Chapter 1
Lucy's POV
Malawak ang ngiti ko habang bumababa ng hagdan. Sabi ni Mom ay nagluto siya ng bacon kaya hindi ko maiwasan ang magmadali. Paglapit ko sa hapagkainan ay naroroon na si Dad at nagbabasa ng dyaryo'ng galing sa bayan. Ang aking ina naman ay nagsasalin ng sariwang dugo ng usa sa mga baso namin.
Masigla kong binati ang dalawa at sinuklian nila ito. Nakatanggap naman ako ng halik sa noo mula kay Dad.
Sunod kong nilapitan ang kambal kong kapatid na sina Caspian at Celine. Nakatanggap ako ng halik sa pisngi mula kay Caspian samantalang dumakot naman si Celine ng isang strip ng bacon at binato niya sa mukha ko bago siya humagikhik.
Narinig kong tumawa ang mga magulang namin.
"Mukha ka daw kasing bacon," dinig kong sabi ni Mom.
Ang kambal ay isang taong gulang pa lamang, hindi pa sila nakapagsasalita pero madali silang intindihin sa mga ikinikilos nila.
Sabay-sabay kaming umayos sa lamesa at nag-umpisang kumain. Napatingin ako sa kambal nang makita kong lumaki yung bote ng dugo sa tabi ni Celine. Habang nakatitig ako sa bote ay napangisi na lamang ako sa naisip. Kumuha ako ng ulam sa plato at nilapitan ang kapatid.
"Celine..." malambing kong tawag dito. "Pwede mo bang palakihin yung bacon ni ate?"
Biglang ngumiti ang kapatid ko kaya parang nagningnig ang mga mata ko. Inilapit ko sa kaniya ang ulam at naghintay. Nanlumo lang ako nang imbis na lumaki ito ay mas lalo pa itong lumiit. Halos itago ko na sa kaniya ang pagkain ko dahil pakiramdam ko ay wala pang matitira sa akin!
Narinig ko na lang ang tawanan nila habang ako'y naiwang nakatulala. Napailing na lang akong bumalik sa pwesto. Hindi pa niya kayang ibalik sa dating sukat nila ang mga bagay dahil masyado pang maaga para matutunan niya iyon. Sa madaling salita, kailangan kong tanggapin ang kapalpakan ng naisip ko kanina.
May kakayahan si Celine na magpalaki at magpaliit ng mga bagay. Bukod pa rito'y kaya rin niyang kumausap at magpasunod ng kahit na anong uri ng hayop. Si Caspian naman ay may kakayahang magpalit sa anyo ng kahit na anong hayop at mayroon ding matalas na pandinig.
Nandito ako ngayon sa maliit kong silid-aklatan at nagbabasa. Katatapos lang akong turuan ni Mom at ang kambal naman ngayon ang inaasikaso niya.
NAPAGPASYAHAN kong magbasa sa labas upang makalanghap ng sariwang hangin. Kinuha ko ang aking libro na may pamagat na "The Old Avallonne".
"Mom, doon lang po ako sa may burol magbabasa,"
Tumaas ang kilay niya at bago pa makapagsalita, nauna na akong maglahad ng mga paalala niya.
"Mag-iingat po ako, hindi ako lalayo sa bahay, hindi ko gagamitin ang mga pakpak ko, hindi po ako kakain ng mga bunga sa mga puno, hindi ako kakausap ng mga hindi ko kilala, at hindi po ako magtatagal."
Nang tumango ito ay tinunton ko na ang daan palabas.
Madali ko lang naman mapupuntahan ang burol na lagi kong tinatambayan kapag ginagamit ko ang bilis ng isang bampira, subalit medyo mataas pa rin ang aakyatin ko.
Kung hindi lang sana ako pinagbabawalan na gamitin ang mga pakpak ko ay kanina pa ako nakarating sa may tuktok. Ang sabi nila ni dad ay ako lamang ang namumukod tanging Avallonian na parehong namana ang magkaibang lahi ng mga magulang.
Mayroong walong lahi ang mga Avallonians na naninirahan sa mundo namin. May mga bampira na katulad ni Dad, anghel na katulad ni Mom, may mga demons, werewolves, fairies, witches, elves at mayroon ding mga mermaids.
Kung ang lahi ng iyong mga magulang ay magkaiba, isa lang dito ang maaari mong makuha. Maaaring nakuha mo ang dugo ng magkaiba mong mga magulang subalit iisang dugo lamang ang maaaring lumamang at kung kaninong dugo ang mananaig ay ito ang mamanahin mong lahi.
BINABASA MO ANG
Saving Avallonne
FantasyNang malaman ko ang pakiramdam ng maiwan at ang pakiramdam ng mawalan ay saka ko lamang naintindihan ang tunay na kahulugan ng masaktan. Lalo na kapag iyong mga umalis ay hindi na pwede pang bumalik. Lalo na kapag yung mga nawala ay hindi na pwedeng...