CHAPTER 2

40 2 0
                                    


Mabilis lang na lumipas ang kaarawan ko. Lunes ngayon at day off ko sa aking trabaho kaya naman napag usapan namin nina Mylene at Christine na magkita-kita sa Plaza na malapit lang dito sa bahay.

"Nabasa mo ba 'yung post ng official page ng school natin noong High School?" ani Christine habang kumakain ng titserya na binili niya.

"Hindi. Hindi ako nakapag online kagabi eh, sobrang pagod nakatulog na rin ako pag uwi niyo," saad ko bago sumimsim ng Juice."Bakit? Ano'ng meron?" Patuloy ko.

"May reunion 'yung batch natin." Nakangiting wika ni Christine dahilan upang manlake ang mata ni Mylene.

"T-Talaga? Kailan daw?" Hindi maitago ang excitement sa timbre ng boses ni Mylene.

"Next week daw eh. Inaasahan na pupunta lahat ng batch 2017-2018. Kaya for sure pupunta rin si Jerome," ani Christine saka sinulyapan ng tingin kaya pinagtaasan ko siya ng isang kilay.

"Bakit ganiyan ka makatingin sa akin?" sarkastikong tanong ko.

"Wala naman. Ano, punta tayo okay—"

"May work ako, hindi ako makakasama." Pagputol ko sa sinasabi ni Christine.

"Marigold naman!" Protesta ni Mylene.

"Bakit? Eh may work naman talaga ako ng araw na 'yon. Alangan naman unahin ko 'yung reunion ng batch natin kaysa sa trabaho ko," wika ko pero ang totoo ay ayaw ko lang talaga dumalo dahil hindi pa ako handang makaharap si Jerome. Masiyadong masakit ang ginawa niya sa akin isang taon na ang nakalilipas kaya hindi pa ako handang makita o makausap siya. Ayaw ko muna, hindi pa sa ngayon lalo pa't batid kong hindi pa tuluyang naghihilom ang sugat sa puso kong siya ang may gawa.

"Pero minsan lang 'to Marigold, p'wede ka naman mag leave muna kahit isang araw lang sa work mo eh. Sige na." Pagpupumilit sa akin ni Mylene na halos yugyugin pa ako.

"Tama si Mylene, Marigold. Isang araw lang naman, saka bonding na rin natin 'yon ng mga naging High School friends and teacher natin. Kung inaalala mo na baka magkita kayo ni Jerome, anong masama roon? Naka-move on ka na naman na 'di ba? Ikaw na rin ang may sabi noon na kahit makita mo pa si Jerome ay wala ka ng pakialama at titignan mo na lang siya sa paraan na nakilala mo siya at hindi sa paraan na minahal mo siya," ani Christine dahilan upang mapabuntong hininga ako. Bakit ba ako nagkaroon ng kaibigan na masiyadong mapilit at makulit. Pag untugin ko kaya ang dalawang 'to?

"Ayaw ko pa rin," seryosong wika ko."Marami akong kailangan gawin sa trabaho ko ng araw na 'yon. Wala akong time para mag enjoy." Patuloy ko ba.

"Marigold naman, sige na please? Sige ka, kapag hindi ka pumunta edi hindi na rin kami pupunta ni Christine." Pangongonsensiya sa akin ni Mylene at nagpout pa ito.

"Bakit? Dala ko ba ang buong event?" sarkastikong tanong ko.

"Marigold..."

"Basta ayaw ko." Paninindigan ko sabay pinagkros ko ang aking dalawang braso.

"Okay sige hindi ka na namin kukulitin, next week pa naman 'yon eh. Baka sakaling magbago pa 'yung isip mo, well sana nga," ani Christine.

Kung ako 'yung tatanungin, gusto ko naman talaga umattend. Pero kung a-attend din ang ex kong si Jerome, ay mas mabuting 'wag na lang. Ayaw kong masira ang mood ko sa araw na dapat ay nag e-enjoy ako.

Few days later....

Ilang araw na rin matapos na malaman kong magkakaroon ng reunion ang batch namin noong High School, mula nga noon ay hindi na kami nag usap-usap nila Mylene at Christine patungkol sa pagdalo ko sa reunion na iyon. Mabuti naman, dahil naririndi na rin ang utak ko sa pagpupumilit nila sa akin.

"Nabanggit sa akin ni Kumareng Rebeca na may School reunion kayo ng anak niyang si Mylene sa Sabado, a-attend ka ba?" saad ng aking ina habang abala ito sa pagtitiklop ng mga pininaw na damit.

"Hindi po Ma," wika ko habang nagtatanggal ng sapatos. Kauuwi ko lang kasi galing trabaho."Ano ulam niyo kanina Ma?" Patuloy ko nang magtungo ako sa kusina.

"Tinirhan kita ng paborito mong Ginataang Tilapia, maghapunan kana d'yan. Eh siya nga pala, bakit hindi ka a-attend?" wika ni Mama nang mapatigil siya sa kaniyang ginagawa habang ako naman ay kumukuha na ng plato sa lagayan.

"May trabaho ako ng araw na 'yon Ma," wika ko habang nagsasandok na ng kanin sa rice cooker.

"P'wede ka naman mag leave muna kahit isang araw lang. Hindi naman siguro sa'yo magagalit ang Boss mo? Lalo pa't close na close naman kayo ni Angela," wika ni Mama na walang pinagkaiba sa mga kaibigan ko. Pare-pareho silang pinipilit na magpunta sa reunion na 'yan eh ayaw ko nga dahil may iniiwasan akong makita.

"Kahit na Ma, mas mahalaga pa rin 'tong trabaho ko kaysa sa reunion na 'yon. Kahit naman hindi reunion p'wede naman kami magkita-kita ng mga dati kong kaklase o kaibigan eh. I'm too busy Ma, at sinabi ko na rin 'yon kina Mylene at Christine." Mahinahong paliwanag ko habang nagsasandok na ako ng ulam sa mangkok.

"Iyon lang ba talaga ang dahilan anak? Dahil nga ba sa trabaho mo? O baka naman may iniiwasan ka lang kaya ayaw mo magpunta," saad ni Mama dahilan upang matigilan ako at lingunin siya na nakatingin din sa akin.

"Ma,"

"Marigold anak, minsan kailangan mo rin mag enjoy. Eh ano kung makita mo sa reunion niyo ang lalakeng nanakit sa'yo noon? Eh ikaw na rin ang may sabi sa akin na wala ka ng pakialam sa kaniya kahit masalubong mo pa siya, o eh bakit hindi mo panindigan iyon? Kasi kung patuloy mo siyang iiwasan, para mo na rin sinabi na hanggang ngayon ay affected ka pa rin sa paghihiwalay ninyong dalawa," wika ni Mama dahilan upang matahimik ako at hindi agad makapagsalita.

Kahit papano ay may punto si Mama, bakit nga ba ako patuloy na umiiwas? Sino ba ang nang-iwan? Sino ba ang nananakit? Sino ba ang may rason kung bakit kami naghiwalay? Ako ba? Hindi. Nasira ang relasiyon namin ni Jerome noon dahil iyon sa pagiging iresponsable niya bilang kasintahan. Kaya tama, hindi ako dapat umiwas sa kaniya. Wala akong dapat katakutan kung sakali man na muling mag cross ang landas namin sa araw na iyon. Higit sa lahat, hindi siya kawalan. Kailangan niya rin makita na kahit sinaktan niya ako noon. Heto ako ngayon, nananatiling matatag sa kabila ng lahat and siyempre, happy and contented.

"Sige ma, a-attend na 'ko," wika ko at saka tipid na ngumiti matapos na makapag isip-isip.

"Mabuti naman kung gano'n. O siya, kumain ka na." Nakangiting saad ni Mama.

UNTIL THE MOON AND SUN COLLIDE (UNTIL TRILOGY 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon