni Trieze.
"Pasensiya na, Camilla... Medyo pagod lang ako eh. Siguro, sa susunod na lang tayo magkuwentuhan tungkol sa libro ni Siegfried."
Wala nga siyang ideya tungkol sa bida ng kuwento at ang kilala niyang Siegfried eh may surname na Acosta. Totoong tao na buhay sa kasalukuyan.
Napangiti naman si Camilla at bahagyang napatango. Medyo madaming tao ngayon sa chocolaterie.
"Sige, hindi muna kita iisturbuhin. Pero oorder ako ng hot-chocolate. Pero, ayaw ko ng may asukal ngayon saka isang slice ng lemon cake." ang wika niya.
"Sige, maghintay ka lang."
Nakahinga ng maluwag si Franco. At sinimulan na niyang gumawa ng hot-chocolate. Kailangan niyang umakto ng normal bilang si Trieze pero siyempre... Hands-off siya kay Camilla kahit na ano ang mangyari. Gusto pa niyang magtagal ang buhay niya...
Samantala... Napatingin ang mga kasamahan ni Romano Escobar sa bago nilang kakosa na nagngangalang Michael Montalban. Matangkad ito kumpara sa kanilang lahat at maganda din ang pangangatawan. Simula nang dumating ito ay nakaupo lang ito sa sulok at tahimik. Nilapitan ito ng isa sa mga bata ni Romano.
"Bata, anong kaso mo?" ang medyo naninindak na tanong ni Ado.
Hindi man ito katangkaran ngunit malaki naman ang pangangatawan at may mga tattoo ito sa iba't-ibang parte ng katawan. Pasimple namang napatingin si Trieze sa lalaki. Simula nang dumating siya sa loob ng selda ay palagi na itong nakatingin sa kanya. Ang mga katulad nito, halatang bully sa mga baguhang kagaya niya.
"Multiple counts of murder." ang maikli niyang sagot sa tanong nito.
Napakurap naman ang lalaki matapos nitong marinig ang sagot sa tanong nito. Medyo, wala kasi sa itsura ng lalaki ang kaso nito. Natawa ng mahina si Ado at bahagya pang napailing.
"Ilan naman ang napatay mo, bata? Lima? O baka naman tatlo lang sila? Pareho tayo ng kaso bata. Pero akin, umaabot na siguro sa sampu ang napapatay ko noong nasa labas pa ako." ang mayabang na wika ni Ado.
Isang matipid na ngiti ang namutawi sa labi ni Trieze. Natigilan naman ng bahagya si Ado at naiinis na napatingin sa kausap niya. Mapang-asar kasi ang ngiti nito sa kanya at tila ba nang-iinsulto. Dinaklot niya ang kuwelyo ng damit nito.
"Nang-aasar ka ba, bata? Baka gusto mong isama kita sa bilang ng mga napatay ko, ha? Magiging panglabing-isa ka!" ang gigil na wika ni Ado.
Ikinuyom pa niya ang kanan niyang kamao at itinutok sa mukha ng bago nilang kakosa. Ganoon pa man ay natigilan siya nang makita niyang tumitig pabalik sa kanya ang lalaki. Ni hindi man lang niya nakikitaan ng katiting na takot o kahit na anong emosyon ang mga mata nito.

BINABASA MO ANG
VIGILANT X
Action"Kung marami silang pera para bilihin ang hustisya... Puwes, madami naman akong bala!" A story of man who become a Vigilant Killer because of Injustice.