5. Black Tulips II

293 25 7
                                        

                           Black Tulips II


Mabigat ang talukap ng mga mata ni Johanne Pueblo nang magmulat siya. Medyo nanlalabo ang kanyang paningin at ang sakit ng ulo niya. Pinakiramdaman niya ang sarili, ang sakit ng kanyang katawan! Nanlaki ang mga mata niya at tuluyang nagising ang kanyang diwa nang mapansin niyang nakatali siya ng pa-krus sa poste ng lumang gusali na kinaroroonan. Napatingin siya sa paligid... Hindi siya maaaring magkamali, ang lugar na ito ang lumang pabrika kung saan nila ginahasa at pinatay ang magkapatid na Saavedra. Mas lalo nga lang siyang nagulantang nang makita niya ang mga kaibigan na walang-malay. Si Adam ay nakatali ng pahiga at ganoon din si Rick na kagaya ng sa kanya ay pa-krus din ang istilo ng pagkakatali sa kinahihigaang bakal. At si Sandro naman ay nakakulong sa bakal na kulungan na hugis lutuan. May takip iyon at sa bandang gitna ay may rehas kaya kita niya ang kaibigan na bahagyang nakabaluktot sa loob at walang malay, nakagapos ang mga kamay nito ng patalikod at maging ang mga paa ay nakatali din. Ilang sandali pa bago makahuma si Johanne sa pagkabigla.

"Hoy! Gumising kayong lahat! GISING!" itinodo talaga niya ang pagsigaw.

Wala siyang gaanong maalala sa mga nakaraang pangyayari pero siguradong dinukot silang lahat ng kung sino at kapag hindi sila nakatakas ay tiyak na hindi maganda ang mangyayari sa kanilang apat. Sa isiping iyon ay pinilit niyang magpumiglas ngunit makakapal ang mga kadenang bakal na ipinulupot sa kanyang mga braso at paa. Maging ang leeg niya ay napupuluputan din ng kadenang bakal. Narinig lamang niya ang kumosyon ng mga kadena at lalo lamang silang humigpit sa ginawa niyang pagpupumiglas. Hindi niya alam kung anong paraan ang ginawang pagtatali sa kanya ngunit masasabi niyang eksperto ang gumawa.

"ARGH!..." ang napaungol niyang wika.

Sobra siyang napagod sa kanyang ginawa at pawis na pawis na siya. Ni hindi man lang niya napagalaw ang mga kadenang bakal. Mas humigpit lang sila at halos masakal na siya.

"GISING!" ang malakas pa niyang sigaw sa mga kasama nang makakuha siya ng lakas.

Ngunit nananatiling mahimbing ang tulog ng kanyang mga kasamahan. Natigilan siya ng makarinig siya ng mga papalapit na yabag. Hindi nagtagal ay nakita niya ang bulto ng tao. Medyo malayo pa ito sa kanyang kinaroroonan kaya parang anino palang ang kanyang nakikita at sigurado siyang isang lalaki ang parating. Matangkad din ito at katamtaman ang built ng pangangatawan.

Napatanga siya at natigilan nang mapansin niya ang suot nitong damit. Uniform ng waiter doon sa club na huli nilang pinuntahan. Hindi nagtagal ay tuluyan na niyang nakita ang parating. Ito iyong waiter na nasigawan nilang magkakaibigan kanina dahil sa pagsagi nito kay Rick! Nasuntok din ito ng huli at ipinahiya sa mga tao. Inireklamo din nila ito sa manager.

Ang werdong waiter na may makapal na salamin, wavy na magulong buhok, malaking ilong na may nunal at front teeth na parang sa rabbit.

"I-Ikaw!" ang bulalas niya.

Napatingin sa kanya ang lalaki at saka napangiti ng matipid. Nagtiim ang mga bagang niya dahil sobrang nakakainsulto ang titig nito at ang ginawa nitong pagngisi. Sobrang creepy talaga ng pangit na waiter na ito!

"K-Kung naghihiganti ka dahil sa nangyari kanina sa club, puwede bang pag-usapan na lang natin 'to? Pare, pasensiya ka na... May tama na kaming lahat kanina eh!"

Ngunit nananatiling nakatitig lamang sa kanya ang werdong waiter sa club. Sa totoo lang ay nakadama siya ng intimidation dahil ramdam niyang mapanganib ang taong kaharap niya.

"Pare naman, si Rick lang naman ang nanuntok at-"

"Pero imbes na awatin niyo ang kaibigan niyo, kayo pa ang nagsugsog sa kanya na saktan ako at ipahiya. Hindi pa kayo nakuntento, pinabayaran niyo sa akin ang mga sinira niyo at muntik niyo pa akong ipatanggal sa trabaho. Kinailangan ko pang lumuhod at magmakaawa ng husto sa inyo para lang hindi ako matanggal sa trabaho. Palibhasa kasi, mga burgis kayo eh. Hindi niyo alam kung ano ang hirap ng mga tulad kong ordinaryong tao. Kung kanina, ako ang lumuhod at nakiusap... Ngayon naman, siguradong kayo ang makikiusap ng husto sa akin."

VIGILANT XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon