15. A Mission

299 22 5
                                        


                                  A Mission


Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Warren habang nakatitig siya sa truck na ginamit ng Vigilant Killer na si X upang sagasaan ang huli nitong biktima. Alam niya ang dahilan kung bakit nito pinatay si James Rogales... Dahil mapera ito at may immunity sa batas. Nagawa kasi nitong harangin kasama ng mga kamag-anak nito ang nakatakdang warrant of arrest na dapat na ihahain. Ten wheeler ang truck na ginamit ng Vigilant Killer at talagang hindi nito balak buhayin ang biktima dahil makailang beses na binunggo ang sinasakyan nitong SUV hanggang sa mapitpit iyon na parang lata. Sa kasalukuyan ay naka-impound sa likod ng kanilang headquarters ang malaking truck.

Napag-alaman niya sa ginawa niyang pag-iimbestiga na ninakaw ang truck na iyon ilang oras bago mangyari ang insidente. Ang masaklap lang ay walang cctv camera sa lugar kung saan ninakaw ang naturang sasakyan. Muli ay napabuntung-hininga siya ng malalim. Na-check na nila ang loob ng truck, wala silang nakuha maski na fingerprints. Kahit kailan ay maingat talaga ang Vigilant Killer...

"Puti na siguro ang lahat ng buhok ko at nakapagretiro na ako, hindi pa rin natin mahahanap si X. Sa totoo lang Mondragon, hindi ko na alam kung pang-ilan ka na na ini-assign ko para mahuli siya. Iyong mga nauna sayo, bumitaw na lang."

Napatingin si Warren sa nagsalita at nakita niya si Major Henry Natividad, ang kanyang superior. Kagaya niya ay nakatingin din ito sa malaking truck na ginamit sa pagpatay.

"Henyo kasi ang taong hinahanap natin, Sir. Basta ang alam ko lang na motibo dito ay galit. Mahirap siyang hanapin dahil hindi natin malalaman kung sino ang susunod niyang target. Pumapatay siya kapag gusto na niya. Bukod doon ay magaling din siyang magdisguise. Halatadong military trained din siya. Isa siyang hunter. Isa pa ay hindi nawawala ang hinala ko na mayroon siyang accomplice, kailangan lang ay mapatunayan ko iyon."

"Hihintayin kong mapatunayan mo ang bagay na iyan. Sa totoo lang, gusto ko ding malaman kung sino ang tao na nasa likod ng maskarang may markang pulang ekis. Gusto kong malaman kung sino ang henyong kriminal na iyon at kung bakit niya ginagawa ang lahat ng pagpatay."

"Maski ako Sir... Iyon din ang gusto kong malaman eh." ang sagot ni Warren.

Hanggang ngayon ay nasa kanya ang note na ibinigay sa kanya ni X noong una niya itong maka-engkuwentro. Nakalagay nga sa wallet niya.

Samantala... Napangalumbaba si Trieze habang nakatitig siya sa file na nasa kanyang laptop. Tungkol iyon kay Attorney Evan Fuentebella. Stepson pala ito ni Attorney Galvez at ipinagpapatuloy ng batang abogado ang adhikain ng nasira nitong amain. At kagaya ni Attorney Galvez ay parati itong nakakatanggap ng death threats ngunit hindi ito natatakot kumalaban sa mga taong may sinasabi sa lipunan basta nasa tama ang kliyente nito at naaapi. Mariing ikinuyom ni Trieze ang kanan niyang kamao at saka pasimpleng napapikit. Malinaw pa rin sa kanyang alaala ang bangkay ni Attorney Galvez na nakita niya sa morgue kung saan ito dinala matapos mapatay ng mga bayarang hitman.

"Pambihira... Ano ang binabalak mo kay Attorney Evan Fuentebella?" ang untag sa kanya ni Gustav.

Muling iminulat ni Trieze ang kanyang mga mata at matamang napatitig sa screen ng kanyang laptop.

"Itutumba ko ang lahat ng mga kaaway niya at maging ang mga hitman na magtatangka sa buhay niya, bibigyan ko sila ng walang balikang appointment kay Kamatayan." ang tiim-bagang na wika ni Trieze.

"Dahil ba kay Attorney Galvez?" ang hindi napigilang wika ni Gustav.

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Trieze.

VIGILANT XTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon