Chapter 17
Lucy's POV
Hindi ko na nasundan pa ang mga sinasabi ni Headmaster sa harapan. Gusto ko siyang patigilin saglit sa mga susunod niya pang sasabihin para bigyan ako ng oras na intindihin muna ang isiniwalat niya.
Pakiramdam ko ay namumutla ako ngayon. Napako ang tingin ko sa kawalan habang inuulit sa isip ang mga narinig ko. H-Hindi naman Sylvestre Bloodsmith at Lenora Bloodsmith ang pangalan ng mga magulang ko.
B-Bloodsmith...
Nang ma-proseso ng utak ang apelyidong iyon ay unti-unti kong nailipat ang tingin sa katabi kong lalaki.
Nakaangat ang isang gilid ng labi ni Zoren habang nakatutok sa harapan. Bago pa niya ako makita ay inilipat ko na rin ang tingin ko sa stage kahit na alam kong tulala ako sa mga sandaling iyon. Naabutan ko sa harapan ang isang matandang naka-wheelchair. Bakas na ang katandaan nito sa mga guhit sa mukha at may nakaalalay pang nurse sa likuran niya. Hindi nagtagal doon ang mga mata ko dahil naagaw ng malaking imaheng naka-project sa likuran lang ng stage ang atensyon ko.
Hindi tumagal ng ilang segundo bago ko nakilala ang nasa imahe. Iyon ang mama ni Zoren. Naalala ko pa noon nang muntik na namin masagasaan si Zoren. Ang babaeng iyan ang kasama niya. Ang nanay niya na sa pagkakaalala ko ay namayapa na rin.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko roon sa matanda at sa nanay ni Zoren. Nanginig ang mga labi ko kaya naibaba ko ang tingin. Naririnig ko pa rin ang boses ng headmaster na nagsasalita pero walang pumapasok sa utak ko. Ang tanging laman lang nito ang ay ang ideyang hindi ang pangalan ng mga magulang ko ang binanggit niyang gumawa ng mga pader kanina.
Dahil sa walang preno niyang pagsisiwalat noon, at kahit na mukhang ako lang naman ang nagulantang, ngayon ko pa lang lubusang naintindihan ang mga narinig. Hindi ang mga magulang ko ang gumawa sa mga pader.
Bigla ay gusto kong matawa. Anong kalokohan ang sinasabi ni Headmaster Van? M-Mali ba talaga ang mga nakita ko noong gabing iyon? Kahit na matagal na iyon, kahit na bata pa ako noong nasaksihan ko iyon, hindi naman ako pwedeng magkamali. Hindi naman pwedeng niloloko lang ako ng mga mata ko noon. Baka tenga ko talaga ang may problema dahil mali ang naririnig ko ngayon?
Napapikit ako ng mariin.
Bigla ay gusto kong tumayo at isigaw na ang mga magulang ko ang bumuo sa pumoprotekta sa amin ngayon. Na mali ang sinabi ni Headmaster Van. Gusto kong ipagmalaki ang pagsasakripisyong ginawa nila. Na kaming tatlo na lang na magkakapatid ang natira ngayon dahil hindi naman ang mga sinabing pangalan ni headmaster ang totoong gumawa ng pader kundi ang mga magulang ko. Na sila ang dapat pagkuhanan nila ng motibasyon at inspirasyon dahil ganoon din ako.
Saan ako nagkamali? Ang akala ko ay kahit paano, nakumpirma ko na ang ginawa ng mga magulang ko. Noon... sa library... ano iyong nabasa kong libro? Mali ba ang naging konklusyon ko sa lahat? Ang ginawa kong pagtatagpi-tagpi sa mga tanging bagay na alam ko, mali ba ako roon?
Ano ang simbolong nakita ko? Iyong din ang mayroon sa tela na nakuha ko sa gamit nina mom at dad.
Napatangis ako ng bagang.
Gusto kong pitikin ang sarili kong noo. Nang makakuha ng impormasyon ay hindi ko tinignan o sinigurado kung tama ang mga nasa isip ko. Masyado akong nasabik sa kakapiranggot na mga impormasyong nakalap kaya wala pa man ding katiyakan ay bumuo na ako ng mga sagot na mukhang wala naman pa lang katotohanan.
Muli kong tinignan ang matandang lalaki sa stage at ang nanay ni Zoren. Hindi ko na alam ang mararamdaman at kung ano ang iisipin ko. Kung kayo nga ang talagang bumuo sa pader ng Kratos, ano't ngayon lang kayo nagpakilala? Anong dahilan sa pagtatago niyo ng katauhan? A-At noong gabing iyon... noong nagkaroon ng butas ng pader... nasaan kayo noon? Kung kayo ang bumuo sa mga pader, kayo rin ba ang umayos noon sa naging butas nito? Pero nasaan kayo noong gabing iyon?
BINABASA MO ANG
Saving Avallonne
FantasyNang malaman ko ang pakiramdam ng maiwan at ang pakiramdam ng mawalan ay saka ko lamang naintindihan ang tunay na kahulugan ng masaktan. Lalo na kapag iyong mga umalis ay hindi na pwede pang bumalik. Lalo na kapag yung mga nawala ay hindi na pwedeng...